"KAKAIBA ang tingin sa atin ng mga customer at waiter kaninang lumabas tayo ng restaurant. Hindi ko napansin pero mukhang nasa atin ang atensiyon nilang lahat mula nang lumapit sa akin ang kumare ni mama. Sorry ha?" sabi ni Wilma kay Cenon nang nakasakay na uli sila sa hummer nito.
Sinulyapan siya ng lalaki. "Bakit ikaw ang nag so-sorry? Wala kang ginawang masama."
Apologetic niya itong nginitian. "Nag-aalala lang ako na baka naging uncomfortable ka dahil kasama mo ako. Alam ko nakita mo kung paano ka tingnan ng amiga ni mama. Malamang tsini-tsismis na niya tayo sa nanay ko at sa lahat ng mga kakilala niya. Nag so-sorry ako kasi nag-react siya ng ganoon hindi dahil sa 'yo kung hindi dahil sa akin. Meron kasi akong... reputasyon."
"Reputasyon? Na ano?" nakataas ang mga kilay na tanong ni Cenon pero nakatutok ang tingin sa kalsada. Malapit na sila sa apartment building kung saan siya nakatira. Hinintay niyang maihinto nito sa tapat ng entrada ang hummer bago sumagot si Wilma habang tinatanggal ang suot na seatbelt.
"Na serial dater daw ako at lahat ng lalaki pinapatulan ko. Na wala raw ako pinipili. Na kung gaano kabilis daw ako magkaroon ng boyfriend ganoon din daw ako kabilis magdispatsiya kapag sawa na ako."
Napatitig sa kaniya si Cenon. "Ganoon ka ba talaga?" malumanay na tanong nito.
Sinalubong niya ng seryosong tingin ang mga mata nito. "Gusto mo ba talaga malaman?"
Ilang segundong katahimikan bago sumagot ang lalaki. "Kapag sinabi ko na oo, anong gagawin mo?"
Bumilis ang tibok ng puso ni Wilma kasi nakikita niya sa mukha ni Cenon na nakadepende talaga sa isasagot niya ang patutunguhan ng kung ano mang relasyon na mayroon sila ngayon. Kinabahan siya pero na-excite rin. "Hindi ka natatakot sa sasabihin ng iba?" bulong niya.
Lumambot ang ekspresyon sa mga mata nito at lalo lang nahulog ang puso niya para rito sa sumunod nitong sinabi, "I'm too old to be bothered by what others say, especially if they don't matter to me. At ang kaunting mga taong malapit sa akin, sigurado akong walang sasabihing makakasakit sa akin. Mas natatakot ako sa sasabihin ng iba tungkol sa 'yo. Sa ating dalawa, ikaw ang nagsisimula pa lang umusbong ang career na gustong gusto mo ginagawa. Ikaw ang mas exposed sa paningin at opinyon ng mga tao. Ikaw ang mas maaapektuhan sa ating dalawa, Wilma."
Nahigit niya ang hininga nang may marealize. "Kaya ba dumidistansiya ka kahit nararamdaman ko namang attracted ka rin sa akin? Kaya iniiwasan mo magkaroon tayo kahit pinakasimpleng physical contact? Kasi worried ka para sa akin?"
Bumuntong hininga si Cenon at nalaglag ang mga balikat. May desperasyon at pakiusap sa mga mata nito nang magsalita, "Oo. At gusto ko maging tapat sa iyo, Wilma. Resisting you is getting hard day by day. Kaya kung mayroon ka kahit kaunti lang na alinlangan, kung nilalapitan mo lang ako dahil curious ka o bored o kung ano pa man, puwede bang tapusin na natin ang koneksiyon nating dalawa? Kung paglalaruan mo lang ako, puwede bang huwag mo na hintayin na hulog na hulog na ako sa 'yo bago mo ako tigilan? Can you just spare this old man's heart from getting broken?"
Humapdi ang gilid ng mga mata ni Wilma at parang may lumamutak sa puso niya. Kasi iyong pagtitimpi na ginawa niya sa nakaraang isang linggo para mabawasan ang pagkahumaling niya kay Cenon, narealize niya na walang wala iyon sa pinagdadaanan nito mula nang una silang magkita. Iyong one week nga lang, torture na para sa kaniya. Paano pa kaya ito na puro kapakanan lang pala niya ang iniisip imbes na ang sarili nito?
"Wilma?" pukaw nito sa kaniya kasi ang tagal niyang nakatitig lang sa mukha nito pero hindi nagsasalita.
Huminga siya ng malalim at tipid na ngumiti. "Gusto mo bang umakyat sa apartment ko? Masyadong mabigat ang maleta ko. Patulong naman."
Napakurap si Cenon at ilang segundo ang lumipas bago nakuha ang kahulugan nang sinabi niya. Napaderetso ito ng upo at naging matiim ang titig sa kaniya. "Sigurado ka ba talaga? Hindi ka magsisisi?"
Lumawak ang ngiti ni Wilma. Pagkatapos hindi siya nakatiis na dumukwang at mabilis itong hinalikan sa pisngi. Naramdanan niyang na-tense ito at nakita niya sa gilid ng kanyang mga mata na humigpit ang hawak nito sa manibela na para bang pinipigilang hawakan siya. Bahagya siyang umatras para magtagpo ang kanilang mga paningin bago pabulong pero pinal na sinabing, "Siguradong sigurado."
