Part 5

8.4K 252 11
                                    

NAPAHINGA ng malalim si Wilma at hindi napigilan tumakbo papunta sa gitna ng maluwag na kalsada na wala ni isang sasakyang dumadaan. Tumingala siya. Medyo maliwanag na ang paligid at nagkukulay pinkish orange na ang langit. Kahit amoy paputok ang paligid, okay lang. Pumikit pa rin siya at paulit-ulit na huminga ng malalim, dinadama ang unang araw ng panibagong taon. Kompara sa loob ng dance club, sobrang tahimik sa labas. Parang walang ibang tao maliban sa kaniya –

"Anong ginagawa mo?"

Fine. Hindi siya nag-iisa. Dumilat si Wilma at nilingon si Cenon na naglalakad palapit sa kaniya. Ang weirdo siguro niya sa paningin nito, halata sa expression na nakikita niya sa guwapong mukha nito kapag nakatitig sa kaniya. Nginitian niya ito. "Minsan ka lang puwede tumayo sa gitna ng highway na hindi ka masasagasaan, 'no. Ang sarap kaya sa feeling. Ganito ko sinasalubong ang January one, taon-taon." Tiningala niya uli ang langit at ibinuka ang mga braso at bumulong, "Congratulations for surviving another year, self. Kaya mo rin harapin ang panibagong taon na 'to."

"Lasing ka yata talaga," pabuntong hiningang bulong naman ni Cenon, halatang mas sarili ang kausap kaysa sa kaniya. Pero dahil masyado ngang tahimik kaya malinaw niya 'yong narinig.

Dahan-dahang dumilat si Wilma at nakangiting nilingon ito. "Birthday ko ngayon."

Natigilan si Cenon at halatang nagulat. Hindi rin niya alam kung bakit naisip niya sabihin dito ang tungkol doon. Siguro nadala siya ng matiim na titig nito sa mukha niya. O baka kahit kasi obvious na sobrang layo ng edad nila sa isa't isa ay may naramdaman pa rin siyang kakaibang connection sa lalaki. Iyong para bang pamilyar ito sa kaniya at magaan ang loob niya rito kahit ngayon lang naman sila nagkita.

Hinintay niyang sabihin nito na wala itong pakielam. O kung mas mabait ito puwede siya nitong batiin ng happy birthday. Kaya nagulat siya nang mamulsa si Cenon at iba ang sabihin. "Pareho pala tayong pinanganak ng bagong taon."

Nanlaki ang mga mata ni Wilma. "Birthday mo rin? Seryoso?"

Naglakad ito palapit hanggang nakatayo na ito sa mismong harapan niya. "Bakit naman ako magsisinungaling?"

Umawang ang bibig niya, hindi pa rin makapaniwala na pareho pala sila ng birthday. Pagkatapos natawa siya. "What a coincidence na magkasama tayong dalawa ngayon. Happy birthday, Cenon. Ilang taon ka na?"

Ilang segundong tinitigan siya nito bago sumagot, "I'm fifty now."

Namilog ang mga mata niya. "Really? Mas matanda ka pa pala kay Serio Valdez. Akala ko mas matanda siya sa 'yo. Akala ko forty ka lang."

Umangat ang gilid ng mga labi ni Cenon. "Kung compliment 'yan, salamat. At happy birthday din sa 'yo, Wilma."

Matamis siyang ngumiti, binalewala ang kakaibang kuryenteng humagod sa buong katawan niya nang banggitin nito ang pangalan niya. Bakit hindi siya na-turn off kahit alam na niyang doble ng edad niya ang edad nito? "Thank you. Twenty five na ako ngayon. Dapat pala mag wish tayo pareho. Anong gusto mong iregalo sa 'yo ni God ngayong taon?"

Tinitigan na naman nito ang mukha niya. Napapaisip tuloy si Wilma kung alam ba nitong nakakapanlambot ng tuhod ang mga mata nito kapag ganoon ka-intense tumitig. O kung napapansin nitong gusto niya pagdikitin ang mga hita niya kapag naririnig ang lalaking lalaking boses nito.

"Ikaw, anong gusto mong regalo ngayong taon?"

Iniwasan na naman nito mag share ng tungkol sa sarili nito. Nagkibit balikat siya at inalis na ang tingin kay Cenon. "Magandang career, more places to travel, masayang buhay lang palagi saka peace of mind." Habang nagsasalita si Wilma napalingon siya sa isang side ng highway kasi parang may narinig na siyang tunog ng sasakyan. Sandali nga lang, may nakita na siyang papalapit na taxi. Kinawayan niya iyon.

"I hope all your wishes will come true," biglang sabi ni Cenon.

Gulat na napalingon siya rito. "At ikaw? Ano ang wish mo para sa sarili mo?"

Umangat ang gilid ng mga labi nito at sa unang pagkakataon mula nang magkita sila sa party ni Serio Valdez, nakita ni Wilma na maaliwalas ang mukha nito. "I had already lived my life for five decades now. Kuntento na ako sa buhay ko ngayon. Wala na akong mahihiling pa. Kaya ang wish ko ngayong birthday ko, ibibgay ko sa 'yo. Para siguradong matutupad ang lahat ng gusto mo."

May init na humaplos sa puso niya kasi nakikita niya sa mga mata nitong sincere ito. Naramdaman niyang huminto sa tabi niya ang pinara niyang taxi pero hindi pa rin niya magawang alisin ang tingin sa mukha ni Cenon. Ang lalaki pa tuloy ang nagbukas ng pinto sa backseat para sa kaniya. "Uwi na at matulog. Pagkagising mo, unti-unti na matutupad lahat ng hiling mo para sa taong ito."

At ewan ba ni Wilma kung sobra lang talaga siyang na-touch sa mga sinabi nito o talagang kanina pa niya gusto gawin pero bago pa niya marealize kung anong ginagawa niya ay kumapit na siya sa magkabilang braso nito at tumingkayad. Pagkatapos hinalikan niya ito sa mga labi. Sandali lang iyon, smack lang kung tutuusin. Kasi inilayo na niya ang mga labi nang maramdamang na-tense ito. Sinalubong niya ng tingin ang nanlalaking mga mata nito at sincere na ngumiti.

"Thank you na sinakyan mo ang trip ko magdamag. Goodbye, Cenon." Pagkatapos tuluyan na siyang bumitaw sa mga braso nito at pumasok sa loob ng taxi. Nakalayo na ang sinasakyan ni Wilma bago siya lumingon. Nakatayo pa rin ang lalaki sa kung saan niya ito iniwan, nakasunod lang ng tingin. Napabuntong hininga siya at wala sa loob na napahawak sa kanyang mga labi. Alam niya na may pagkabaliw at reckless siya madalas pero first time niya nanghalik ng estranghero na hindi na niya makikita pa uli kahit kailan. Wala siya nakapa ni katiting na pagsisisi. Katunayan, ngiting ngiti pa siya hanggang makauwi.

GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon