“Nakalimutan Ko Na’ng Kalimutan Ka”
Nakatulala at nakatitig sa kawalan
Nais ko lang ng payapang isipan
Walang ibang iniintindi kun‘di sarili lamang
Ngunit bigla na namang magugulantang.Heto na naman
Bawat alaala ay binabalikan
Ang takbo ng oras ay binabaliktad
At ang kuwento ay ilalahad.Sinasariwa ang unang pagkukrus ng landas
Unang pagtatama ng mga mata
Unang pagngiti ko nang wagas
At unang utal ng pagsasalita.Nagkausap, naging magkaibigan
Nagkakiligan, naging magka-ibigan
Hindi nagkaintindihan, nagkasubukan
Hindi nagpansinan, nagkasukuan.Bawat bagay, naroon ang alaala mo
Kaya napapabuntonhininga na lang ako
Bawat sulok, may bakas ng dating tayo
Hindi ka maialis sa sistema ko.Ang pag-ibig na minsang sumibol
Hanggang ngayon ay hindi pa napuputol
Ang tadhanang sa atin ay nagbibigkis
Tuwid na paglimot ay biglang lumilihis.Sa isip, sana makalimutan na kita
Sa puso, sana ay mabura na ang bawat gunita
Maging ang mga pagluha at pagngiti
Kasama ang mga halakhak at hikbi.Saan na nga ba tayo nagsimula?
At umabot pa sa paglikha ng tula?
Sa aking pagsasalaysay
Ang katha ay nagkaroon ng saysay.Isa dalawa, sisimulan ko na
Ipinikit ang mga matang lumuluha
Dalawa’t kalahati, ayaw talaga, paano ba? Paano na?
Nakalimutan ko na’ng kalimutan ka.