Ang Surpresa

9 1 3
                                    

KABANATA 5

Gumising kami ng maaga upang hindi mainit sa daan pauwi sa aming Sitio, ang tugon sa aming inay ay mabuti ng maagang maglakbay upang masarap ang simoy ng hangin na dadampi sa aming mga balat at mukha. Matapos pakainin ni itay ang aming kalabaw ay ipinuwesto na niya ito sa daan habang kami nina kuya at inay ay abala sa paghahakot ng aming mga dadalhing gamit pauwi. Kalahati ng bigas ni lolo Toming ay ibinigay niya sa amin sapagkat nalaman niyang kaunti na lamang aming naitabing bigas. Nais niyang huwag kaming magutom kaya ganun na lamang ang pag-aalala niya sa amin.

"Liya at Liyo, mga anak. Magpaalam na kayo sa inyong lolo." ani inay.

Lumapit kami ni kuya kay lolo upang magmano bilang tanda ng pagrespeto sa pag-alis namin matapos kaming makitulog sa kanila.

"Maraming salamat po lolo. Sana po ay humaba pa ang inyong buhay, sa muli po nating pagkikita."

Niyakap ko si lolo Toming sa huling pagkakataon at nagpaalam. Naglakad na ako papunta sa balsa kung saan naghihintay si itay at ang kalabaw namin.

"Ayos ka lamang ba, anak?"

"Opo, itay. Nalulungkot lamang po ako at maiiwan na naman po natin si lolo." sagot ko.

Nag-aalala ako para kay lolo at siya na lamang ang mag-isa sa kanila. Dahil sa muling pagkikita namin ay batid kong natutuwa siyang makasama kami sa isang bubong, ngunit ayaw naman nitong tumira sa Sitio San Jose sapagkat naririto raw sa Kapatagan ang hanap-buhay niya at ang mga taong naniniwala sa kakayahan niya.

"Huwag ka ng malungkot anak, bibisitahin naman natin ang lolo mo paminsan-minsan. Kung gusto mo tumulong ka na rin sa pagbebenta sa susunod na buwan." tugon ni itay.

Abot hanggang tainga ang aking ngiti nang marinig iyon mula kay itay, ngunit papayag kaya si inay gayung delikado para sa amin ang magtagal roon?

"O, anak? Bakit bigla ka yatang natutula riyan?"

"Hindi po ba't delikado itay?"

"Halika nga rito sa itay."

Bumaba ako sa balsa at nilapitan si itay na naka tayo sa gilid ng kalabaw namin.

"Pwede ka namang paminsan-minsan tumulong sa kanila, anak kung sa ikakapanatag ng loob mo at ng inay mo. Matatagalan naman siguro bago maubos ang lahat ng paninda natin kung kaya't maaari ka pa ring tumulong sa iyong lolo." ani itay.

Nabuhayan ako ng loob dahil sa sinabi ni itay. Tama rin naman ang kanyang sinabi ng sa ganun ay matitiyak ko ang aking kaligtasan. May takot pa rin akong nararamdaman sapagkat bayan iyon at maaaring magkagulo anumang oras. Ngunit naisip kong nandoon naman si lolo at Turyong kasama ko, tiyak na hindi nila ako papabayaan.

"Salamat, itay."

"Walang anuman, anak. Sige na, sumakay ka na sa balsa at parating na ang inay at kuya mo."

Tanaw ko rin sina inay na papalapit kaya sumakay na ako sa balsa. Nang makarating na sila at makasakay sa balsa ay agad din kaming humayo. Tama nga si inay mas magandang maglakbay ng maaga at hindi mainit sa daan. Masarap at sariwa ang hangin ng iyong malalasap.

Ilang sandali lang ay tanaw na namin ang mga tao sa sitio. Marami na rin ang gising sa mga oras na ito at nagsisimula ng gawin ang kani-kanilang mga gawain sa umaga. Ibinaba na namin ang mga kagamitan upang madala sa loob ng bahay. Hindi pweding makapasok ang mga kalabaw sa mismong lugar kung saan naka tayo ang kabahayan sapagkat ipinagbabawal ito ng pinuno rito. Kaya ginawan ng lugar o bahay ang mga kalabaw upang doon na lamang iiwan ito. Malapit lamang sa balon ang bahay ng mga ito upang madali silang mapainom ng tubig at para madali ring paliguan kung sakali.

Ang Tagpuan Sa DalampasiganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon