Part 32

5.8K 184 2
                                    


"COFFEE?" mahinang tanong ni Wilma kay Cenon kahit silang dalawa lang naman ang tao sa loob ng apartment niya.

Umangat ang mga kilay ng lalaki, "May kape ka ba?"

Ngumiti siya. "Meron naman. Instant at three in one nga lang. Kaya ko naman magpakulo ng tubig 'no."

Tipid na gumanti ng ngiti si Cenon. "Sige. Salamat."

Tumango siya at sandaling napatitig sa boyfriend imbes na magpunta agad sa kusina. Kahit papaano balik na sa normal ang facial expression nito kaysa kanina. Siguro kasi nakalma na nito ang sarili habang paakyat sila sa unit niya. Ganoon din kasi siya.

"Akala ko ba magkakape tayo?" tanong ni Cenon kaya napakurap siya at tumalikod na para magpunta sa kusina.

Few minutes later, magkatabi na sila nakaupo sa mahabang sofa sa living room at may hawak na tig-isang mug ng kape. Hindi iyon kasing sarap ng timpla ni Cenon pero napabuntong hininga pa rin si Wilma nang humagod ang init sa sikmura niya.Nanlambot na napasandal siya at sandaling napapikit. Sobrang daming ganap sa araw na 'yon. Na-drain ang emotional at mental energy niya.

Medyo napaigtad siya at napadilat nang maramdaman niyang lumapat ang isang kamay ni Cenon sa batok niya at marahan siyang minasahe. Sinulyapan niya ito at nakita niya ang simpatya sa mukha ng lalaki. "Today was a hard day, wasn't it?"

Tipid na ngumiti si Wilma. "Okay pa naman ako. Umpisa pa nga lang 'to kaya hindi ako puwede mapagod. Kailangan ko lang ng breaktime."

Pinakatitigan siya ni Cenon, minamasahe pa rin ang batok niya. "Ayos pa rin talaga sa 'yo kahit alam mo nang magkaibigan kami ng tatay mo dati? Hindi mo ba mas naisip na masyado akong matanda para sa 'yo?"

Naningkit ang mga mata ni Wilma. "Babalik na naman po ba tayo sa issue na 'to, mister?"

Tumaas ang mga kilay nito. "Kalma. Nagtatanong lang ako." Pagkatapos hindi inaalis ang tingin sa kaniya na inubos nito ang kape sa mug na hawak. Ganoon na lang din tuloy ang ginawa niya. Pagkatapos si Cenon ang tumayo at nagdala sa kusina ng mga ginamit nilang mug. Narinig pa niyang binuksan nito ang gripo at parang hinugasan pa ang mga iyon.

"Nagulat lang ako sa nalaman ko kanina pero never ako nagkaroon ng second thoughts tungkol sa feelings ko para sa 'yo, Cenon," sagot ni Wilma nang makabalik ito sa tabi niya. Halata pa ngang nagulat ito kasi kauupo lang nito nang magsalita siya. Pinagtagpo niya ang mga paningin nila bago idinugtong, "Sana ikaw rin. Sabi mo kanina nagdesisyon ka nang hindi bibitawan ang kamay ko 'di ba? Keep your promise okay?"

Naging masuyo ang tingin ng lalaki at pinisil ang baba niya. "Oo nga. Nangako ako kaya tutupad ako."

Napangiti si Wilma, nakampante na talaga. Pagkatapos itinanong na niya ang kanina pa talaga niya gusto malaman. "Paano kayo naging magkaibigan ni papa? Gaano kayo katagal na magkakilala bago siya... bago ang car accident ninyo?"

Ipinatong ni Cenon ang braso sa sandalan ng sofa at marahang hinaplos ang buhok niya. Ilang segundo itong natahimik na para bang binabalikan sa isip ang nakaraan bago nagsalita, "Nagkakilala kami ni Ruiz sa Europe, ilang taon bago sila ikasal ng nanay mo at bago ka ipanganak."

Kumunot ang noo niya. "Europe? Anong ginagawa mo sa –" Nanlaki ang mga mata ni Wilma at napanganga nang may marealize. "Racer ka rin ba dati? Kaya kayo nagkakilala ni papa?" Tumango si Cenon. Nahigit niya ang hininga. "Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin?"

GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon