KABANATA 4
Maagang nagising sina inay dahil pag-uusapan ng lahat ng mga magsasaka rito ang plano kung saang bayan dadalhin ang mga aanihin sa susunod na buwan. Hindi ko maiwasang marinig ang mga debate ng bawat isa dahil abot hanggang sa loob ng bahay-kubo ang kanilang ingay. Nakadama ako ng pangamba nang madawit sa usapin nila ang bayan ng San Juan.
"Ngunit delikado para sa amin kung sa San Juan tayo pupuwesto at magbebenta ng ating mga ani." Ani inay.
Nasa likod-bahay silang lahat nagtitipun-tipon, nasa harap naman sina inay, itay at lolo. Sila ang nangunguna sa plano kung saang bagsakan nila ibabagsak ang mga aning palay, prutas at gulay. Tanging si lolo Toming ang inaasahan ng lahat ng taga rito, dahil siya ang kinikilalang pinuno ng mga magsasaka dito sa kapatagan.
"Matagal na iyon Gemma, ang kinakatakot ko ay baka hindi natin maubos sa pagbebenta ang ating ani kung sa Trinidad ang ating bagsakan. Alam naman ng lahat na marami ng mga bagong salta kung saan pinapangalagaan sila ng isang Heneral sa loob ng Intramuros." Wika ng isang babaeng kasamahan nila.
"Magdahan-dahan ka sa iyong pananalita Loleta at baka may makarinig sa iyong espiya at dakpin ka." Pagbabanta ng isa pang kasamahan nilang babae.
"Magsitahimik kayo. Mayroon pa naman akong isang puwesto roon sa bayan ng Trinidad na pinapangalagaan ko sa apo kong si Turyong." Pang-iiba ni lolo Toming.
"Isa pa iyang ipinagtataka ko Mang Toming, kung bakit nakarating dito sa Kapatagan natin ang lalaking iyan kung gayung taga Trinidad pala. Paano kung isang espiya iyan?" Pag-aalala ng isa pang kasamahan nila.
Dahil sa narinig ko lumabas na ako sa pinto ng kusina at pinanood sila sa likod-bahay. Bakas sa mukha ni lolo Toming ang pagkainis dahil sa katigasan ng ulo ng iba pa nilang kasamahan.
"Isang taon ko ng nakasama si Turyong kaya batid kong maganda ang kanyang hangarin na tulungan tayo. Ang totoo nga niyan ay malaki ang naitulong niya sa atin noong nakaraang taon, kaya mabilis naubos yaong mga paninda natin na ako at si Turyong lang ang nagbenta. Pakiusap ko lamang sa inyo na huwag ninyong bigyan ng maling haka-haka o sabi-sabi ang pagtulong niya sa atin. Huwag niyo sanang pairalin ang pagkamakasarili niyo dahil lahat tayo dito ay may aning ipagbibili. Huwag ninyong hayaan na lasunin ng isipan niyo ang inyong may puso. Matuto kayong imulat ang inyong mga sarili sa mga bagay na kagaya ng ating pinag-uusapan ngayon. Huwag kayong magmadali. Magtiwala kayo sa akin at sa apo kong si Turyong." Paliwanag ni lolo na siyang sinang-ayunan ng karamihan.
Napayuko na lamang 'yong mga kasamahan nilang nagmatigas kanina at pinagdudahan ang desisyon ng aking lolo Toming. Humingi rin ito ng paumanhin sa huli at sa wakas ay buo na rin ang kanilang desisyon.
"Aking mga kasamahan narinig ninyo ang ating pinuno? Magtiwala lang tayo sa kanya at sa kanyang apong si Turyong. Ipagdasal na lamang natin na agad na maubos ang ating mga ani kapag ito'y atin ng maihatid sa bagsakan sa bayan ng Trinidad. Upang may pera tayong pambili ng mga kailangan natin." anunsiyo ng isang lalaking tinuturing nilang pangalawang pinuno.
Nalaman ko iyun dahil naikukwento sa amin ni lolo Toming. Nagsipalakpakan ang lahat at iyon na nga ang kanilang plano kung saang bagsakan nila ipapadala. Nasilayan ko ang ngiti ni lolo Toming pati na rin ng aking inay at itay dahil sa magandang desisyon na sinang-ayunan ng lahat. Batid kong hindi gugustuhin ni lolo na umapak pa kaming muli sa bayan ng San Juan dahil sa kalunos-lunos na sinapit ng bayang iyon sa kamay ng mga Amerikano.
"Mabuti na lamang at magaling ang lolo mo sa mga ganyang bagay."
Nanlaki ang mga Mata ko ng hindi lumingon sa nagmamay-ari ng boses na iyon. Umihip ang malamig na simoy ng hangin sa umaga at alam kong dama rin ng lalaking nasa likuran ko ngayon ang hanging iyon. Umakto lang akong hindi nagulat sa presensya niya, ilang hakbang lang ang layo namin sa isa't isa. Maling lingon ko lang sa direksyon niya sigurado akong magtatama ang aming mga mata at baka ito ang maging dahilan ng ilang na pakiramdam sakin.
BINABASA MO ANG
Ang Tagpuan Sa Dalampasigan
General FictionANG KUWENTONG LILINLANG KANINO MAN. Julia Sumatra, ang babaeng mahilig sa paglalakbay at tumuklas ng mga bagay-bagay. Ngunit paano kung may matuklasang bagay na Hindi inaasahan? Ang bagay na kinakatakutan ng karamihan, ang mahulog sa taong hindi ina...