NANGINGINIG ang mga kamay ni Wilma nang buksan niya ang pinto ng kanyang apartment. Ilang taon na siyang nakatira roon pero bukod kay Nancy at ate Dindie wala pang ibang nakapasok sa tirahan niya. Medyo nate-tense tuloy siya ngayong nararamdaman niya ang malakas na presensiya ni Cenon na nakatayo lang sa likuran niya.
Huminga siya ng malalim bago tuluyang pumasok sa loob, binuksan ang ilaw at saka gumilid para makadaan naman ang lalaki na dala ang malaki niyang maleta. Isinara niya ang pinto, kinalma ang sarili at saka lang hinanap ng tingin si Cenon. Kumabog ang dibdib niya nang huminto ito sa gitna ng halos walang laman niyang living room at igala ang tingin sa paligid. Nagmukhang maliit ang apartment niya ngayong naroon ito. Hindi lang dahil malaking tao ang lalaki kung hindi dahil malakas talaga ang dating nito.
Ilang minuto ang lumipas bago ito humarap sa kaniya. "Tama nga ang manager mo. Halos walang laman ang apartment mo."
"Natatandaan mo 'yon?"
Nagkibit balikat si Cenon at namulsa. "Sa nakaraang mga taon totoo na nagiging makakalimutin na ako minsan. Pero lahat ng nalalaman ko tungkol sa 'yo, natatandaan ko. Bawat detalye at kahit iyong mga bagay na baka nga hindi ka aware, tumatatak sa isip ko. Madalas, kahit may ginagawa ako o kapag matutulog na lang ako bigla ko naaalala ang mga detalye na iyon tungkol sa 'yo. Naiinis pa nga ako kasi sa tuwing nangyayari 'yon ikaw na lang ang maiisip ko. Nakaka distract ka."
May init na humaplos sa dibdib ni Wilma at natagpuan ang sariling humahakbang palapit sa lalaki. "Huwag ka mainis. Hindi lang naman ikaw ang nadidistract mula nang magkakilala tayo. Ako nga, mula pa lang noong bagong taon hanggang ngayon palagi ka sumusulpot sa isip ko kahit busy ako." Huminto siya sa mismong harapan nito, pinagtagpo ang kanilang mga paningin at masuyong ngumiti. "Natatandaan mo ba na pareho nating birthday 'non? Na ibinigay mo sa akin ang wish mo para mas malaki ang chance na matupad ang hiling ko para sa taong 'to? Sobrang thankful ako sa 'yo dahil doon. Feeling ko isa ka sa malaking dahilan kaya nakatanggap ako ng maraming blessings sa nakaraang mga buwan. Sa isip ko bago pa man tayo magkita uli, lucky charm na ang tawag ko sa 'yo."
"Natatandaan ko," sagot ni Cenon. "Paano ko makakalimutan ang sandaling 'yon? Hinalikan mo ako."
Uminit ang mukha ni Wilma. "Ginawa ko lang 'yon kasi na-touch ako sa mga sinabi mo sa akin. At kasi akala ko hindi na tayo magkikita uli."
Marahan itong tumango at tipid na ngumiti. "Alam ko na 'yon ang nasa isip mo nang magpaalam ka sa akin. Na hindi na tayo magkikita uli. Kaya sinubukan kong kalimutan ang halik na 'yon." Nahigit niya ang hininga nang umangat ang isang kamay nito at magaan na iparaan ang likod niyon sa kanyang pisngi. Halos hindi lumalapat sa balat niya ang haplos na iyon pero may mainit at nakakakiliting pakiramdam pa ring kumalat mula anit hanggang talampakan niya. "Kaso hindi talaga nawala sa isip ko. Paano mo nagawa iyon sa akin, Wilma? Paano kung hindi na talaga tayo nagkita uli at hindi ko na talaga nakalimutan ang halik mo? Magiging torture para sa akin ang alaala na 'yon hanggang malagutan ako ng hininga."
Sa kabila ng epekto sa kaniya ng patuloy na pagdampi ng balat nito sa pisngi niya ay amused pa rin siyang napangiti. "Grabe ka naman makasabi ng torture. Sigurado makakalimutan mo rin ang kiss ko eventually."
Umangat ang mga kilay ni Cenon. "Minamaliit mo ba ang attraction na nararamdaman ko para sa 'yo?"
Lumawak ang ngiti ni Wilma. "Smack lang naman 'yon. Kapag nakahanap ka ng karelasyon makakalimutan mo na 'yon."
"Iyon na nga ang problema miss," sagot nito sa mas magaan nang tono, sumasakay sa biro niya sa sarili nitong paraan. Ang kamay nitong humahaplos sa pisngi niya ay maingat na dumausdos papunta sa batok niya. Sa laki ng kamay ni Cenon, umabot ang dulo ng mga daliri nito sa gilid ng leeg niya, sa parte kung saan mabilis na pumipintig ang pulso niya. Nagtama ang mga paningin nila bago nagpatuloy sa pagsasalita ang lalaki. "Matagal na akong nagdesisyon na hindi na ako papasok sa kahit anong relasyon. Kuntento na akong mamuhay na mag-isa."
Nawala ang ngiti niya. "Pero bakit?"
Ilang segundong tinitigan siya ni Cenon bago ito nagsalita, "I was married before, Wilma."
"Alam ko," sagot niya, ni hindi kumurap.
BINABASA MO ANG
GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)
RomansKuntento sa tahimik na buhay si Cenon Sizperez. Tanggap na rin niyang mananatili siyang mag-isa hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Pero sa madaling araw ng bagong taon, nakilala niya si Wilma Sarza. From the moment he saw her, he knew she...