Part 3

9.6K 249 7
                                    

Ilang minuto na naglalakad si Wilma at lalampasan na sana ang parking space kung saan nakahilera ang mga sasakyan ng mga bisita nang biglang may magsalita mula sa likuran niya. "Hindi ka ba dito nag park?"

Napahinto si Wilma, kumabog ang dibdib sa takot at nanlaki ang mga matang napalingon. Napanganga siya nang makita ang lalaking bisita ni Serio Valdez, may hawak nang susi ng sasakyan. Pauwi na rin pala ito. Napabuga siya ng hangin at inis na hinarap ito. "Nakakagulat ka naman! Tinakot mo 'ko ha!"

Umangat ang mga kilay nito at huminto ilang metro sa harapan niya. "Nagtatanong lang ako dahil mukhang lalampasan mo ang parking lot. Nasaan ang sasakyan mo?"

Hindi pa rin kumakalma ang tibok ng puso na namaywang siya. "Wala. Mag ta-taxi lang ako."

Kumunot ang noo nito. "Pero sinabi mo kay Serio na may sasakyan ka."

"Siyempre sinabi ko lang 'yon para hindi siya mag worry. Dumating ako kasama ang mga kaibigan ko. Nakisakay lang ako sa isa sa kanila dahil akala ko magkakasama rin kami uuwi. Anyway, sigurado namang may makikita akong taxi sa labas ng subdivision. Bye." Tumalikod na siya at maglalakad na sana uli nang magsalita itong muli.

"Sumabay ka na sa akin."

Napalingon uli si Wilma nang marinig ang pamilyar na tunog ng ina-unlock na kotse. Binuksan na pala ng estranghero ang pinto ng passenger's seat ng isang black Hummer at sumenyas na pumasok siya sa loob. "Kung maglalakad ka aabutin ka ng isang oras bago mo marating ang gate. Nasa dulo tayo ng subdivision. Kahit makalabas ka, malabong may masakyan kang taxi. Malamang nasa mga bahay nila ang lahat ng tao ngayon."

Muntik na siya mapangiwi kasi alam niyang tama ito. Kaya nga kanina bago siya lumapit kay Ernie ay paulit-ulit niya tinatawagan lahat ng mga kaibigan niya, nagbabakasakaling may sumundo sa kaniya roon. Hindi na siya nagulat o nadismaya man lang na walang sumagot kahit isa.

"Ano pang hinihintay mo? Sakay na."

Napabuntong hininga si Wilma. "Ano nga uli ang pangalan mo? Isang beses ko lang narinig na tinawag ka ni sir Serio. Cenon? That's an unusual name, ha?"

Tumaas ang mga kilay nito. "Bakit mo tinatanong?"

Muntik na niya itirik ang mga mata kasi malapit na siya mapikon sa kasungitan nito. Pero imbes na ipakita ang inis ay matamis na ngumiti si Wilma at naglakad palapit sa lalaki hanggang halos ilang dipa na lang ang layo nila sa isa't isa. Ngayong ganito sila kalapit sa isa't isa lalo niyang nakita kung gaano kalaki ang kaibahan ng slim niyang figure sa malapad nitong katawan. Kung may mga tao sa likuran nito, malabong may makakita sa kaniya kasi takip na takip siya nito. Sa taas niyang five feet five inches at naka-heels pa siya, hanggang dibdib lang siya nito.

"Bakit ganiyan ka makatingin sa akin?" dudang tanong nito.

Lalong tumamis ang ngiti niya kasi naramdaman niyang na-tense ang lalaki at humigpit ang hawak sa pinto ng sasakyan para hindi siguro mapaatras. Tiningala niya ito. "Totoo na sumasama ako sa mga taong hindi ko kilala kapag gusto ko pero kahit papaano naman kailangan malaman ko kung anong pangalan ng sinasamahan ko."

Hindi sumagot ang lalaki, tumitig lang sa mukha niya na parang may binabasa mula roon. "So... Cenon nga ba ang pangalan mo?" Tipid na tumango lang ito. Lumawak ang ngiti niya. "I'm Wilma."

"Don't flirt with me," mahina pero matigas na pagbabanta ni Cenon. Lalo tuloy naging buo at baritono ang boses nito.

"Bakit hindi?" tanong ni Wilma na pinalambing pa ang boses para inisin ito.

"Dahil kapag tinuloy mo 'yan talagang hahayaan na kita maglakad palabas ng subdivision at abutin ng umaga kakahintay ng taxi." Pagkasabi niyon humakbang na ito patagilid hanggang magkalayo na sila uli. Pagkatapos itinuro nito ang passenger's seat.

Hindi na siya nagmatigas at sumakay na sa black Hummer ni Cenon. Totoo naman kasi na baka abutin siya ng isang oras na paglalakad para lang makarating sa gate. Nakahiyaan na rin niya magsabi kina Ernie na wala siyang sasakyan kasi alam niyang mamaya pa uuwi ang mga ito kapag talagang tapos na ang party. Pagkasara niya ng pinto sa tabi niya ay ginala niya ang tingin sa interior ng Hummer.

Bumukas ang pinto sa driver's seat kaya tinigil niya ang pagmamasid at nagkunwaring nagsusuot ng seatbelt. Sa gilid ng kanyang mga mata, nakita niyang walang effort itong pumuwesto sa likod ng manibela, nag seatbelt at pinaandar na ang sasakyan. Mukhang wala na naman siya balak kausapin.

Sa loob ng ilang minuto, hindi rin nagsalita si Wilma at tumitig lang sa labas ng bintana. Kaso habang tumatagal ang katahimikan ay lalo siya nagiging uncomfortable to the point na nahihirapan siya huminga. Kaya hindi rin siya nakatiis at nilingon si Cenon. "Residente ka rin ba ng subdivision na 'to?"

"Hindi," tipid na sagot nito na ni hindi inalis ang pagkakatitig sa harapan. Napansin din niya na maingat ito magmaneho at kahit maluwag naman ang kalsada at wala naman ibang sasakyan ay normal lang ang bilis ng pagpapatakbo nito.

"Ibig sabihin personal kang bisita ni Serio Valdez. Magkaibigan ba kayo? Paano kayo nagkakilala?"

Bumuntong hininga si Cenon na para bang nauubusan na ng pasensiya. "Sinabi ko na sa 'yo na –"

"Don't worry. I'm not flirting with you, okay?" putol ni Wilma sa sasabihin nito. "Alam ko na hindi ka interesado sa akin. I know you are so much older than me. Hindi naman ako bulag para hindi 'yon makita. Natural na hindi mo ako type. Gusto ko lang ng kausap, okay? Kahit kanina noong kumakain ka sa lamesa kung saan ako nakapuwesto, wala akong ibang intensiyon kung hindi makipag-usap. I mean, it's New Year. Masaya ang lahat pero hayun ka sa harapan ko at ni hindi man lang nagsasalita lalo na ang ngumingiti."

Hindi nakapagsalita ang lalaki at tumagal ang titig sa mukha niya. Medyo nagulat din siya na nagpakita siya ng inis. Tumikhim siya. "Nagmamaneho ka," mas magaan na ang tono na paalala niya rito.

Kumurap si Cenon at ibinalik na uli ang tingin sa harapan. Nakalabas na sila sa gate ng subdivision nang magsalita ito, "Sorry. I was rude to you."

Sinulyapan niya ito. "Kapag ba tinanong ko kung bakit ka rude sa akin, sasagutin mo ako?"

Napansin niyang humigpit ang hawak nito sa manibela at mariing tumikom ang mga labi bago sumagot, "No."

"Fine," mabilis na sagot niya kasi expected naman na niya na iyon ang isasagot nito. Mukhang nagulat pa si Cenon nang matamis niya itong ngitian. "But you have to make it up to me para mapatawad kita."

Sinulyapan siya nito, halata ang pagdududa sa mga mata. Lalo tuloy tumamis ang ngiti niya. "Hindi mo pa tinatanong sa akin kung saan mo ako ihahatid."

"Ah. Right. Saan ka nakatira?"

"Sinong may sabi na uuwi na ako? Alam mo ba ang pinakamagandang gawin kapag New Year?"

Naningkit ang mga mata ni Cenon at napansin niyang bumabal lalo ang takbo ng sasakyan nito. Parang balak na nga yata ihinto sa gilid ng kalsada. Natatakot na yata sa kaniya. "Ang umuwi at matulog?" tanong nito.

Natawa si Wilma. "No. Ang pinakamagandang gawin ay sumubok ng mga bagay na hindi mo pa na-tatry. At ang abutan ng pagsikat ng umaga sa labas. Makikita mo mamaya kung gaano kasarap ang feeling."

"Makikita ko? Ihahatid lang naman kita sa kung saan mo gusto pumunta. Bakit ko naman makikita?" tanong ni Cenon na halatang kabado na.

Ngumisi siya. "Kasi para mapatawad kita sa pagiging rude mo kanina, sasamahan mo ako hanggang mag umaga. Ready ka na?"

"No."

Tawa lang ang naging sagot ni Wilma. Pagkatapos binigay na niya ang address ng kanilang destinasyon.

GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon