New Year's Eve, almost 2018
"SUWERTE ka ngayong twenty eighteen. Magiging makulay ang love life mo!"
"Madam Ching, hindi mo na kailangan hulaan 'yang si Wilma kasi palagi naman makulay ang love life niya. Hindi nga 'yan nawawalan ng boyfriend."
Nagtawanan ang mga kaibigan ni Wilma Sarza at kinantiyawan pa siya ng husto dahil sa sinabi ng may-edad na feng shui expert. Natural na maingay ang mga babae pero ngayon pinalakas ng wine at holiday spirit ang tawa ng mga ito. Nakitawa siya at gumanti ng biro pero aware siyang humigpit ang hawak ni Madam Ching sa nakabuka niyang palad, hinahaplos-haplos ang mga linya roon at engrossed sa pagbabasa ng kanyang kapalaran. Ayaw naman niyang ma-offend ito kaya hindi na lang sinabing hindi naman talaga siya naniniwala sa hula. Kasi kung talagang ganoon lang kadali basahin ang hinaharap, marami sanang aksidente at trahedyang maiiwasan.
Nag-angat ng tingin si Madam Ching, may kislap ng excitement sa mga mata at parang may sasabihin pero hindi natuloy. Lumapit na kasi sa kanila si Ernie, ang gay head organizer ng party kung nasaan sila ngayon. "Magsisimula na ang program. Hihiramin ko muna si miss Wilma sa inyo ha? Kailangan niya i-check ang program details at kung anu-ano pa."
Pagkatapos niyang apologetic na ngitian ang mga kaibigan at ang feng shui expert na doon lang din nila nakilala at nakakuwentuhan, sumama na si Wilma kay Ernie. Naglalakad pa lang sila papunta sa naka-set up na mababang stage ay binibilin na uli ng organizer ang magiging program flow ng party na iho-host niya sa gabing iyon. Nakangiti siyang tumatango-tango habang iginagala ang tingin sa paligid, inoobserbahan uli ang mga bisitang naroon para alam niya kung paano ia-approach ang audience mamaya.
Nasa club house sila ng isang mamahaling executive subdivision para sa New Year's countdown party ng home owner's association. Ang beterano at award winning actor na si Serio Valdez, isa sa mga pinakamatagal nang nakatira roon ang nag organisa ng party. Present sa mga sandaling iyon ang halos lahat yata ng mga residente; mapa-artista, tv and radio station executives, politiko at businessmen. Pinakamarami ang socialites na katulad ng mga kaibigan na kasama niya sa kumpulan kanina.
Kaya nang personal na kontakin ni Serio Valdez ang manager ni Wilma para kunin siyang host dahil favorite daw siya ng anak nitong babae ay pumayag sila agad. Siguradong magandang exposure ang gabing iyon para sa kaniya. Baka isa sa mga bisita ngayon ang maging dahilan para magkaroon siya ng big break at mas magandang projects bukod sa pagiging VJ sa isang cable music channel. Isa pa mga kaibigan lang din naman ang makakasama niya mag celebrate ng New Year kung sakaling hindi niya tinanggap ang trabaho na ito. Mas maganda itong paraan para salubungin ang bagong taon.
Nagpunta sila ni Ernie sa gilid ng stage at may isa itong staff na nag-abot sa kaniya ng cue cards. Nawala na ang atensiyon ni Wilma sa mga bisita at naging abala sa preparasyon. Pagkatapos nilang ma-finalize ang lahat ay hindi na siya umalis sa kinatatayuan niya. Sa halip sinilip niya ang oras sa suot na wristwatch. Alas onse na ng gabi. Isang oras na lang magpapalit na naman ang taon. Napatingala siya sa madilim na kalangitan. Napapadalas na ang pagkislap ng mga paputok at nararamdaman na rin niya ang papataas na excitement ng mga bisita. Somewhere na malapit sa club house, alam niyang naka-standby na rin ang mga kinuhang pyrotechnician ni Ernie para sa five-minute fireworks display mamayang alas dose.
Ready na ang lahat, lalo na si Wilma. Sakto naman ang paglapit uli ni Ernie para sabihing magsisimula na sila. Bumalik ang malawak na ngiti ni Wilma at cheerful na nakipag-usap sa organizer bago pasimpleng huminga ng malalim at umakyat sa stage. Nang unti-unting humina ang tugtog ay inilapit na niya sa bibig ang mike. "Good evening everyone! Thank you for joining us as we welcome and celebrate the new year. My name is Wilma Sarza and I will be your host for tonight," masiglang bati niya.
BINABASA MO ANG
GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)
RomanceKuntento sa tahimik na buhay si Cenon Sizperez. Tanggap na rin niyang mananatili siyang mag-isa hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Pero sa madaling araw ng bagong taon, nakilala niya si Wilma Sarza. From the moment he saw her, he knew she...