CHAPTER 26

13 0 0
                                    

Inaalala din ni Mang Pedring ang nangyari, kung papaanong nalaman niya ang lahat. Saka ito muling nagkwento...

"Isang araw sa mundong iyon, sinugod kami ng isang babaeng halimaw sa pinagtataguan naming lugar. Biglaan iyon. Hindi namin inasahan at napaghandaan. Kung tutuusin, ako sana ang masasakmal ng halimaw. Ngunit, iniligtas ako ni Loreto na aking kasamahan noon. Humarang siya nang aatake na sa akin ang halimaw. Habang nanggigigil na kagat-kagat ng halimaw sa leeg si Loreto, wala sa sarili kong hinampas ng nadampot kung malaking kahoy ang halimaw. Napuruhan ito sa noo. Dahil sa sakit at pagkahilo sa lakas ng aking pagkakahampas, nagpagiwang-giwang ang halimaw na nakasapo sa noo at nahulog sa isang tubigan. Bigla itong nagbalik sa anyong babae. Isang magandang dalaga. Dahil pa rin sa pinsalang natamo nito sa pagkakahampas ko, hindi ito makagalaw ng maayos habang nasa tubig. Hindi ito makalangoy. Humingi ito ng saklolo. Nagmakaawa itong iligtas ko siya. Dahil sa magkahalong pagkataranta at awa, wala sa loob kong iniabot ang mismong kahoy na ipinalo ko sa kanya upang iligtas siya. Nang maiahon ko mula sa tubig ang babae, kaagad kong pinuntahan si Loreto na nakahandusay sa lupa. Nakapagsalita pa si Loreto noon, inihabilin niya sa akin ang kanyang bunsong kapatid. Nagawa pang ipaalala sa akin ni Loreto na dalawa na lamang silang magkapatid ang magkasamang namumuhay. Bago siya nalagutan ng hininga ay ipinakiusap nitong wag kong pababayaan ang kapatid niyang si Arturo." pagkasabi niyon ay nangilid ang mga luha ng matanda.

Napamaang muli ang lahat ng nasa sasakyan. Tila naramdaman nilang ang binabanggit nitong Arturo ay ang namatay na kapitbahay at kasama ng mga kabataan ngayon kung saan man sila naroon.

Nagsalitang muli si Mang Pedring. "Habang umiiyak akong hawak-hawak ang bangkay ni Loreto noon, nagsasalita ang halimaw. Hindi ko na magawang matakot rito. Hindi ko na inisip na baka saktan din niya ako. Isa pa, tila tulala noon ang halimaw. Ayokong isipin na nakokonsensya at binabagabag siya dahil sa ginawa kong pagkakaligtas sa kanya. Subalit, tila ganoon ang naging epekto nito sa kanya. Isiniwalat ng halimaw ang sikreto ng kanilang lahi. Ang tungkol sa kaugnayan nila sa mga ahas at tungkol sa epekto ng kamandag. Kung paano ako makakaalis sa mundong iyon at kung paano ako muling mabubuhay. Binalaan din niya akong wag magkuwento tungkol sa nalalaman ko at ang magiging epekto nito kung aking ipagsasabi ang sikreto. Lahat-lahat..." napapikit si Mang Pedring habang inaaalala nito ang mga sinabi ng halimaw. "Nang matapos itong magsalita... tumalon itong muli sa ilog kung saan ko siya iniahon at iniligtas. Nagpatangay ito sa agos at hindi na muling umahon." pagkukwento ng matanda na nakatingin sa labas ng bintana ng sasakyan habang nagsasalita.

"Nang akoý makabalik at mabuhay muli, hindi ko magawang magsaya. Pabalik-balik sa aking isipin ang naranasan namin sa mundong iyon at sa kamay ng mga halimaw. Hindi ko nagawang tuparin ang pakiusap ni Loreto na bantayan ang kanyang kapatid. Tulala lamang ako noon. Kaya't naisipan nitong si Maria na ilayo ako sa San Patricio. Nagmagandang loob naman ang kapitbahay namin noon na siya ang mag-alaga kay Arturo dahil nakita nitong wala na akong kakayahang gawin iyon. Kaya naiwan si Arturo sa San Patricio..." hindi na namalayan ng matanda ang pagtulo ng luha nito.

"Ngayon na siya naman ang nasa mundong iyon, hindi ko na mapapatawad ang sarili kong mamatay rin siya sa kamay ng mga halimaw!" matigas na turan ni Mang Pedring.

**************************************

SA KULUNGANG kinalalagyan ni Raphael...

Sinisiyasat niyang mabuti ang pagkakayari ng kulungan.

Tinitingnan niya ang mga posibleng daraanan niya upang makatakas rito. Mabuti na lamang at noong oras na iyon ay tila nagpatawag muli ng pagpupulong ang pinuno. Sa narinig niya kanina'y para ihanda ang lahat sa pagpunta sa gitna ng kagubatan, kasama siya. Kung kaya, walang nakabantay sa kanya ngayon.

Kaya't minamadali niya ang sarili na makahanap ng paraan upang makatakas.

Sa kanyang pag-iinspeksiyon, napag-alaman niyang batong yungib ang kulungan. Ang bunganga ng yungib o ang pintuan nito ay hinarangan ng malalaking sanga ng punong kahoy upang maging rehas. Imposibleng gibain ang harang ng yungib dahil sa laki ng mga sanga na ginamit rito.

LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon