Epilogue

12K 451 96
                                    

Summer of 2019

"DAD, what are you doing here? Hinahanap ka ni Wilma. Bakit daw wala ka pa sa beach?"

Napalingon ako sa pinto ng cottage na tinutuluyan namin ni Wilma at tipid na napangiti nang makita ang anak kong si Asher. "Pasensiya na. Hindi ko lang napigilan alalahanin ang nakaraang isang taon dahil sa nabasa kong article sa internet kanina."

Tumaas ang mga kilay ni Asher na sa palagay ko mannerism na nakuha niya sa akin. Simula nang tumira siya sa poder ko at mag kolehiyo na dito sa Maynila palaging sinasabi ng mga tauhan ko sa auto shop na nagiging kamukha ko na siya. "You're getting into the internet way too much, dad."

Mahina akong natawa, tumayo mula sa couch na kinauupuan at kinapa ang maliit na bagay na kanina ko pa inilagay sa aking bulsa. "Sinisiguro ko lang na wala nang nagpapakalat ng hindi magandang balita tungkol sa amin ni Wilma. And she's 'tita Wilma' for you. Mabuti pa si Aaron na nitong nakaraang linggo lang siya nakasama ng personal, ginagalang na siya."

Nagbabakasyon kasi ang bunso ko dito. Pero sa nakaraang mga buwan kapag nag vi-video call kami ni Aaron ay nakikita na rin niya si Wilma. Katunayan, kahit si Sierra, ang dati kong asawa, kilala na rin ang nobya ko. And it might be strange for others but the two get along well. Pero sabagay, hindi naman talaga pangkaraniwan ang relasyon namin ni Wilma.

Ngumiwi si Asher at naunang lumabas sa cottage. "It's not that I don't respect her. I actually like her for you, dad. Ang weird lang para sa akin na tawagin siyang 'tita'. Besides she already said I can take my time until I feel comfortable to call her that way."

Nakangiting inakbayan ko ang panganay ko at binilisan ang paglalakad. Nasa isang resort kami sa Batangas para tuparin ang pangako namin ni Wilma sa isa't isa na out of town trip. Ngayon lang namin nagawa dahil naging abala siya sa career bilang tv host at modelo. Sa awa ng Diyos, pagkatapos magawan ng paraan ng abogado ko ang mga nagpapakalat ng video at artikulo sa internet tungkol sa amin, nawala na ang interes ng mga tao sa relasyon namin ng dalaga. Iyon nga lang, love life naman ng iba ang sinubaybayan ng mga ito.

Nagdesisyon din kami na huwag itago ang tungkol sa amin. Lumalabas kami palagi para mag date, nakikihalubilo sa mga kakilala at kapag may naririnig kaming negatibong komento tungkol sa malaking age gap namin ay nagagawa na naming tawanan at idaan ang mga iyon sa biro. At siguro dahil naging komportable na kami sa isa't isa kaya unti-unti na ring hindi naging issue sa iba ang relasyon namin.

Kaya kalaunan, dala na rin ng sipag, talento at determinasyon ni Wilma dumami uli ang offers niya kaya nadagdagan ang mga trabaho niya. At ang makitang masaya ang dalaga sa ginagawa, na nagkakaroon ng kakaibang ningning sa mga mata niya kapag nagkukuwento tungkol sa mga lugar na napupuntahan niya at mga taong nakikilala, sumasaya rin ako.

Malayo pa kami ni Asher sa dalampasigan nakita ko na agad si Wilma. Nakatayo siya patagilid sa direksiyon namin at may kausap na matandang babae na ngayon ko lang nakita. Nakangiti ang nobya ko at paminsan-minsan ay tumatawa habang nakikipag-usap sa matandang nakangiti rin. Mayamaya pa nagyakap ang dalawa at naglakad na palayo ang matandang babae. Saka napalingon sa direksiyon namin si Wilma na tumamis ang ngiti at naglakad pasalubong sa amin.

"Saan ka ba nagpunta? Kanina pa kita hinahanap," bati ng dalaga na yumakap agad sa akin, tumingkayad at hinalikan ako sa mga labi. Lumayo sa amin si Asher at nauna na puntahan ang mga kasama naming nagkakasiyahan sa dagat. Para kasi sa out of town na iyon sinama namin ang buong pamilya ni Wilma, na higit nang mas malapit ngayon sa dalaga kaysa sa nakaraang mga taon; ang manager niyang si Dindie at ang nobyo na nitong si Rey; at ang mga anak ko.

"Sino iyong kausap mo?" tanong ko na inakbayan ang dalaga. Nagsimula na rin kami maglakad pasunod kay Asher.

"Ah. Si Madam Ching 'yon. Once ko lang siya na-meet. Noong New Year's party kung saan tayo nagkita. Nakakatuwa kasi natatandaan pa niya ako. You see, hinulaan niya ako nang gabi ng party na 'yon. Sabi niya sa akin magiging makulay daw ang love life ko sa twenty eighteen. Hindi ako naniwala sa kaniya at sa totoo lang nawala na sa isip ko ang hula niyang 'yon. Pero now that I saw her again..." Tiningala ako ni Wilma at buong pagmamahal na ngumiti. "Tama siya. Kasi nakilala kita, Cenon."

May init na humaplos sa dibdib ko at naging overwhelming ang mga emosyong nararamdaman ko. Huminto ako sa paglalakad at humarap kay Wilma. "May gusto akong sabihin sa 'yo."

Nagtatanong ang tingin ng dalaga pero hindi nawala ang ngiti. Hinawakan ko ang isang kamay niya at magaan iyong pinisil habang nakatitig sa mga mata niya. "Mahal na mahal kita."

Lumawak ang ngiti ni Wilma. "Alam ko. Mahal na mahal din kita."

Gumanti ako ng tipid na ngiti kahit sa totoo lang mabilis na kumakabog ang puso ko. Sa loob ng ilang buwan na pinag-isipan ko ang sandaling ito, hindi ko naisip na kakabahan ako ng ganito. Namamawis na nga ang mga kamay ko sa sobrang tensiyon at pakiramdam ko ano mang sandali makakalimutan ko ang inihanda kong speech. "Araw-araw nagpapasalamat ako sa Diyos na ibinigay ka niya sa akin. You are my new beginning, Wilma. You made me feel so alive. And I want to be with you for the rest of my life."

Unti-unti nakikita ko ang pag-unawa sa mukha ni Wilma. Namasa ang mga mata niya at nararamdaman ko ang pagbilis ng pintig ng pulso niya. May bumikig na rin tuloy sa lalamunan ko at humapdi na rin ang mga mata. "At sa tuwing naiisip ko 'yon... naiisip ko rin na hindi mo ako makakasama hanggang sa pagtanda mo. I'm old and that's a fact. I probably won't even be there when you reach half of your life. And it only makes me want to be with you more. Gusto ko sulitin ang bawat sandali na magkasama tayo..."

Lumuhod ako. Halos pahikbi siyang suminghap. Kinuha ko ang singsing sa bulsa at inilahad sa harapan niya. "Will you marry me, Wilma?"

Tuluyang tumulo ang mga luha niya at sunod-sunod na tumango. "Yes," walang pagdadalawang isip na sagot ni Wilma. "Of course I will."

Relieved at masayang napabuntong hininga ako at malawak na ngumiti. "Really?"

"Oo nga. Ayan ka na naman, tinatanong kung sigurado ako. Siguradong sigurado. Pakakasalan kita, Cenon."

Namasa ang mga mata ko at kahit nanginginig ang mga kamay ay naisuot ang singsing sa daliri niya. Humikbi si Wilma, sandaling tinitigan ang singsing bago ikinulong sa mga palad ang magkabila kong pisngi, yumuko at mariin akong hinalikan sa mga labi. Tumayo ako, niyakap siya ng mahigpit at pinalalim ang halik.

Naghiwalay lang kami nang makarinig ng sigawan at masayang palakpakan hindi lang galing sa mga pamilya at kaibigan namin kung hindi maging sa ilang mga turistang naroon din sa resort na nakasaksi ng nangyari. Nagkatinginan kami ni Wilma at natawa nang mapagtantong parehong basa ng mga luha ang kani-kanilang mga pisngi.

"Nangako ako sa mama mo na hindi kita paiiyakin pero umiiyak ka na naman."

"It's okay," pasinghot na sagot ni Wilma at muling yumakap sa akin. "These are tears of joy."

Napangiti ako at gumanti ng mahigpit na mahigpit na yakap.

WAKAS


a/n: marami pong salamat sa mga nagbasa ng Golden Heart. Hanggang dito na lang po ang kuwentong ito. May book version na rin pong out sa bookstores at ebookstores. Ang versions na iyon ng Golden Heart ay maraming additional scenes worth 10,000 words kaya kung may makita po kayo at gusto akong suportahan, sana po makabili kayo. Maraming salamat sa walang sawang pagbabasa ng mga kuwento ko. :)

GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon