Sa unang tatlong araw ng magbabarkada sa lugar nina Raphael ay sinulit ng mga ito ang pamamasyal sa mga magagandang tanawin na malapit sa tinutuluyan nilang bahay.
Sa kanilang paglilibot, napatunayan nilang hindi mahilig sa ‘pagpapalipas oras’ at ‘paglilibang’ ang mangilan-ngilang mga tao na kanilang nakita. Halos lahat ay abala sa paggawa sa bukid at kani-kanilang mga hanapbuhay. Alas singko pa lang ng hapon ay nakakain na ng hapunan ang mga ito at pagdating ng alas sais ay tahimik na ang paligid at nagpapahinga na ang lahat. Maliban na lamang sa ilang mga kalalakihan na ginagawang pang-alis pagod ang pag-inom ng tuba/lambanog na isa sa pangunahing produkto sa lugar.
Karamihan o halos lahat naman ng mga kababaihan at mga kabataan ay natatakot na lumabas ng bahay pagkagat ng dilim dahil na rin sa kumakalat na mga kwento ng kababalaghan sa lugar.
Diumano ay may mga aswang na gumagala sa gabi.
Bagay na hindi naman pinaniniwalaan ng mga magkakaibigan.
Ayon sa kanila, sa mga gabing inilagi nila sa lugar ay wala naman silang naramdaman o nakitang mga bagay na kakaiba. Dahil sa hindi pa sila sanay matulog ng maaga, minsan pa nga ay inaabot sila ng alas diyes ng gabi sa pagkukwentuhan at kulitan sa bahay ni Lola Tory.
Wala rin silang narinig na mga kakaibang tunog o kaluskos sa bubong na pangkaraniwan daw na nangyayari kapag inaatake ng aswang ang isang bahay.
Maliban sa ‘weird’ na tingin sa kanila ng ilang mga tao sa lugar ay wala naman silang nararamdamang kakaiba.
Tila nabo-boring na nga ang mga babae sa ‘tahimik’ na bakasyon nila.
Ang hindi nila alam…
Palihim na minamatiyagan ng mga di-kilalang kababaihan ang limang lalaki sa kanilang grupo…
Sa lahat ng lugar na pinuntahan nila ay nakasunod ang mga babae at nakamasid sa di-kalayuan habang nakakubli.
At alam ito nina James, Allan, Rex at Raphael. Paminsan-minsan ay nakikita nila ang mga babae na nakatingin sa kanila habang nagtatago ang mga ito.
Subalit hindi nila sinasabi sa mga kasamahang babae ang tungkol dito…
****************************************
SA UMAGANG IYON ng ikaapat na araw nila ay napaspasyahan nilang dayuhin ang isang ilog na may kalayuan.
Pagdating na pagdating nila roon ay hindi inaasahan ng mga lalaki na madadatnan nilang naliligo sa mabatong bahagi ng ilog ang mga dalagang nakikita simula pa noong unang araw nila sa lugar.
Ngumiti pa ang mga ito sa mga lalaki. Misteryosong mga ngiti…
Dahilan naman ito ng pagtataka ng mga babae.
“Kilala niyo sila, guys?” tanong ni Karen sa mga lalaki habang ibinababa ang mga dalang gamit sa inilatag na picnic blanket.
“Ha?? Ah ehh.. Hindi.” tanggi ni James.
“Eh bakit ganun? Parang nakakapagtaka yatang all-smiles ang mga babaeng yun sa inyo? Samantalang ang ibang mga tao dito ay parang hindi na marunong ngumiti” sabad ni Grace.
“Baka naman, sadyang naguguwapuhan lang sila sa amin!” may halong pagyayabang na tugon naman ni Allan. Layun din nitong ibahin ang topic.
“Guwapo? Kayo? Guwapo?!? Duuhhhh!” pagmamaldita ni Karen. “Ayusin niyo na lang tong mga baon natin. Para matuwa pa ako sa inyo.” dugtong pa nito. Ang tinutukoy nito ay ang mga pagkaing nakalagay sa mga baunan na kakainin nila habang nagsu-swimming.

BINABASA MO ANG
LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)
Mystery / ThrillerPag namatay daw ang tao... Mayroon siyang pitong araw na pananatili sa mundo. At kwarentang araw (40 days) ng paglalakbay ng kaluluwa sa isang mundong dapat mong malagpasan para makarating sa destinasyon mo. Kapag napagtagumpayan ang mga balakid...