Part 33

5.7K 184 5
                                    


KAILAN lang may nabasa si Cenon na ang tao raw habang tumatanda, nagiging ulyanin pagdating sa mga nangyayari sa kasalukuyan pero lumilinaw ang memorya pagdating sa mga nangyari sa nakaraan. Akala niya habang tumatagal malilimutan na niya ang nangyari labing limang taon ang nakararaan pero hindi pa rin pala. Malinaw pa rin niya nakikinita ang panahong iyon sa buhay niya na para bang kahapon lang iyon nangyari.

"What happened?" mahinang tanong ni Wilma.

Saka lang niya napagtantong matagal na siyang natahimik at kanina pa ito nakatitig sa kaniya. Sumikdo ang puso niya nang makita ang concern sa maganda nitong mukha. Nabawasan ang tensiyon at pait na nararamdaman niya kani-kanina lang. Tipid siyang ngumiti at hinaplos ang buhok nito. "Nasabi ko na sa 'yo na isang linggo pagkatapos ng aksidente saka lang ako nagising sa ospital 'di ba?" Tumango ang dalaga, may dumaang sakit at simpatya sa mga mata na para bang gusto siya nito yakapin.

Humigpit ang hawak ni Cenon sa mga kamay nito bago nagpatuloy sa pagsasalita, "Matindi ang naging injury ko dahil sa aksidente na iyon. Malalim ang mga sugat ko at nang magising ako palaging kailangan ako turukan ng pain reliever dahil sa sobrang sakit. Nagkaroon ng fracture ang mga binti ko pero sa awa ng Diyos hindi naman naging matindi ang bali at hindi ko kinailangan sumailalim sa major operation. Ang mas inalala ng mga doktor ay may namuong dugo sa utak ko na ilang linggong inobserbahan bago sa awa pa rin ng Diyos ay unti-unting natunaw kaya hindi kinailangan buksan ang bungo ko."

Napasinghap si Wilma. Apologetic siyang ngumiti bago sinabi rito na lampas isang buwan siya nanatili sa ospital noon. At nang makalabas regular pa rin siya bumabalik. Hindi lang dahil under observation ang blood clot sa ulo niya kung hindi dahil matagal na nakasemento ang mga binti niya. Nang tanggalin naman ang mga iyon kinailangan naman niya sumailalim sa physical therapy.

Hindi sanay si Cenon na limitado ang galaw at hindi makalakad ng maayos. Nagluluksa rin siya dahil sa pagkamatay ni Ruiz at sinisisi ang sarili na pumayag pa siyang sunduin nito sa araw na nangyari ang aksidente. Idagdag pa ang pagkapahiya at frustration niya na dapat inaalagaan niya ang mga magulang pero nawalan siya ng silbi. Naging aburido siya, makasarili, palaging galit at ayaw ng kausap.

Nalugmok siya sa depresyon kaya hindi niya napansin na nasasaktan at nahihirapan na rin ang mga tao sa paligid niya. Hindi pisikal pero sa paraang emosyonal at mental. Lalo na ang asawa at mga anak niya. He was so absorbed with his own pain that he neglected those who loved him. Hindi siya naging thankful sa concern ng mga magulang at sa pag-aaruga ng asawa. Hindi na rin siya nagkaroon ng oras para sa mga anak. Kahit nang magaling na si Cenon at peklat na lang ang mga sugat na tinamo sa aksidente, hindi siya nagbalik sa dati niyang ugali. Palaging bumabalik sa isip niya si Ruiz, ang huli nilang pinag-usapan, ang magandang ngiti sa mukha nito na huling beses na pala niya makikita at ang katotohanang siya lang ang nabuhay sa kanilang dalawa.

Isang araw, kinausap siya ng asawang si Sierra. Nagpaalam na pupuntahan ang pamilya sa Amerika at isasama ang mga anak nila. Hinayaan ni Cenon na umalis ang mga ito, hindi napansin na mas seryoso kaysa akala niya ang usapan na iyon. Hindi napansin ang pagod, pagkadismaya at pagsuko sa mukha nito. Ilang linggo pagkatapos umalis ng mag-iina niya, saka lang niya napagtanto na wala nang balak pang bumalik si Sierra.

"Isang araw nagising na lang ako at napagtanto ko na sobrang tahimik sa buong bahay. Na hindi ko naririnig ang mga boses at tawa ng mga anak ko. Na wala akong katabi sa gabi. Na wala akong kasama kumakain sa kusina. Na wala akong kausap. Saka ko lang naalala na halos isang buwan na mula nang umalis sila. Pagkatapos bigla akong binisita ng family lawyer namin, ipinakita sa akin ang dokumento na pinadala raw ni Sierra para sa akin. Annulment papers."

Napasinghap si Wilma at humigpit ang hawak sa mga kamay niya. "Pagkatapos? Anong nangyari?"

Madalas sumisikip ang dibdib ni Cenon at sumasama ang pakiramdam kapag naaalala niya ang nangyari noon. Pero ngayon, habang nakatitig siya sa mukha ng dalaga ay kalmado siya. Na ngayong ibinabahagi niya kay Wilma ang nakaraan, hindi na iyon kasing sakit ng dati. Pinaghilom na ba ng mahabang panahon ang nangyari sa kaniya noon o ang dalaga ang dahilan kaya ayos na siya ngayon?

"Cenon? Hindi ka na nagsalita. Okay ka lang?" concerned na tanong ni Wilma.

Ngumiti siya, inangat ang mga kamay nitong hawak pa rin niya at magaan na hinalikan ang mga iyon. Pagkatapos i-reassure ang dalaga na ayos lang siya ay itinuloy niya ang kuwento. Kung paanong para siyang sinuntok nang makita ang annulment papers at parang nagising sa mahabang pagkakatulog. Kung paano niya napagtanto ang lahat ng kamalian niya at lahat ng mga hindi niya napansin sa nakaraang mga linggo.

"Tinawagan ko siya ng tinawagan, humihingi ng sorry, nakikiusap na pag-usapan namin at ayusin ang relasyon namin. Pero palaging malamig ang tono niya sa tuwing tumatanggi siya. Hindi ko maintindihan kung bakit. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi niya ako magawang mapatawad. Kung bakit hindi siya naniniwala na kaya kong maging mas mabuting asawa sa kaniya. Kaya sa udyok ng mga magulang ko, kahit alam kong kailangan din nila ako sa tabi nila, nagpunta ako sa Amerika."

Huminga ng malalim si Cenon bago sinabi kay Wilma ang isang buwang pananatili niya sa Amerika para suyuin ang asawa at ayusin ang marriage nila. Hindi siya hinayaan ng parents ni Sierra na tumira sa bahay ng mga ito kaya kinailangan niya mag hotel habang naroon. Pero kahit ganoon hinayaan naman siya ng mga ito na araw-araw bumisita para makita ang mag-iina niya.

Sa kasamaang palad, hindi niya napalambot ang puso ni Sierra. Sa bawat pagpunta niya nakikita niya na palayo ng palayo ang loob nito sa kaniya. Masakit para kay Cenon na hindi na niya nakikita ang pagmamahal at pagsuyo sa mga mata ni Sierra. Pero ayaw niya sumuko. Hanggang isang araw dumalaw siya at hindi na siya hinarap ng babae. Ang mga magulang nito ang nakipag-usap sa kaniya. Sinabihan siyang umuwi na sa Pilipinas kasi desidido na si Sierra na makipaghiwalay sa kaniya.

"Bakit daw?" mahinang tanong ni Wilma. "Nawala agad ang pagmamahal niya sa 'yo dahil na depress ka ng matagal at na-neglect silang mag-iina? Siya ang babaeng minahal at pinakasalan mo kaya hindi ako naniniwala na ganoon lang niya kabilis isusuko ang marriage ninyo."

Parang nilamutak ang sikmura ni Cenon habang nakatitig sa hindi kumukurap na dalaga. Nabagbag ang damdamin niya na ganoon kaganda ang opinyon nito tungkol sa kaniya. Kahit pa alam niyang dahil iyon sa nakilala siya nito ngayong singkuwenta na siya at natuto na sa lahat ng kamalian niya noon. "Tama ka. May mas malalim na dahilan kaya ginusto niya makipaghiwalay sa akin at kaya naglaho ang pagmamahal niya."

Humigpit ang hawak niya sa mga kamay ni Wilma saka sinabi rito ang araw na hinarap siya ni Sierra makalipas ang halos dalawang linggong pagtanggi nitong makita siya. Wala ang mga anak niya sa bahay noong araw na iyon. Sinadya yatang ipasyal ng mga lolo at lola para mapagsolo sila ng asawa. Pero imbes na mabuhayan ng pag-asa ay lalong kinabahan si Cenon. Nang silang dalawa lang kasi lalo niya nadama ang panlalamig ni Sierra at para bang estranghero ang tinitingnan nito kapag nakatutok ang mga mata sa kaniya imbes na asawa.

Nakumpirma ang masamang kutob ni Cenon nang seryosong sabihin ni Sierra na talagang ayaw na nito. Na hindi na raw siya nito mahal. Na hindi raw patas sa kanila pareho kung ipipilit nila ang relasyong hindi na magiging katulad ng dati. Tinanong niya ito kung bakit hindi na talaga puwedeng maayos ang marriage nila.

"Umamin siya sa akin na hirap na hirap siya mula nang maaksidente ako. Na kahit may kasambahay kami pakiramdam niya pagod na pagod siya sa pag-aalaga sa akin at sa mga anak namin. Na nasaktan at nadepress siya sa emotional neglect na ginawa ko sa kanilang mag-iina. Na..." Lumunok si Cenon at naramdaman niya ang paghigpit ng hawak ni Wilma sa mga kamay niya. Hindi nito inaalis ang tingin sa mukha niya, tahimik siyang inuudyukang magpatuloy. "Na buntis pala siya."

Nanlaki ang mga mata ni Wilma. "W-what?"

Tumango siya. "Isang buwan siyangbuntis nang mangyari ang car accident. Hindi siya nagkaroon ng pagkakataonsabihin sa akin ang tungkol sa kalagayan niya dahil self-absorbed nga ako nangmga panahong iyon. Hindi ko tuloy naibigay sa kaniya ang suporta na dapatibinibigay sa babaeng nagbubuntis lalo na kapag naglilihi pa lang. Puro sama ngloob, stress at pagod lang ang naibigay ko sa kaniya."

GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon