“Sikreto”
Noong unang beses kang makita hanggang tuluyang makilala
Aaminin ko, ako’y agad mong napahanga
Ang lihim kong pagtingin, hindi ko na lang aaminin
Pasimpleng sumusulyap sa ‘yo nang ‘di mo napapansin.
Sa mga mata mo’y hindi ako makatingin nang diretso
Nalulunod ako sa malalalim na titig mo
Kinikilig nang sobra, pinipilit magpatay-malisya
Nagpipigil ng emosyon para hindi ka makahalata.
Walang balak na magtapat ng nararamdaman sa ‘yo
Hindi dahil sa takot ako kung hindi dahil ayoko lang na may magbago
Ayokong iwasan mo ako at manlamig ang iyong pakikitungo
Kung ano man ang mayroon sa atin ngayon, kuntento na ako.
Kung hindi lang dahil sa kaibigan ko
Na malakas ang pang-amoy at may hinala sa akin tungkol sa ‘yo
Kilalang-kilala niya kasi ako
Nalaman tuloy niya ang sikretong itinatago ko.
Akala ko lalayo ka nang nalaman mo na
Hindi na muling titingnan ng iyong mga mata
Ngunit ako’y labis na nagulat nang yakapin mo ako
At sinabing pareho ang tinitibok ng ating mga puso.