PROLOGO
"Dito, tapos liliko. Hay naku!"
Bulalas ko na lamang habang kanina ko pa pinagmamasdan ng maigi ang maliit na piraso ng papel na binigay sa akin ni Mara, matalik kong kaibigan. Naikuwento niya kasi sa akin ang dalampasigan na pasekreto niyang pinupuntahan tuwing sabado. Sabi niya sa akin na malapit lamang iyon sa aming sitio ngunit masakit na ang aking paa dahil kanina pa ako naglalakad at hindi ko man lang nahanap yaong puno ng mangga na bagsisilbing senyales na malapit na ako doon sa dalampasigang kanyang sinabi. Napahinto ako sandali sapagkat nakaramdam na naman ako ng hilo, agad akong naghanap ng punong masisilungan dahil matirik na ang araw at uhaw na uhaw na ako. Nakakita agad ako ng puno at agad sumilong roon habang dinadama ang masarap na simoy ng hangin.
Ilang sandali pa magaan na ulit ang aking pakiramdam kaya tumayo na ako ngunit habang patayo ako ay may napansin akong mga guhit sa mismong punong aking pinagpahingahan. Napagtanto kung ito ang puno ng mangga na iginuhit ni Mara sa maliit na papel na daladala ko, sumulyap ako sandali sa papel at muling bumaling sa puno, tama nga ako heto na iyon. Pero bakit may nakaukit na nga salita sa mismong puno?
"Wala naman dito sa iginuhit ni Mara ah, baka nakalimutan lamang niya. Hayaan na lang bukas itatanong ko sa kanya."
Sabi ko sa sarili ko at lumapit ng kunti sa puno na may nakaukit. Nagulat akong makita ang nakasulat, hindi ito baybayin kundi kakaiba parang mga letrang ngayon ko lamang nakita sa tanang buhay ko. Hinipo ko ang bawat letrang nakasulat, kahangahanga sapagkat kakaiba ang gamit na mga letra ng taong gumawa nito.
"Napakaganda ng pagkakaukit."
Nakangiti kung tugon habang pinagmamasdan ito. Sinubukan kung basahin ngunit nabigo ako dahil hindi ko Naman mabasa at laking gulat ko nang hindi pa ito tapos.
"Bakit kaya?"
Tanong ko sa sarili ko. Napansin ko ring medyo bago pa ang pagka ukit, mga ilang araw pa lamang, hula ko. Umikot ako sa malaking puno ng mangga at napansin ko ang daang masukal, wala sana akong balak sundan ang daan ngunit may tila humihila sa akin sa daang iyon. Hindi ko namalayang unti-unti na pala akong lumalakad sa masukal na daang iyon.
"Diosmeyo!"
Bungad ko nang makita ang ganda ng likuran nito napatakip na lamang ako sa aking bibig. Ito na nga ang dalampasigan. Napakaganda, maaliwalas, malinis may mga puno ng buko at mangga sa gilid. Walang katao-tao rito, mapayapa at masarap magpahinga o magpalipas oras.
Tinahak ko ang buhanginan at unti-unting tinanggal ang sandalyas upang damhin ang mapuputing buhangin. Habang ako'y naglalakad ng naka paa, pumikit ako at dinama ang hangin na yumayakap sa akin. Ilang sandali pa'y napagdesisyonan kong umupo muna kaya naghanap ako ng mauupuan. Nakita ko sa 'di kalayuan ang isang natumbang kahoy na tila dala ng alon dahil nasa pinaka gilid na ito.
"Napakagandang lugar, ngunit bakit parang inabandona?" tanong ko na lamang sa aking sarili.
Habang ako'y nakaupo pinagmamasdan ko ang bawat parte ng lugar, tanging ang alon lamang ang nagsisilbang ingay at mga huni ng iba't ibang ibon ang maririnig dito. Nagsilbing musika ang alon sa lugar na iyon kung kaya'y nakaramdam ako ng antok. Kinuha ko ang malaking dahon na malapit sa akin at ginawang sapin upang Hindi ako masyadong madumihan habang nakahiga, mayamaya pa ay pumwesto ako sa lugar kung saan hindi masisilaw ang aking mga mata, alas dose pa lamang ng tanghali, at Hindi naman ako nagugutom sapagkat bago ako umalis ay kumain na ako.
Hindi ko namalayang nakatulog pala ako, nagising ako ng may dumidila sa aking----
"ASOOOO!!!!!! AHHHHHHH!"
