DISORIENTED na napatitig lang si Wilma sa estranghero kasi imbes na kausapin siya ay nagsimula itong kumain na para bang wala itong tinakot na tatlong lalaki. At na para bang hindi siya nito iniligtas kani-kanina lang.
Ilang minuto ang lumipas bago ito tumingin sa kaniya. "Kumain ka na."
Napakurap siya at tumikhim. "Salamat."
"Para saan?" tumaas ang mga kilay na tanong pa nito.
"For helping me get rid of them?"
Lalong nagmukhang confused ang guwapong mukha nito. "Hindi kita tinulungan. Kailangan ko lang talaga ng lamesa para makainan."
Si Wilma naman ang tumaas ang kilay. "Wala ka bang ibang lamesa na mapupuwestuhan?"
"Ito lang ang bakante," brusko na namang sagot nito na niyuko na uli ang pagkain at hindi na uli siya pinansin.
Napalingon tuloy siya sa paligid pero halos lahat naman ng lamesa may bakanteng mga silya. Hindi totoo na ang puwesto niya lang ang bakante. Ibinalik ni Wilma ang atensiyon sa lalaking nasa harapan niya at mas pinakatitigan ito. Hindi iyon mahirap gawin kasi maliwanag sa puwesto nila.
Maganda ang mga mata nito. Deep set, itim na itim at pinaresan ng makapal na mga kilay. Matangos at straight ang ilong at manipis ang mga labi. Maiksing maiksi naman ang gupit ng buhok nito at halatang wala ni katiting na gel o kung ano pa mang hair products. Hindi niya napansin kanina pero may mangilan-ngilan na palang gray strands sa magkabilang sentido nito. Ganoon din sa bigote at balbas na maganda ang pagkaka-trim kasi malinis tingnan. May laugh lines din ito sa gilid ng mga mata at sa magkabilang gilid ng mga labi. O baka frown lines ang mga 'yon kasi mukha itong suplado kaysa pala ngiti.
Biglang nag-angat ng tingin ang lalaki kaya nagtama ang mga paningin nila. "Mabubusog ka ba kung sa akin ka nakatitig? Finish your food."
Confirmed. Imposibleng laugh lines. Ubod kasi ng sungit. Pero hindi nainis si Wilma. Katunayan napangiti pa siya at nakampante. Sigurado kasi siya na hindi ito katulad ng tatlong lalaki kanina. Wala itong interes sa kaniya at hindi siya nito babalakin i-pick up.
Tuluyan na niyang binitawan ang hawak na tinidor, nawala na ang gutom. "After countdown ka na dumating sa party. Hindi mo naabutan ang pinakamasayang parte ng New Year's celebration," kaswal na sabi ni Wilma.
"Paano mo naman nasabi na hindi ko naabutan ang countdown?" nakatuon pa rin ang pansin sa pagkain na tanong ng estranghero.
"Kasi nakita ko nang salubungin ka ni Serio Valdez. Ako ang kausap niya bago siya lumapit sa 'yo."
Dumeretso ng upo ang lalaki, malumanay na ibinaba ang kutsara at tinidor bago tumitig sa mukha niya. "Kanina pa ako dumating. Bago pa ang countdown."
Napangiti si Wilma kasi nasa kaniya na ang buong atensiyon nito. Mas komportable talaga siyang may kausap kahit pa estranghero iyon kaysa naiiwang mag-isa. "Talaga? Bakit ngayon lang kita nakita?"
"Pero nakita kita," tipid na sagot ng lalaki. Lumawak ang ngiti niya at magbibiro na sana kaso nagsalita na naman ito. "Habang nag ka-countdown, masaya ang lahat maliban sa 'yo. Kung hindi kita nakitang nakatingala sa langit at mukhang iiyak, hindi ko maiisip na peke ang sigla at tawa mo habang nag ho-host ka kanina."
Nawala ang ngiti ni Wilma at parang may lumamutak sa sikmura niya. Hindi lang dahil nalaman niyang may nakakita pala sa kaniya kanina kung hindi dahil ginagamit nito ang impormasyon na 'yon para barahin at patahimikin siya. In short, ayaw siya kausap ng estranghero. Hindi pa nakuntento sa pagiging prangka, tumayo pa ito at binitbit ang plato na noon lang niya napansing wala na palang laman. Tinanguan lang siya nito bilang paalam bago naglakad palayo.
Hindi na niya ito sinundan ng tingin at napatitig lang sa plato niyang medyo puno pa ng pagkain. Alam niya na hindi siya dapat ma-offend kung ayaw nito makipag-usap sa kaniya. Aware siyang hindi lahat ng tao magiging mabait sa kaniya. Na kahit ano pang effort mo, may mga tao talaga na ni hindi ka bibigyan kahit ilang minutong oras lang.
Pasimpleng huminga ng malalim si Wilma at pinilit ngumiti para mapalis ang mga negatibong emosyong muntik na niya maramdaman dahil sa masungit na lalaki. Pagkatapos kumain na siya uli. Siniguro niya na naubos niya ang laman ng plato. Ayaw niyang magmukhang nawalan ng gana dahil ni-reject nito ang pakikipag-usap niya.
"ERNIE, I really have to go now," paalam ni Wilma sa organizer ng party one hour later. Kaunti na lang din kasi ang mga tao roon at karamihan mga matatanda na. Kanina pa nagpunta sa kung saan-saang after parties ang mga ka-edad niya.
Tumayo ito mula sa lamesa kung saan ito nakapuwesto kasama ang staff nito. Niyakap siya nito at pinasalamatan sa pagho-host niya. At pagkatapos nito mangako na siguradong irerekomenda siya nito sa mga kakilala at kokontakin uli ay hinila na siya nito para puntahan naman daw si Serio Valdez.
"Gusto ni sir Serio na personal na nagpapaalam sa kaniya bago umalis. Nasaan na ba siya... ah! Ayun pala siya."
Nag-iba ng direksiyon si Ernie sa paghila kaya nag-angat ng tingin si Wilma. Hindi niya naitago ang pagkabigla nang makitang kasama pala ni Serio Valdez ang masungit na estrangherong naki-join sa lamesa niya kanina. Nakatayo ang mga ito at nag-uusap.
"Sir Serio, magpapaalam na po si Wilma," sabi ni Ernie nang ilang metro na lang ang layo nila.
Parehong huminto sa pagsasalita ang mga ito at sabay na napalingon sa kanila. Natutok lang ang tingin niya sa batikang aktor. Iniwasan niyang sulyapan man lang ang masungit na lalaki kahit pa ramdam niyang nakatitig ito sa mukha niya.
"Thank you so much, Wilma. Sayang nagpauwi na ang anak ko dahil inaantok na. She really adores you so much. Lalo mong pinasaya ang pagsalubong naming lahat sa bagong taon," nakangiting sabi ni Serio Valdez na inilahad ang kamay sa harapan niya.
Walang pagdadalawang isip na tinanggap niya ang pakikipag shakehands nito. "The pleasure is mine, sir Serio."
"May kasama ka bang uuwi? Kanina nakita kitang maraming kasamang kaibigan ah?"
Ngumiti siya. "Nauna na po sila."
Nagulat si Serio Valdez at kumislap ang concern sa mga mata. "It's too late already. May sasakyan ka namang dala, hindi ba?"
Tumawa siya at tumango. "Huwag niyo po ako alalahanin. Sanay ako sa mga raket na inaabot ng madaling araw. Makakauwi po ako ng mag-isa."
Sandali pa nagbilin ng kung anu-ano ang batikang aktor bago siya hinayaan makaalis. Bago siya makalayo saka lang sinulyapan ni Wilma ang matangkad na lalaki na tahimik lang na nakamasid sa kanila. Tipid niya itong tinanguan, katulad ng pagbati sa isang taong nakasalubong mo sa daan at siguradong hindi mo na makikita, bago siya tuluyang umalis sa club house.
BINABASA MO ANG
GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)
RomanceKuntento sa tahimik na buhay si Cenon Sizperez. Tanggap na rin niyang mananatili siyang mag-isa hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Pero sa madaling araw ng bagong taon, nakilala niya si Wilma Sarza. From the moment he saw her, he knew she...