Chapter 13
Pagbabalik
Sa mundong namulat na sa iisang pananaw, kumilala ng iisang kasalanan, nagsarado ng eksplanasyon para magbigay ng pangalawang pagkakataon, nagpikit ng mga mata upang mapanatili ang pinaniniwalang kalinisan at gumawa ng napakaraming musikang nang-iiwan ng katotohanan...
Ano ang laban ng nag-iisang nilalang na tumayo para magbukas ng bagong daan? Ano ang silbi ng nag-iisang tinig sa ilang libong taong boses na may iisang isinisigaw at pinaniniwalaan? Anong kapalaran ang nararapat sa dyosang sinubukang putulin ang walang katapusang kalupitan na pilit ipinagsasawalang bahala sa paglipas ng mga taon?
Marahas akong pinaluhod ng mga mandirigmang dyosa sa ginta ng gintong bulwagan sa harap ng libong mga dyosa mula sa iba't-ibang panig ng mundo.
Napuno ng sigawan at mga salitang kaugnay ang salitang pagtataksil ang buong bulwagan.
"Leticia, alam mong mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapares sa isang bampira at lobo!" sigaw ni Dyosa Evelyn.
"Isang kapangahasan! Hindi ka na ba nadala sa dalawang emperyong naglaho dahil sa kagagawan mo?!" sigaw din ni Dyosa Victoria.
Alam kong maibabato sa akin ang sisi tungkol sa bagay na ito, matagal ko nang tinanggap na kung kakalabanin ko ang sumpa ng unang dyosa, hindi ko maiiwasan na makasalubong pagsasakripisyo, isa na nga ay ang dalawang emperyo.
Hanggang ngayon ay pinagsisihan ko pa rin ang nangyaring paglaho ng mga ito, pero matapos akong dalawin sa aking panaginip ng dalawang pares na siyang una kong isinugal, nagkaroon ako ng pag-asa na hindi tuluyang nawala ang mga emperyong ito.
May hiwaga pa rin sa likod ng sumpa ng unang dyosa na hanggang ngayon ay naghihintay sa isang nilalang na maglalakas ng loob tuklasin ito.
"Ngunit tama pa ba ito? Hindi na natin kailangan pang ipagpatuloy pa ang lamat ng nakaraan, kung mayroon naman tayong kasalukuyan na higit maaari natin harapin. Patuloy na kalupitan sa dalawang magkabilang lahi lamang ang ating pinagyayaman, sa halip na magmahalan ay nagbibigay ng karahasan ang sumpang iginawad ng unang dyosa."
"Kinukwestiyon mo ba ang desisyon ng pinakamalakas na dyosang isinilang sa mundong ito, Leticia?"
Napuno ng bulungan ang buong bulwagan sa tanong ni Dyosa Evelyn.
"Kailanman ay hindi ko kinuwesyon ang desisyon ng pinakamalakas na Dyosa at siguro'y kung ako ang nasa kanyang posisyon ng mga panahong 'yon ay naggawad din ako ng parehong sumpa. Ngunit ang nais ko lamang iparating ay ang hindi pagiging angkop nito sa kasalukuyan, siguro'y malaki ang naging tulong nito sa nakaraan ngunit iba ang nakaraan sa kasalukuyan. Hindi niya ba naiisip ang mga nilalang sa ibaba ng mundong ito na naaapektuhan ng pinanatili nating batas? Bilang dyosa ng buwan, tungkulin kong gumawa ng magandang pag-ibig at wala rito ang restriksyon!"
Muling napuno ng sigawan ang bulwagan sa hindi pagsang-ayon ng mga dyosa sa mga sinabi ko, maging ang matataas na dyosa na nakatayo na mula sa kanilang mga trono dahil sa tindi ng aming usapan.
"H-Hindi kaya---" hindi natapos ni Dyosa Victoria ang kanyang sasabihin, muntik pa itong mawalan ng panimbang kung hindi inalalayan ng dalawang dyosa na nasa kanyang tabi.
"N-Ngayon ay nagiging malinaw sa akin ang lahat..." tinanggal nito ang pagkaka-alalay sa kanya ni Dyosa Evelyn at Dyosa Emma.
"Nakukuha ko na ang pinaglalaban ni Leticia!" saglit akong nabuhayan ng loob nang marinig ang sinabi ng dyosa. Naiintindihan niya na ba ako?
Sa gilid ng aking mga mata ay nakikita ko si Hua at Dyosa Neena na kasalukuyang lumuluha habang pinagmamasdan ang sitwasyon ko. Lumingon ako sa kanya para bigyan siya ng ngiti at ipahiwatig na magiging maayos ang lahat ngunit ang malakas na boses ni Dyosa Victoria ang nagpatigil sa akin para isipin pa ang kaayusan.
BINABASA MO ANG
Moonlight Blade (Gazellian Series #4)
VampireJewellana Leticia is an outcast. She has been a victim of mockery as she couldn't keep up with the other goddesses her age when it comes to power and ability. And as someone who is afraid to stand up for herself, she already accepted her unfortunat...