Nagulat ako nang makita ko ang asong nasa harap ko agad akong tumakbo para kumuha ng kahoy at akmang hahampasin ko sana nang bigla itong umupo sa harap ko at pinakiramdaman ako. Tumingin naman ito sa maliit na piraso ng sanga na hawak-hawak ko, dahan-dahan ko itong ibinaba nang hindi inaalis ang tingin sa aso. Nung nababa ko na, bigla na lamang itong humiga at pumikit, pakiramdam ko ay inaatok lamang ito. Kung kaya nakakuha ako ng tiyempo upang umalis na roon, tumingin-tingin ako sa paligid at wala namang katao-tao ngunit bakit may asong naparito sa lugar na ito? Baka naligaw lamang ito. Ibinaling ko ang tingin sa aso, nanatiling nakahiga pa rin ito.
Papalayo na ako ng may narinig akong boses ng tao, nagtago agad ako doon sa mga matataas na damo malapit sa puno ng manggang pinagpahingahan ko kanina. Hindi ko makita ang mukha ng lalaking ito sapagkat siya'y nakatalikod sa akin, kasalukuyang hinahamplos-hamplos niya ang ulo ng aso, batid kong siya ang may-ari nito.
"Kanina pa kita hinahanap Lala, narito ka lang pala." sabi ng lalaki sa kanyang aso.
"Nais mo talagang pumarito kahit ayoko ng maniwala sa kwentong iyon. Gusto mo bang hintayin pa rin natin siya? Batid kong imposible naman iyon Lala, kwento-kwento lamang iyon ng aking ate Mariarisa. Baka hindi iyon totoo." patuloy pa nito habang hawak-hawak pa rin ang aso.
Nais kong lumapit pa ng kaunti upang makita ang mukha ng ginoong iyon, ngunit isang sanga ang aking naapakan kung kaya'y naging dahilan ito upang makalikha ng tunog, napatingin naman ako sa direksyon ng lalaking naka talikod sa akin ngayon, nagulat ako nang mapatingin sa direksyon ko ang aso, sinundan naman ng lalaki ang direksyon kung saan nakatingin ang kanyang aso, bago pa man makatingin sa direksyon ko ang lalaking iyon ay agad na akong napatakbo hanggang sa makalabas na ako sa may bandang puno ng mangga at tumakbo ulit patungo sa daan kung saan pauwi sa amin.
KINAGABIHAN....
"Anak, pupunta tayo bukas ng madaling araw sa Kapatagan doon sa Lolo Toming mo. Kaya maaga dapat tayong matulog ngayon. Isama mo na rin si Mara." -Inay
Kasalukuyan kaming kumakain ngayon, habang ipinapaalam ni Inay na bababa kami ng bundok bukas upang pumunta sa Kapatagan, matagal-tagal na rin noong naparoon ako, kaya sobrang saya ko ng makakapunta muli ako bukas.
"Malapit na ang anihan, mas mabuti ng ating mabantayan ang ating palayan roon." patuloy ni Inay.
"Uuwi po tayo agad, Inay?" tanong ni Kuya Liyo.
"Oo, walang maiiwan rito sa bahay, kaya bago magtakipsilim ay naririto na dapat tayo sa bahay." sagot naman ni Inay.
"Pagkatapos nating kumain, magpahinga na kayo mga anak. Maaga tayo bukas."- Itay.
"Opo, tay." sabay naming sagot ni Kuya.
Habang nakahiga ako sa aking higaan, hindi ko maiwasang mapaisip kung sino ang lalaking aking nakita kanina, nagulat ako ng biglang bumilis ang pagtibok ng aking puso, agad akong napahawak at napabangon. Nababaliw na yata ako. Nabaling ang aking paningin sa bintana na hindi ko pa pala naisara, lumapit ako roon at sumilip muna sa nga tala na isa-isang nagkikislapan sa kalangitan, mayamaya pa ay sinara ko na iyon upang matulog na at baka ako'y mapagalitan ni inay.
🦋
A/N: Maraming salamat mga kapatid sa pagbabasa ninyo ng kwentong ito.❤️
BINABASA MO ANG
Ang Tagpuan Sa Dalampasigan
General FictionANG KUWENTONG LILINLANG KANINO MAN. Julia Sumatra, ang babaeng mahilig sa paglalakbay at tumuklas ng mga bagay-bagay. Ngunit paano kung may matuklasang bagay na Hindi inaasahan? Ang bagay na kinakatakutan ng karamihan, ang mahulog sa taong hindi ina...