HINDI naniniwala si Wilma sa lucky charm dati. Pero mukhang magbabago na yata ang opinyon niya tungkol doon. Dalawang buwan pa lang kasi ang nakalipas mula noong bagong taon pero ang dami na nangyari sa kaniya. Hindi rin naman siya nagulat sa mabilis na mga pagbabago kasi alam niya higit kanino man na puwede magbago ang buhay ng isang tao sa isang iglap lang.
Napakurap siya nang masilaw na naman sa sunod-sunod na flash ng camera pero hindi pinalis ang professional na ngiti sa mga labi at attentive na nakinig sa tanong ng isang reporter. Nasa press conference siya ngayon ng bagong weekend primetime travel show na magsisimula umere next week. Isa siya sa main host. Finally magiging bahagi siya ng regular show ng isang malaking TV network na may malaking production budget. Katunayan second week pa lang ng January na-offer na kay Wilma ang show na 'yon. As of now, nakapag-shoot na sila para sa first two episodes.
Isang oras na tanungan at picture taking session pa sa press bago natapos ang conference. Nagkaroon ng casual dinner kung saan nakipagkuwentuhan si Wilma at ang co-host niyang si Bobby sa reporters pero off the records na. Natanong si Bobby tungkol sa married life nito. Pagkatapos sa love life naman niya napunta ang interes ng reporters.
"Totoo ba na anak ng senator ang boyfriend mo ngayon, Wilma?"
Tumawa siya. "Naku, hindi po." Hindi na. Nag break sila ni Julio last week dahil napapadalas ang away nilang dalawa. Wala na raw kasi siyang time para rito. Bukod nga kasi sa pagiging VJ niya sa music channel, once every two weeks na din siya nag a-out of town para sa shooting ng bago niyang programa. Ni hindi na nga niya halos nakikita ang mga kaibigan niya at bumabawi na lang ng tulog sa araw na wala siyang schedule. Tapos ang magaling na lalaki, hindi pa nga nagsisimula ang travel show niya pinapapili na siya agad kung ito ba raw o career niya. So she broke up with him.
"Pero may karelasyon ka ngayon?"
"Wala po," nakangiti pa ring sagot niya.
"Hanggang kailan ka naman single? May nakapagsabi kasi sa amin na serial dater ka raw. Totoo ba?" tanong naman ng isang reporter.
Hindi pinalis ni Wilma ang ngiti kahit na na-tense siya sa tanong na iyon. Aware naman siya na tinatawag siyang 'serial dater' ng mga nakakakilala sa kaniya kasi hindi siya nawawalan ng boyfriend at mabilis siya magpalit. Alam din niya na karamihan sa mga ex niya, maraming mga pinakalat na kasinungalingan tungkol sa naging relasyon ng mga ito sa kaniya.
"Focus po muna ako sa career ko ngayon," paiwas na sagot niya.
"Pero matanong lang namin, ano bang tipo mong lalaki?" pangungulit pa rin ng isang reporter.
Sa totoo lang, hindi niya alam kung anong koneksiyon ng love life niya sa travel show nila. Pero nararamdaman ni Wilma ang titig ng manager niyang si Dindie kaya naalala niya ang bilin nitong maging mabait siya sa press. "Hindi naman ako choosy. Gusto ko lang iyong lalaking understanding. Iyong willing makinig sa akin. Iyong kahit hindi siya magsalita magiging komportable akong kasama siya –" Natigilan siya. Balak kasi sana niyang kung anu-ano lang ang sabihin para matapos ang usapan. Pero bago pa niya narealize, sincere na siya sa pagde-describe ng lalaking gusto niya. Worst, may imaheng sumulpot sa isip niya. Tumikhim siya. "Pero katulad ng sinabi ko na, focus po muna talaga ako sa career ko."
Mukhang naramdaman ni Bobby na hindi na siya komportable kasi nang magtatanong pa sana ang reporters sa kaniya ay nauna na ito magsalita, kinuwento ang tungkol sa baby nito. Nakahinga ng maluwag si Wilma kasi nawala na sa kaniya ang atensiyon ng mga ito.
"PAGOD na ako," ungol ni Wilma nang sa wakas nasa loob na sila ng kotse niya. Sa likod na siya sumakay at hinayaang ang manager niya ang magmaneho kasi na-drain siya ng bongga sa press conference. Bukod sa sobrang busy din niya sa nakaraang mga araw dahil sa kung anu-anong production meetings. Nagkataon din na nakaschedule kahapon ang taping niya para sa music channel.
Padausdos siyang sumandal at pumikit. "Hindi ko naisip na sasabihin ko 'to, ate Dindie pero excited akong magkulong lang sa apartment ko bukas at matulog maghapon."
"Hindi puwede," sagot ng manager niya na binuhay na ang makina ng kotse. "Kailangan natin puntahan 'yung gumagawa ng van mo. Hindi nila mafa-finalize ang design kung walang approval mo. Tandaan mo na halos iyon ang magiging bahay mo kapag naayos na 'yon."
Oo nga pala. Two weeks ago nakumbinsi siya ni ate Dindie na bumili ng van at ipa-customize iyon. Masyado raw maliit ang kasalukuyang kotse niya na totoo naman. Ni hindi siya makahiga sa backseat para umidlip. Mas marami na rin siyang gamit na kailangan dalhin palagi kapag may shooting ang travel show na hindi kailangan sumakay ng eroplano. Bukod sa may mga nakalinya siyang magazine photoshoots at dalawang commercial endorsements na alam ni Wilma na pinaghirapan ng manager niya para makuha. Mas convenient daw kung nasa isang sasakyan lahat ng kailangan niya imbes na hahakutin pa niya sa apartment niya.
"Baka naman isipin ng mga tao feeling celebrity na ako kapag nakita nilang may customized van ako," mahinang bulong niya, hindi pa rin dumidilat. "Hindi naman ako sikat 'no."
"Hindi naman pagyayabang ang dahilan kaya ka bumili at nagpapagawa 'no. Saka hayaan mo sila. Afford mo naman kaya keri lang," katwiran ng manager niya. "Basta pupuntahan kita bukas ng umaga. Dalawa tayong pupunta sa gumagawa ng van mo. Manager ni Serio Valdez ang nagrekomenda ng customizing shop na pinagdalhan ko ng van. Kaibigan daw ni Serio ang may-ari at saka kilalang gumagawa talaga ng sasakyan ng mga artista."
Napangiti si Wilma. Marami pang sinabi si ate Dindie pero hindi na siya nakinig. Kapag kasi nababanggit si Serio Valdez, naaalala niya ang bagong taon at nakikinita sa kanyang isip ang mukha ni Cenon. Siya ang tipong madali makalimot ng mga mukha at pangalan pero kahit two months na ang lumipas, malinaw pa rin niya natatandaan ang hitsura ng lalaki.
Sigurado siyang hindi nito alam at baka nga nakalimutan na siya nito, pero sa tuwing naiisip niya si Cenon, gumagaan ang pakiramdam niya. My lucky charm.
BINABASA MO ANG
GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)
RomansaKuntento sa tahimik na buhay si Cenon Sizperez. Tanggap na rin niyang mananatili siyang mag-isa hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Pero sa madaling araw ng bagong taon, nakilala niya si Wilma Sarza. From the moment he saw her, he knew she...