RPLL: 01

26 4 0
                                    

“Manhid”

“Ang manhid mo!”
Unang linyang pumasok sa isipan ko.

Lahat ng pagpapapansin, ginawa ko na,
Pero patuloy mong binabalewala.

Parang palamuti na kahit anong pagpapaganda ang aking gawin, hindi mo papansinin.

Parang saranggola na kahit anong taas at tayog ang aking marating, hindi mo titingalain.

Para lang akong musika na kahit anong ganda ang nais kong iparinig, hindi mo didinggin.

Para akong kayamanan na nakabaon sa ilalim ng lupa, na kahit nasa iyo na ang mapa, hindi mo hahanapin.

Para akong tula na kahit anong lalim ng salita ang aking gamitin, kahit na matalinghaga, hindi mo iintindihin.

Para akong bagay na nahuhulog, na kahit ilang beses man akong mahulog ng mahulog, hindi mo sasaluhin.

Para akong isang taong hindi mo kilala, na kahit kalabitin ka o tawagin ka, hindi mo lilingunin.

Kasi para sa ‘yo, para akong araw na hindi mo kayang titigan nang direkta kasi alam mong masakit sa mata.

Para sa ‘yo isa akong taong may malubhang karamdaman na dapat mong iwasan at layuan.

Para sa ‘yo isa akong trahedya na hindi mo nanaising mangyari dahil ayaw mong masaktan.

Para sa ‘yo ako si kamatayan na iyong kinakatakutan sa takot na kunin ka at mawalay sa piling niya.

Kasi para sa ‘yo, hindi ako siya.

Hindi ako siya para tignan mo sa dalawa mong mata.

Hindi ako siya para pakinggan mo ang mga kuwento niya.

Hindi ako siya para sabihan mo ng mabubulaklak mong salita.

Hindi ako siya para saluhin mo.

Hindi ako siya para mapansin mo.

At mas lalong hindi ako siya para mahalin mo.

Kasi nga, uulitin ko, hindi ako siya.

Sawang-sawa na akong magpapansin sa ‘yo.

Sawang-sawa na akong magpagod para makuha ang atensiyon mo.

Sawang-sawa na akong magparamdam sa ‘yo.

Sawang-sawa na ako sa manhid na katulad mo.

Random PoetryWhere stories live. Discover now