Part 36

5.6K 188 5
                                    


Bumuntong hininga ito at umupo uli sa katabi niyang silya paharap sa kaniya. "Wilma, kailangan niyo munang dumistansiya ni Cenon sa isa't isa. Pinagbigyan kita kahapon na makita siya kasi naramdaman kong malapit ka na mag breakdown. Pero nagsisisi na ako ngayon. Bilang manager mo, tungkulin kong pangalagaan hindi lang ikaw kung hindi pati na rin ang career mo. Ako at si boss.... sa tingin namin dapat gawin mong priority ang trabaho imbes na lovelife. Kasi twenty five ka pa lang at malaki ang potential mong maging sikat na host, model at baka nga maging artista ka pa kung gugustuhin at pagbubutihin mo."

"Hindi ko naman pinapabayaan ang trabaho ko."

"Alam namin 'yon. Pero kung palagi kang susundan ng masasamang komento tungkol sa pakikipagrelasyon mo kay Cenon, maaapektuhan ng husto ang career mo."

Napatitig si Wilma kay ate Dindie. "Ano ba talagang nangyari?"

Bumuntong hininga na naman ang manager niya. "Ayaw ka na kuning regular host ng noontime show kahit ang alam namin ni boss ay sa iyong sa iyo na talaga 'yon. The producer and the director assured us weeks ago. Pero bigla na lang tumawag kanina sa office na ibibigay na lang daw nila sa iba ang trabahong 'yon. May mga artikulo kasing lumabas sa showbiz websites at kahit sa tabloid ngayong araw. Sabi nila direk... baka raw madamay ang show."

Napaderetso ng upo si Wilma, umusbong ang pagrerebelde sa dibdib. "Just because I am dating an older man doesn't mean I will bring the show a bad reputation. Kaya ko gawin ng maayos ang trabaho ko at iyon naman ang mahalaga 'di ba?"

"Alam ko, Wilma. Pero nakapagdesisyon na raw sila Direk na ibigay sa iba ang hosting job. Ang alam ko nga may meeting sila ng producer at writers ngayong gabi."

Mariing tumikom ang bibig ni Wilma bago nakapagdesisyong tumayo. "Saan sila mag mi-meeting?"

Gulat na tiningala siya ni ate Dindie at napanganga kasi mukhang alam na nito ang balak niyang gawin. "Sigurado ka?"

Tumango si Wilma. "Kailangan ko ipakita sa kanila na gusto ko talaga ang trabaho ko at na kaya kong paghiwalayin ang professional at personal kong buhay. Kung mananahimik lang ako dito at tatanggapin ang desisyon nila, baka isipin nila na hindi ko naman talaga gusto makuha ang hosting stint na 'yon. Mas lalo nila akong hindi seseryosohin. Kailangan ko ipakita sa kanila na gusto ko talaga ang trabahong 'yon."

Nagkatitigan sila ni ate Dindie bago ito tumayo rin at hinawakan siya sa magkabilang balikat. "Good attitude. Iyan ang gusto ko sa 'yo. Magbihis ka. Pupuntahan natin sila."

Napangiti si Wilma at sunod-sunod na tumango. Pagkatapos halos tumakbo na siya pabalik sa kuwarto at nag-ayos.

SA isang conference room sa loob ng TV station daw ginaganap ang meeting ng producers, directors at writers ng noontime show. Determinado si Wilma na makuha ang loob ng mga ito kaya kahit pagkababa pa lang nila ni ate Dindie sa kotse niya ay nakataas na ang noo niya at naka-fight mode na. Pero kahit ganoon hindi niya naiwasan mapansin na mas maraming tao ang napapatingin sa kaniya habang naglalakad siya.

Kompara rin dati, mas maingay ang bulungan na para bang wala nang pakielam ang mga tao kahit na marinig pa niya. Nagpapantig ang tainga niya kapag nahahagip ng kanyang pandinig ang mga salitang 'mahilig sa matanda', 'kahit kanino pumapatol' at 'may daddy issues siguro siya'. Pero kinontrol niya ang sarili na huwag magpaapekto. Kaso malapit na siya sa conference room na pakay nila ng manager niya nang may marinig siyang adjective patungkol sa kaniya na ngayon lang niya narinig; "Gold digger."

Napahinto tuloy si Wilma at marahas na napalingon. Halatang nagulat ang dalawang babae na kasunod nilang naglalakad at mabilis na itinutok ang tingin sa mga cellphone na hawak at halos tumakbong lumiko sa kanang hallway. Hindi na tuloy niya nakompronta. Pero bothered siya kaya nilingon niya si ate Dindie. "Bakit tinatawag nila akong gold digger? Bakit iniisip nilang pera ang habol ko sa boyfriend ko?" Napangiwi ang manager niya kaya lalo siya kinabahan. "May kailangan pa ba akong dapat malaman na hindi mo pa nasasabi sa akin ate?"

GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon