Part 12

6.8K 229 11
                                    


"ARE YOU okay? Masama ba ang pakiramdam mo? Bakit natutulala ka?"

Napakurap si Wilma at napaderetso ng upo nang makitang nakakunot ang noo ni Cenon habang nakatitig sa mukha niya. Na we-weirdohan na naman yata ito sa kaniya. Tumikhim siya at pinilti ngumiti. Kahit sa totoo lang hindi pa rin niya nakakalma ang puso niyang lalo naging makulit nang maamin niya sa sariling naiinlove na siya kay Cenon. "Okay lang ako. Napagod lang sa isang linggong trabaho. Itutulog ko lang ito maghapon, babalik na uli ang presence of mind ko."

Natigilan si Cenon bago bumakas ang concern sa mukha at tuluyan nang nawala ang atensiyon sa broadsheet na binabasa kanina. "Mas dapat ubusin mo ang pagkain mo. Huwag ka magtitira. At hindi dapat kape ang inorder mo. Drink lots of water. Mas mabilis ka made-dehydrate kapag pagod at kulang ka sa tulog." Pagkatapos tumawag pa ito ng waiter para ihingi siya ng isang pitcher ng tubig.

Napatitig na naman tuloy si Wilma sa mukha nito, parang natutunaw ang puso sa sobrang pagka-touch sa concern at pag-aasikaso nito sa kaniya. Nang ibalik tuloy ni Cenon ang tingin sa mukha niya ay masuyo niya itong nginitian. "Thank you," sincere na sabi pa niya.

Natigilan ang lalaki at napatitig sa kaniya. May dumaang emosyon sa mga mata nito na nagpasikdo sa puso niya. Sigurado kasi siyang nakikita nito sa mukha niya ang feelings niya. At kahit natatakot siya sa magiging reaksiyon nito, hindi niya pinutol ang eyecontact nila.

Hindi alam ni Wilma kung gaano katagal silang nakatitig lang sa isa't isa. Ang alam lang niya kung gaano siya ka-open ngayon, ganoon naman kagaling magtago ng iniisip at nararamdaman si Cenon. Hindi kasi niya mabasa ang reaksiyon nito. Huminga siya ng malalim, handa nang maging straightforward dito pero biglang may lumapit sa lamesa nila.

"Wilma, right?"

Sabay silang napakurap ni Cenon at parehong tiningala ang bagong dating. Napaderetso siya ng upo nang makita ang isang may-edad na babae na pamilyar sa kaniya pero hindi niya matandaan kung saan niya nakita. Alanganin siyang ngumiti. "Yes po?"

"Oh. So you are really Wilma. Nancy's sister? Sandali tayong pinakilala sa isa't isa noong birthday party niya. Asawa ko ang isa sa mga kasama ninyo ng parents mo sa lamesa," pakilala ng may-edad na babae.

Nanlaki ang mga mata niya nang maalala ito nang tuluyan. Si Florencia Valenciaga. Business partner ng step-father niya ang pamilya nito at ninong ni Nancy ang asawa. Tumayo siya at mas malawak nang ngumiti. "Hello po. Sorry hindi ko po kayo nakilala agad. Hindi ko ineexpect na makikita ko kayo rito."

"Malapit lang dito ang school ng anak ko. Hinatid namin ng driver. Actually, I'm on my way to your house because your mother invited me to have brunch with her. Mag te-take out lang ako ng food para sa driver at assistant ko." Muntik na mawala ang ngiti ni Wilma nang mabanggit ang nanay niya. Pero hindi iyon napansin ni Florencia. "How about you, hija? Bakit dito ka nag be-breakfast at hindi sa bahay ninyo? Come to think of it, madalas kami nag la-lunch at dinner date ng mga amiga namin ng mother mo sa inyo pero palaging si Nancy lang ang nakikita namin. Masyado ka raw busy sabi ni Lori. Wala ka bang time sa pamilya pero may time ka sa..."

Makahulugang sinulyapan nito si Cenon kaya tuluyang nawala ang ngiti ni Wilma. Kahit hindi tapusin ng may-edad na babae ang sinasabi ay alam na niya kung ano ang tumatakbo sa isip nito. Uminit ang mukha niya at hindi magawang sulyapan ang lalaki kasi nahihiya siya rito. Nahuhusgahan ito dahil lang kasama siya nito. "Hindi ho ba nasabi sa inyo ni mama?" kalmadong tanong niya kahit sa totoo lang nag-iinit na ang ulo niya.

Bumalik sa kaniya ang atensiyon ng may-edad na babae kaya lalo niya nakita ang malisya sa mga mata nito. "Hindi na ho ako sa amin nakatira. I already have my own place. Hindi ko po alam kung bakit hindi niyo alam kasi sinabi naman ni mama sa iba niyang friends ang tungkol sa pagbukod ko. Hindi po yata kayo kasing close sa isa't isa na gaya ng akala ninyo." Halatang nagulat ito sa sinabi niya. Nginitian niya ito. "Baka po naiistorbo ko na kayo masyado. Kanina pa po yata kayo hinihintay ng driver at assistant ninyo."

Napalingon ito sa entrada ng restaurant. Lihim na nakahinga ng maluwag si Wilma kasi nakatayo na nga roon ang mga kasama nito, bitbit ang take-out food. "Ah. I really have to go now," sabi ng may-edad na babae. Matutuwa na sana siya kaso bigla itong tumingin sa kaniya. Then the old woman gave her a nasty smile. "You should visit your parents more often. Para matuto ka mag behave, hija. Huwag mong hihiyain ang mga magulang mo. That's the least you can do as their daughter." Pagkatapos hindi na siya nito hinintay magsalita. Tumalikod na ito at naglakad na palayo.

Nanatiling nakatayo lang doon si Wilma at hindi napigilan ikuyom ang mga kamao hanggang tuluyan nang mawala sa paningin niya ang may-edad na babae. Ang katulad nito ang isa sa mga dahilan kaya ang sama ng loob niya sa kanyang ina nang magpakasal ito sa step-father niya. Bata pa lang siya, nakita na niya kung gaano ka-toxic ang mga tao sa social circle na pinasok ng mama niya. Itinatago lang ng lahat sa mamahaling pananamit, impressive family background at pekeng 'manners' pero karamihan sa mga kaibigan at kamag-anak ng amain niya, natutuwa kapag may nalalamang ikakasira ng iba.

"Dapat ba may ginawa ako para hindi sa kaniya ang huling salita kanina?" malumanay na tanong ni Cenon.

Napakurap siya, lumingon at napasinghap nang marealize na nakatayo na pala sa tabi niya ang lalaki. Ang laki nitong tao pero hindi niya namalayan na sobrang lapit na nito sa kaniya at halos nararamdaman na niya ang likod ng malaking kamay nito sa nakakuyom pa rin niyang kamao. Narealize tuloy ni Wilma na nawala ang awareness niya sa paligid kasi masyado siyang na-consume ng galit at pagrerebelde

Huminga siya ng malalim bago tiningala si Cenon. Nawalang parang bula ang galit niya kaso uminit na naman ang magkabilang pisngi niya at humapdi ang gilid ng kanyang mga mata nang makita ang concern at simpatya sa guwapong mukha nito. "Sorry. Hindi ako nangielam sa inyong dalawa kasi sa tingin ko lalala ang sitwasyon kung sumingit ako sa usapan ninyo. Pero kung hindi pa siya umalis baka hindi na ako nakatiis. Hindi ko gusto ang huli niyang sinabi sa 'yo."

May init na humaplos sa puso ni Wilma at na-tempt siyang yakapin ito pero pinigilan niya ng sarili kasi baka mailang na naman ito sa kaniya. Apologetic na nginitian na lang niya ito, ibinuka ang mga kamao at magaan na tinapik ang isang braso nito. "Tama lang na hindi ka sumali sa usapan. At least sandali ka lang niya tiningnan at sa akin siya naka-focus most of the time. Gusto ko nga mag sorry sa 'yo kasi sumama sigurado ang opinyon niya sa 'yo dahil lang kasama kita. Sorry ha?"

Hindi nagbago ang facial expression ni Cenon at lalo pa ngang tumiim ang titig sa kaniya. "Are you okay?" mahinang tanong nito, hindi pinansin ang paghingi niya ng tawad.

Huminga siya ng malalim at mas malawak nang ngumiti. "Okay lang ako. I'm used to people like her. Umupo na tayo uli, ha?" Nauna na si Wilma na bumalik sa silya niya at kinuha ang cellphone mula sa purse na ipinatong niya gilid ng lamesa.

"Anong ginagawa mo?" nagtatakang tanong ni Cenon nang umupo na rin ito.

"Turning off my cellphone. Narinig mo naman siya. Papunta siya kila mama. Malamang kausap na niya sa phone ang nanay ko. May talent sa story telling ang mga amiga ni mama kaya siguradong marami siyang sasabihing hindi maganda tungkol sa akin. Ayoko makarinig ng sermon," paliwanag niya na nakayuko pa rin sa gadget hanggang maibalik niya iyon sa purse. Saka lang niya tiningala si Cenon. Medyo kinabahan si Wilma kasi titig na titig pa rin ito sa kaniya.

"Hindi kayo magkasundo ng nanay mo?"

"Hindi naman sa hindi magkasundo. Hindi rin kami nag-aaway. Hindi lang kami... close."

Kumunot ang noo ni Cenon. "Bakit?"

"Bakit? Interesado ka na sa personal life ko ngayon?" pagbibiro ni Wilma kahit sa totoo lang nanlalamig ang mga kamay niya dahil sa pinag-uusapan nila.

"Oo," ni hindi kumukurap na sagot nito.

Nawala tuloy ang ngiti niya at parang may humalukay sa sikmura niya. "Bakit interesado ka na sa akin bigla?"

"Alam mo na hindi biglaan lang ang interes ko sa 'yo, Wilma," seryosong sagot ni Cenon.

GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon