"Anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ni Cenon na sandali siyang sinulyapan bago ibinalik ang tingin sa daan.
Huminga ng malalim si Wilma at inamin sa lalaki ang isang bahagi ng kanyang nakaraan na kahit marami ang nakakaalam ay never niya kusang binanggit kahit kanino. "Nabanggit ko na sa 'yo dati na noong bata pa ako kinailangan ako ipa-counsel sa child psychologist, 'di ba?"
Marahang tumango si Cenon. "Sabi mo dahil na-trauma ka sa pagkamatay ng tatay mo."
"Hindi lang 'yon ang dahilan kaya ako na-trauma," mahinang sabi niya. Sinulyapan siya ng lalaki, kumislap ang concern sa mga mata pero hinintay siya magpatuloy sa pagsasalita. Sa sandaling iyon niya narealize na puwede niya sabihin dito ang lahat.
Ang problema sa ibang tao, nakakatakot mag open up kasi siguradong may sasabihin ang mga ito pagkatapos na imbes na makapagpagaan sa loob mo ay lalo lang makakasakit. They will say sorry and that they know what you are going through but they really don't understand. Kaya sa totoo lang mas nakakakuha si Wilma ng comfort sa katahimikan.
Sandaling tinitigan niya ang side profile ni Cenon kasi nakatutok ang mga mata nito sa daan. "Namatay si papa sa isang car accident," mahinang simula niya. Napansin niya na na-tense si Cenon. Humigpit ang hawak nito sa manibela at tumigas ang pagkakaupo.
Napangiwi si Wilma. "Sorry. Nag da-drive ka ngayon. Mamaya ko na lang sasabihin kapag nasa bahay na tayo."
"No. Go on. Alam ko kung gaano kahirap i-bring up ang isang trahedyang nangyari sa nakaraan. Ngayon ka ready at kapag hindi mo tinuloy mahihirapan ka na uli banggitin ang tungkol diyan," malumanay na sagot ni Cenon.
Napatitig si Wilma sa mukha nito at may init na humaplos sa kanyang puso. Naiintindihan siya nito. For the first time in her life she found someone who really knows what she has been going through all these years. Ngumiti siya at hinaplos ang braso nito, tahimik na nagpapasalamat. Pagkatapos huminga uli siya ng malalim at nagsalita.
"Hanggang ngayon hindi ko pa rin nakakalimutan ang araw na 'yon. Minsan kahit feeling ko okay na ako, bigla na lang sumusulpot sa isip ko o kaya sa panaginip ko. Natatandaan ko na ang ganda ng gising ko sa umagang 'yon. Kinagabihan lang kasi ang saya namin ng parents ko. Hindi ako worried kahit bumangon ako na wala si papa sa babay. May pinuntahan lang daw siya sandali sabi ni mama pero babalik din agad. Mamamasyal kasi kami dapat sa araw na 'yon. Binihisan ako ni mama ng maganda at sinabihang hintayin ko lang si papa.
"Pero nainip ako. Lumabas ako ng bahay at sinubukan siya hintayin sa may gate. Nang hindi pa rin siya dumating agad, kahit alam kong pagagalitan ako ni mama tumakbo ako papunta sa gate ng subdivision namin. Malapit lang kasi ang bahay namin noon sa entrance ng gate at kilala ako ng mga guwardiya. Pinayagan nila akong doon hintayin si papa."
Sandaling huminto sa pagsasalita si Wilma kasi bumagal ang takbo ng Hummer at iniliko ni Cenon ang sasakyan papasok sa isang subdivision. Bumilis ang tibok ng puso niya at na-tense nang marealize na malapit na sila sa bahay nito. Hinayaan niya muna itong makipagtanguan sa guwardiya na nakatao sa guardhouse. Pareho nilang binalewala ang pagkagulat at pagtataka na nakita nila sa mukha ng lalaki nang mapasulyap sa kaniya. Na para bang ngayon lang nito nakita si Cenon na umuwing may kasamang babae.
Mayamaya pa nasa loob na sila ng subdivision. Sinulyapan siya ni Cenon at nang magtama ang kanilang mga paningin naalala niya kung tungkol saan ang sinasabi niya rito kanina. Huminga ng malalim si Wilma at kahit gusto niyang gawing kaswal ang usapan ay uminit pa rin ang gilid ng kanyang mga mata. "Nakita ko nang parating na ang kotse ni papa. Na-excite ako at sinisigaw ko ang pangalan niya kahit alam kong hindi niya ako naririnig. Lumabas ako sa guardhouse, masayang masaya. Pero pagliko ng kotse niya, biglang may malaking truck na galing sa opposite side ang bumangga sa kaniya."
Huminto ang sasakyan, ni hindi niya namalayang nasa gilid na pala sila ng kalsada, sa harapan ng isang malaking bahay na may mataas at itim na gate. Marahas na lumingon sa kaniya si Cenon. Halata ang pagkagulat sa guwapo nitong mukha. May dumaan ding mga emosyon sa mga mata nito na nagpasikip sa dibdib niya. He looks so devastated and hurt. Na para bang kasama niya ito noong ten years old siya, nang mangyari ang car accident na naging dahilan kaya namatay ang papa niya.
"Kaya mas naging malala at mahirap mawala ang trauma ko..." paos na bulong ni Wilma. "At kaya nagbago ang takbo ng buhay ko mula nang araw na 'yon, kasi nakita ko kung paano tumilapon at nayupi ang kotse ni papa dahil sa lakas ng pagkabangga ng truck. Nang tinawag ng guwardiya si mama, masyado rin siyang nataranta na ni hindi niya napansing naroon din ako. Kahit nang dumating ang mga magre-rescue at mga pulis, walang nakaisip na nakikita ko ang lahat. Nakita ko nang ilabas nila ang katawan ng tatay ko mula sa kotse. Nakita kong duguan siya. Nakita ko nang ilagay siya sa stretcher at bumagsak ang mga braso niya kasi... dead on the spot siya."
Namutla si Cenon at parang mas lalong tumanda ng ilang taon ang hitsura nito habang nakatitig sa kaniya. Namasa ang mga mata ni Wilma, bagay na palaging nangyayari kapag hinahayaan niya ang sariling alalahanin ang hitsura ng kanyang ama nang mamatay ito. Minsan hindi niya alam kung bakit kahit ten years old lang siya noon at matagal na nangyari ay malinaw pa rin niya natatandaan bawat detalye, lalo na ang duguang kamay nito na nakalaylay sa stretcher .
Hinintay niya magsalita si Cenon pero hindi nito ginawa. Sa halip hinubad nito ang seatbelt at dumukwang hanggang mayakap na siya nito. Napasinghap si Wilma nang masubsob ang mukha sa dibdib nito. Singhap na muntik na maging hikbi nang maramdaman niya ang paghagod ng isang palad nito sa likod niya. Hindi na nito kailangan magsalita. Sapat na ang yakap at haplos na iyon para malaman niya kung gaano ito naapektuhan ng mga inamin niya.
Ang tahimik na pang-aalo ni Cenon ay higit na mas epektibo kaysa sa lahat ng mga reassuring words na narinig niya mula sa kung sino-sino na nakakaalam ng trahedyang nangyari sa pamilya nila. "Thank you," bulong niya.
Tumango lang ito at hinalikan siya sa ulo. Bumuntong hininga siya, pumikit at mahigpit din itong niyakap.
BINABASA MO ANG
GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)
RomanceKuntento sa tahimik na buhay si Cenon Sizperez. Tanggap na rin niyang mananatili siyang mag-isa hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Pero sa madaling araw ng bagong taon, nakilala niya si Wilma Sarza. From the moment he saw her, he knew she...