Part 35

5.3K 170 2
                                    

MADALING araw na nang magpaalam si Cenon na uuwi na. Ni hindi namalayan ni Wilma ang oras kasi ang dami nilang napag-usapan. Bukod sa komportable at ang sarap sa pakiramdam na magkayakap lang sila sa mahabang sofa sa kanyang living room. Gusto pa nga niyang huwag na lang ito umuwi kasi masyado nang late pero umiling ito. Hindi raw magandang ideya kung aabutan ito ng pagsikat ng araw doon. Tama naman ito kaya kahit ayaw pa sana niya tumayo ay hinatid niya ito hanggang sa pinto ng apartment.

"Matulog ka na agad, ha?" paniniguro ni Cenon nang nakatayo na ito sa labas paharap sa kaniya.

Matamis na ngumiti si Wilma. "Oo nga. Wala akong schedule maghapon kaya matutulog lang talaga ako at babawi ng pahinga. Ikaw ang matulog na pag-uwi ha? Knowing you, pupunta ka pa rin sa auto shop ng maaga para magtrabaho."

Ngumiti si Cenon. "Sige na. Good night na. Pumasok ka na at mag lock ng pinto. Pagkatapos aalis na talaga ako."

Itinaas niya ang mukha at tumingkayad. "Kiss muna."

Mahinang natawa ang boyfriend niya pero yumuko naman at magaan siyang hinalikan sa mga labi. Kaso katulad ng madalas nangyayari, kapag nag kiss na sila ang hirap na tumigil. Napakapit siya sa batok nito at pumaikot naman ang mga braso nito sa baywang niya habang palalim ng palalim ang halik. Muntik na nga niya hilahin ito uli papasok sa apartment niya pero bigla sila may narinig na sumarang pinto. Napahinto sila sa ginagawa at parehong nagulat. Mahina lang ang ingay pero dahil sobrang tahimik kaya halos mag echo iyon sa hallway. Nagkatinginan sila bago sabay na lumingon sa magkabilang side pero wala namang tao.

"Kailangan ko na talaga umuwi. Baka may naistorbo tayong kapitbahay mo," bulong ni Cenon.

Tumingala si Wilma at ngumiti. "Okay. Good night."

Gumanti ito ng ngiti at pinisil ang baba niya. "Good night. Pasok na sa loob."

"Opo," sagot niya sabay hakbang paatras. Nginitian niya ito sa huling pagkakataon bago isinara ang pinto at nag lock. Ilang segundong nanatili siyang nakatayo roon bago niya narinig ang papalayong mga hakbang ni Cenon mula sa labas. Saka lang napangiti uli si Wilma at tuluyang naglakad papunta sa kaniyang kuwarto. At kahit napakaraming nangyari sa araw na iyon at ang dami niya kailangan pakaisipin, paglapat pa lang ng katawan niya sa kama ay nakatulog na siya agad.

KATULAD ng sinabi ni Wilma kay Cenon bago ito umuwi, talagang natulog lang siya maghapon. Malapit na kasi mag alas sais ng gabi nang magising siya. Katunayan kung hindi pa nga tumunog ang cellphone niya baka hindi pa siya bumangon sa kama. Tumatawag ang manager niya.

"Nasaan ka?" tanong agad ni ate Dindie hindi pa nga siya nakakapag hello.

"Natutulog ako bago ka tumawag. Bakit?" paos at paungol na sagot ni Wilma.

"Sa apartment mo?"

"Saan pa ba ako matutulog kung hindi sa apartment ko, ate?"

"Okay. Mabuti naman. Pupuntahan kita. Diyan ka lang. Huwag kang lalabas."

Nawala ang antok niya at napabangon paupo. "Bakit na naman?" alarmed na tanong niya.

Bumuntong hininga si ate Dindie sa kabilang linya kaya lalo siya kinabahan. "Basta mamaya na pagpunta ko diyan. Nasa biyahe na ako. Bye." Pagkatapos tinapos na nito ang tawag.

Manghang napatitig siya sa kanyang cellphone at kabadong hinintay ang pagbaha ng text o tawag na palagi niya natatanggap kapag may nangyaring ikinatataranta ng manager niya. Ilang minuto ang lumipas bago niya narealize na walang darating na messages at tawag mula sa mga kaibigan niya kasi pinutol na nga pala niya ang ugnayan niya sa mga ito. Narealize ni Wilma na hindi siya affected na hindi na sila friends nina Sheena. Katunayan para siyang nabunutan ng tinik sa lalamunan at mas magaan ang pakiramdam niya ngayon.

Kaso habang nakatingin siya sa cellphone naalala niyang hindi na rin siya kukulitin at sesermunan ng kanyang ina kasi nag-away nga pala sila kahapon. Sinabihan pa niya itong puwede siya nitong itakwil. Kilala niya ang ina. Matigas ang puso nito at mataas ang pride. Hindi talaga siya nito kakausapin kahit mag sorry pa siya at magmakaawa rito.

May kumurot sa puso ni Wilma kaya binitawan niya ang gadget at tuluyan nang umalis sa kama. Naligo na lang siya at nakapagbihis na nang marinig niya ang pagbukas ng front door ng apartment niya. Lumabas siya ng kuwarto at naabutan sa kusina si ate Dindie. Nagulat siya na may dala pala itong take-out food. Kumalam tuloy ang sikmura niya kasi hindi nga pala sila nakakain ng dinner ni Cenon kagabi.

"Wow. Thank you sa pagkain, ate!" nakangiting bati niya nang makalapit sa kusina at niyakap pa ang manager. "Savior talaga kita. I love you."

"Alam ko kasing hindi ka pa kumakain. Sige na kumain ka na muna saka tayo mag-usap," sagot ni ate Dindie na gumanti ng mas mahigpit na yakap. Sumikdo tuloy ang puso ni Wilma kasi masyado na nila kilala ang isa't isa para malaman sa yakap pa lang nito na malaki ang problema nila.

Kumalas siya rito at kumuha ng mga plato at utensils para sa kanilang dalawa. Kapag sinabi ng manager niya na kailangan niya kumain bago mag-usap, hindi talaga ito magsasabi hangga't hindi nito nasigurong busog siya.

"Anong nangyari sa lakad ninyo ni Cenon kagabi?" tanong ni ate Dindie nang tapos na sila kumain at nagliligpit na sila pareho ng pinagkainan.

Napangiwi si Wilma. "It didn't end well." Pabuntong hiningang umupo siya at sinabi sa manager ang lahat ng nangyari sa bahay ng mama niya. Wala siyang itinago kahit pa bumabalik ang sakit na naramdaman niya kahapon sa bawat salitang binibitawan niya.

Mukhang napansin iyon ni ate Dindie kasi nang matapos siya magsalita tumayo ito, niyakap siya at hinaplos ang buhok niya. "Wilma... you could have handled that better. Sigurado akong hindi mo naman talaga gusto na magtakwilan kayong mag-ina. Kahit palagi kayo nag-aaway 'non, alam kong mahal na mahal mo ang nanay mo."

Uminit ang mga mata ni Wilma at gumanti ng mahigpit na yakap sa manager niya. "Pareho kayo ng sinabi ni Cenon," bulong niya.

"Talaga?" Nahimigan niya ang ngiti sa boses ni ate Dindie. "Mabuti naman. Ibig sabihin nakikita talaga niya ang tunay na ikaw. Kampante ako na talagang mahal ka niya, Wilma."

Sumikdo ang puso niya nang mapansin niyang may kasunod na 'pero' ang sasabihin ng manager niya. Kumalas siya sa yakap nito at tiningala ito. Lalo siyang kinabahan nang makita ang magkahalong guilt at awa sa mukha nito. "Bakit, ate Dindie? Ano ba talagang sasabihin mo sa akin?"

GOLDEN HEART (2019 GPML Best Published Story Of The Year)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon