Part 4

9.5K 242 12
                                    

HINDI NA MABILANG ni Cenon kung gaano karaming beses niyang kinuwestiyon ang kanyang sarili kung anong ginagawa niya. Nang sumaglit siya sa party ni Serio dahil binantaan siya ng kaibigan na sasama ang loob kapag hindi siya nagpunta, ni sa hinagap hindi niya naisip na magiging ganito ang papel niya sa magdamag. Babysitter ng isang babaeng ayaw umuwi. Hinayaan ko na lang sana siya maglakad mag-isa palabas ng subdivision, pabuntong hiningang naisip niya nang marinig ang malakas na halakhak ni Wilma, angat sa kabila ng malakas at maharot na tugtog sa loob ng bar kung saan ito nagpumilit pumasok kanina. Ngayon nasa gitna ito ng dance floor at sumasayaw. Sigurado siya kanina na wala itong kakilala roon pero hayun ito at napapalibutan na ng mga lalaki na mukhang ka-edad nito.

"Beer pa, boss?" tanong ng bartender kaya sandaling inalis ni Cenon ang tingin kay Wilma.

"Tubig na lang. Mag da-drive ako," sagot niya. Nakaubos na kasi siya ng isang bote.

Tumaas ang mga kilay ng bartender at amused na ngumiti. "Mag da-drive din halos lahat ng mga nandito ngayon, boss. Pero mas matapang pa ang inoorder nilang alak kaysa sa 'yo." Palibhasa siya lang ang nakatambay sa bar counter kaya balak pa yata siya daldalin nito. Katulad ni Wilma, mukhang hindi rin makaramdam ang bartender na ayaw niya ng kausap.

"Mga bata pa sila. Mabilis mawala ang lasing at hindi apektado masyado ng hang over. Ganiyan din ako noong bata-bata pa ako. Pero ngayon, torture sa akin kapag tinamaan ako ng alak. Kaya tubig na lang." Tipid pang tinanguan ni Cenon ang bartender. Sa wakas mukhang naintindihan din nito na ayaw na niya makipag-usap kasi tumango ito at nag thumbs up. Nang bigyan siya nito ng mineral water, iniwan na siya nito at lumipat sa kabilang dulo ng counter kung saan may grupo ng mga babae na bagong dating.

Binuksan niya ang bote ng tubig at pumihit muna hanggang nakasandal na siya sa bar counter bago uminom. Iginala niya ang tingin sa paligid. Pagtapak pa lang ni Cenon sa entrada kanina, naramdaman na agad niyang hindi siya para sa lugar na iyon. Alas kuwatro na ng umaga pero sagana pa rin sa energy ang mga tao roon. Ni hindi niya alam na may mga ganitong gimikan na bukas hanggang ganitong oras kahit na bagong taon. Wala bang mga pamilya na uuwian at makakasama ang mga taong naroon katulad niya?

Halos lahat ng tao roon kung hindi mukhang mga college student ay halatang nasa twenties ang mga edad. Kahit yata mga bouncer sa club na 'yon higit na mas bata sa kaniya. Hindi niya aaminin kahit kanino, lalo na kay Wilma na iyon ang unang beses na tumapak siya sa ganoong lugar. Hindi ganito ang hitsura ng gimikan noong panahon niya. Pagdating sa sayawan, disco ang uso noon.

Narinig na naman ni Cenon ang tawa ni Wilma kaya hinanap niya ito ng tingin. Na-tense siya nang makita ito. Umiindayog pa rin ito sa saliw ng tugtog pero nagsisimula na itong maglakad palayo sa gitna ng dance floor. Ang mga lalaking nakapalibot dito mula pa kanina, halatang kinukumbinsi itong huwag umalis. May isa pang yumuko at halos idikit na ang mukha sa mukha nito. Limang dekada na nabubuhay si Cenon sa mundo at alam niya sa body language ng lalaking iyon na may pagnanasa ito sa dalaga. Humigpit tuloy ang hawak niya sa bote ng mineral water at naningkit ang kanyang mga mata. Alam niya wala siya dapat pakielam at mas lalong walang rason pero bahagyang sumipa ang protectiveness niya.

Pero hindi siya kumilos para tumayo kasi hindi nawawala ang ngiti ni Wilma. Wala ring tensiyon o pagkailang na makikita sa maganda at mala anghel nitong mukha. Katunayan may kislap pa nga ng amusement sa mga mata nito. Relaxed na relaxed ang dalaga na para bang sanay na sanay itong nakakakuha ng atensiyon mula sa mga kalalakihan. Halata ring sanay itong i-handle ang mga tagahanga.

Hindi nakakapagtaka. Wilma not only has the most beautiful face Cenon had ever seen in his life, her charm and sex appeal was also overpowering. Para itong diwata; maamo ang mukha pero ang mga mata may kakaibang kislap na para bang palaging nang-aakit, graceful ang bawat galaw, nakakasilaw ang ngiti at parang musika ang halakhak. Kung anong pumasok sa isip ng Diyos at pinagsama ang mga katangian na iyon sa slim na katawan ng isang babae ay ewan niya. Pero sana alam Nito na lumikha Ito ng isang mapanganib na babae.

GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon