MAHIGIT SA TRENTA piraso ang nagawang lampara ni Lando mula sa mga basyo ng bote na natagpuan niya sa kusina. Gumamit siya ng lumang T-shirt na gawa sa cotton na kaniyang ginupit-gupit upang maging pabilo o mitsa. Binalot niya ito ang mga dulo ng palara.
Bago pa lumubog ang araw ay ipinuwesto nila ang mga nagawang lampara sa sahig o sa lupa upang mas maging ligtas mula sa pagkakatumba at upang maiwasan ang posibilidad ng sunog.
Nang magdidilim naý isa-isa nila itong sinindihan.
Nagliwanag ang buong kubo.
Subalit, tila nawi-weirduhan ang tatlo sa kanilang pakiramdam habang tinitingnan ang hitsura ng buong kabahayan. Tila mas nakakakilabot na pagmasdan ang kabuuan ng kubo dahil sa dami ng nakasinding lampara sa paligid nila.
“Parang mas kinikilabutan ako sa ambiance ngayon ah!” di mapigilang pahayag ni Karen.
Sumasang-ayon man sina Grace at Lando pero hindi na sila sumagot. Baka magkatakutan pa sila’t mapagkasunduang patayin ang mga lampara. Anila’y mas maigi nang maliwanag ang buong kabahayan upang mabantayan lalo ang mga kaibigan na nasa loob ng silid.
“Sana dumating ngayong gabi sina Mang Aldo. Ngayon pa nga lang na magdidilim pa lang ay kinikilabutan na ako. Papaano pa kaya mamayang hatinggabi na?” pahayag muli ni Karen.
“Wala kasing kasignal-signal dito eh. Baka tini-text tayo ni Cathy at wala tayong kaalam-alam” saad naman ni Grace.
“Wala na rin naman na tayong magagawa kundi maghintay at magpakatapang muna habang wala pa sina tatay” sagot naman ni Lando.
“Mabuti pa’y kumain muna tayo ng hapunan. Pagkatapos nating kumain, bubuksan ko ang laptop ko para makapanuod na lamang tayo ng pelikula para malibang tayo at nang hindi kung anu-ano ang naiisip natin pare-pareho” tugon ni Grace. Saka ito tumayo at nagtungo sa banggeraan upang kumuha ng mga pinggan at kubyertos.
Wala namang nagawa ang dalawa. Sumunod na lamang ang mga ito at tumulong sa paghahain ng kanilang kakainin.
**************************************
HABANG BUMIBIYAHE ay panay ang kwentuhan nina Mang Aldo, Mang Pedring, Lola Tory at Aling Maria sa loob ng van. Pinag-uusapan pa rin ng mga ito kung papaanong nangyari ang lahat. Muling tinanong nina Mang Pedring at Aling Maria kung paano nabiktima ang mga kabataan pagkatapos na mabiktima si Mang Arturo ng mga halimaw. Hinimay-himay nila ang mga detalye.
Si Lola Tory ang sumasagot sa mga tanong nina Mang Pedring at Aling Maria.
Habang nakikinig naman sa usapan ay biglang tumunog ang cellphone ni Cathy. Tunog ito ng mga notifications na dumarating sa social media account niya. Matagal siyang hindi nakatanggap ng notifications mula sa mga social media accounts dahil sa kawalan ng coverage. Naiwan pala niyang naka-ON ang data connection nito. Marahil ay nakasagap ng signal ang kanyang cellphone ng sandaling iyon; dahilan para sunod-sunod ang pagtunog nito dahil sa ilang notifications na dumating.
Dahil dito ay inilabas niya mula sa bulsa ang kanyang cellphone. Saka inilagay sa silent mode upang hindi makaisturbo sa mga nag-uusap. Hindi rin naman niya tiningnan ang mga notifications (kung may nag-chat o nag-like at comment ba sa mga posts niya). Wala siya sa mood para sa “socializing” o makipagkamustahan.
Tiningnan na lamang niya ang Maps Application sa kanyang cellphone upang malaman kung gaano pa sila kalayo mula sa San Patricio. Nais niya ring alamin kung ilang oras pa sila maglalakbay dahil nais niya ring makaidlip.
Habang nagba-browse sa maps, naisipan din niyang i-search sa Google ang bayan ng San Patricio.
Sa unang site na kanyang napuntahan, nabasa niya ang pinagmulan ng pangalan ng Barangay San Patricio – kung saan ito nakuha at saan ito nagmula.
Sa site na nabisita niya ay ipinakikita rin ang ilan sa mga makasaysayang lugar sa San Patricio. Kabilang rito ang isang lumang simbahan na ipinangalan din sa kay San Patricio.
Napansin niya ang larawan ng bintana ng simbahan. Isa itong stained glass na may imahe ni San Patricio. Ini-zoom niya ang picture na nakita. At napako ang tingin niya sa mga imaheng nasa ibabang bahagi ng stained glass window. May mga imahe ng ahas sa bahaging iyon. Tila kinakausap ni San Patricio ang mga ahas sa larawan.
Dahil dito ay mula siyang nag-type sa seach bar ng Google. Itinype nya ang “St. Patrick” at sinundan iyon ng salitang “Snakes”. At habang nagbabasa siya ay tila nagbabago ang reaksyon ng mga mata niya.
Nabasa niya ang isang alamat tungkol kay San Patricio ng Ireland at mga ahas. Diumano ay si San Patricio ang dahilan kung bakit walang ahas sa bansang Ireland ngayon. Lumaganap ang kwento na kung saan pinalayas ni San Patricio ang mga ahas papuntang Karagatang Atlantiko at sinabihan ang mga itong kailanman ay huwag nang babalik. Ito ay matapos na balakin ng mga ahas na atakehin siya habang nag-aayuno ng apatnapung araw sa tuktok ng isang burol.
Isang pamilyar na eksenang muli ang naalala niya habang nagbabasa…
**************************************
PATULOY PA RIN ANG KWENTUHAN ng mga matatanda sa loob ng sasakyan habang bumibiyahe.
Dahil sa nabasa ay nais sana ni Cathy na sumingit sa kwentuhan upang magtanong tungkol sa kanyang nabasa at nakita sa internet, subalit may isang mahalagang tanong na nasambit si Mang Pedring. Kaya tumahimik na lamang siya at nakinig sa pinag-uusapan ng mga ito.
“Kung sakaling hindi makababalik ang mga bata sa kani-kanilang mga katawan, ano ang pinaplano ninyong gawin? Ipapaalam ba ninyo ang kanilang kalagayan sa kanilang mga magulang upang sila man ay makasama nating maghintay habang nagbabakasakaling sila’y mabubuhay sa ikaapatnapung araw?” tanong ni Mang Pedring.
Natigilan si Lola Tory sa narinig.
Ilang araw na rin kasi niyang iniisip ang tungkol dito.
Maging si Cathy ay naalerto sa narinig na tanong. Nais niyang malaman ang magiging tugon ng mga nakatatandang kasama niya sa tanong na iyon.
“Sa pagkakaalam ko, ang lahat nang hindi na nabuhay pagkatapos ng apatnapung araw ay inilalagak ang bangkay sa loob ng kwebang-sementeryo” singit ni Aling Maria.
Kumunot ang noo ni Cathy pagkarinig sa salitang “kwebang-sementeryo”.
Hindi na niya napigilang sumabad sa usapan at nagtanong.
“Kwebang-sementeryo po? Tama po ba ang narinig ko? Tsaka, ano pong inilalagak? Paanong inilalagak ang mga bangkay? Hindi po ba sila inililibing o ibinabaon sa hukay?” sunod-sunod na tanong niya.
Si Lola Tory ang sumagot sa kanya. “Hindi. Hindi sila ibinabaon sa hukay o inililibing. Iniiwan ang mga labi ng mga namatay sa loob ng kwebang nasa gitna ng kakahuyan. Dahil, umaasa pa ang mga kaanak ng mga namatay na mabubuhay pa sila kahit pa lumampas na sila sa ika-apatnapung araw ng kanilang pagkamatay” paliwanag ni Lola Tory.
Kumunot pa lalo ang noo niya sa narinig na sagot ni Lola Tory. Nagulat siya sa nalaman.
“Pero may nabuhay na rin po ba kahit lumagpas ng apatnapung araw?” balik tanong niya.
“Wala pa. Ang nakakalungkot pa, halos lahat ng nailagak na bangkay roon ay tila napakabilis na maagnas ang kanilang mga katawan. Ilang araw lang pagkatapos na naihatid ang kanilang mga katawan sa kweba ay nagiging kalansay na ang mga ito” ani Lola Tory.
Nakatitig siya kay Lola Tory pero naglalayag ang isipan niya may pinipilit siyang intindihin. Tila utak niya mismo ang nagsasabing mayroon siyang dapat na maintindihan sa mga naririnig niya. Napakuyom siya ng kanyang mga palad habang nag-iisip.
**************************************
SAMANTALA…
Hindi naman mapalagay si Raphael sa loob ng kaniyang kinalalagyang kulungan.
Iniisip niya ang mga bagay na sinabi sa kaniya ng babaeng halimaw.
Iniisip niya, paano nga kung iniwan na nga siya ng kanyang mga kaibigan? Paano kung binabalak pala ng mga ito na magtago na lamang sa isang maayos na kublihan upang hindi matunton ng halimaw at makatagal ng pitong araw upang makabalik sa kani-kanilang mga katawan? Paano kung ganun nga ang binabalak ng mga kaibigan niya? Na iwan siya dito at magsilbing alay sa mga halimaw?
Tahimik ang paligid.
Nabalot na rin ang kadiliman ang kapaligiran dahil nakalubog na ng tuluyan ang araw.
Tapos na ang araw.
Gabi na.
Kung mamamalasin ay huling gabi na niya iyon.
Tuluyan na siyang magpapaalam sa mundo at sa mundong kanyang kinalalagyan sa kasalukuyan.
Naisip niya tuloy, mayroon pa kayang isa pang mundo pagkatapos niyang mamatay ng tuluyan sa kamay ng mga halimaw? Saan naman kaya mapapadpad ang kaluluwa niya pagkatapos?
Tumingin siya sa labas. Pilit na tiningala ang kalangitan.
Maganda ang langit ng mga oras na iyon. Halos walang ulap. Napakaraming bituin.
Tiningnan niya ang buwan. Tumitig siya rito. Hindi niya maipaliwanag kung bakit tila nakakabawas ng alalahanin ang pagtingin at panonood niya sa buwan. Pakiramdam niya ay pinapakalma siya nito habang nagtatagal ang kanyang pagtitig dito.
Nakakailang minuto na niyang tinititigan ang buwan nang tila may napansin siya sa buwan…
Nasa kahalating-bilog ang buwan. ‘Quarter Moon’!
Bigla siyang napaigtad sa pagkakaupo at napatayong sinipat nang maigi ang buwan.
Naalala niya… Bilog ang buwan ng gabing natagpuan niya si Althea matapos itong mawala sa kagubatan. Ilang beses niyang tiningnan noon ang bilog na buwan habang naglalakad sila ni Mang Arturo at hinahanap si Althea. Nagpapasalamat pa siya noon dahil malaking tulong ang maliwanag na buwan na tumutunghay sa kanilang dinadaanan habang ginagalugad ang kagubatan.
Naisip niya… Kung noong gabing iyon ay bilog ang buwan. At kung ‘quarter moon’ ang kasalukuyang nasa kalangitan, ibig sabihin, nasa ika-lima hanggang ika-anim na araw na silang namamalagi sa mundo iyon. Natatandaan niya kasi ang napag-aralan nilang Moon Phase sa isa nilang subject. Mula sa Full Moon, may isang linggo upang maging Quarter Moon (o kalahati) ang buwan sa kalangitan.
Dahil sa pagkakakapit niya sa rehas-na-kahoy, bahagyang natamaan ng liwanag ng buwan ang isang bagay sa kanyang braso; napansin niya ang kanyang wrist watch na nasa kaliwa niyang kamay.
Nanlaki ang mga mata niya nang maalala ang suot-suot na relo. Naalala din niyang may Day-Date Display ang kanyang automatic na wrist watch. Dali-dali siyang pumuwesto upang matanglawan pa lalo ng liwanag ang kanyang relo.
Nais niyang makita ang oras. Kailangan niyang makita ang petsa mula rito.
Subalit medyo madilim. Hindi niya iyon mabasa.
Nanginginig nyang inilabas mula sa rehas ang kamay upang matanglawan iyon ng liwanag na nagmumula sa buwan.
Nang matanto ang pinakamainam na anggulo, pinilit naman niya itong basahin.
“WED|27” mahina niyang pagbabasa sa petsang nakita niya sa relo.
Nag-isip siyang mabuti.
Inisip niya ang mismong araw ng kanilang pagbiyahe pauwi sa kanilang probinsiya. Dalawang linggo yun matapos ang kanilang Completion Rights sa Senior High School.
April 1 – Biyernes, ang araw at petsa ng kanilang Completion Rights.
Dalawang linggo ang ginugol nila sa pagpaplano at pag-bwelo para makapagpaalam ang mga kaklase niya sa kani-kanilang mga magulang.
April 16 – Sabado, ang araw at petsa ng kanilang pagbiyahe papunta sa kanilang probinsya.
April 17 – Linggo, ang kanilang unang araw sa San Patricio.
April 20 – Miyerkules, pang-apat na araw na nila sa San Patricio nang mapagpasyahan nilang maligo sa ilog.
Kinahapunan ng araw na iyon ay natagpuang patay si Mang Arturo.
Kinagabihan nang araw ding iyon ay nag-inuman sila ng nabiling tuba.
April 21 – Madaling araw ng Huwebes sila nabiktima ng mga halimaw na nagbalat-kayong mga dalaga.
April 22 – Biyernes, unang araw na narito sila sa dimensyong iyon.
April 23, Sabado, ang kanilang pangalawang araw.
April 24, Linggo, pangatlo….
25, Lunes, pang-apat.
26, Martes, pang-lima.
27, Miyerkules, pang-anim.
Natigilan siya. “WED|27”… Pang-anim…
Bigla siyang kinabahan…
Naalala rin niya bigla ang nakita nyang kumpulan ng mga halimaw kanina.
Totoo nga kaya? Ang plano ng mga itong sinabi ng babaeng kausap niya kanina? Na dadalhin siya ng mga ito sa gitna ng kagubatan para matunton ang kaniyang mga kasamahan?
Kaya pala nagpaplano na ang mga ito ng ganoong hakbang dahil ito na ang huling gabi nila sa mundong ito? At kung hindi sila makakabalik sa kanilang katawan ay maiiwan sila rito sa mundong ito upang pahirapan at patayin upang tuluyang maglaho.
Naalala niya. Wala na pala siyang kasama.
Mag-isa na lang pala siyang lalaban mula ngayon.
Pero papaano naman siya lalaban? Ni wala siyang lakas?
Sinulyapan niya ang pagkaing inihatid sa kanya ng babae kanina.
Kinuha niya iyon at kinain. Kailangan niyang magpalakas. Kailangan niyang makapag-isip ng paraan upang makabalik sa kanyang katawang nasa mundo ng mga buhay.
Habang nalalamnan ang kanyang tiyan…
Nabubuo naman ang isang balak sa kanyang isipan.
Napagpasyahan niyang tumakas!
Bago siya mailabas ng mga halimaw mula sa kanyang kulungan mamaya ay aalis siya rito!
Yun lang ang paraan upang manatili siyang buhay sa mundong ito at upang makabalik siya sa kanyang katawan!
**************************************
HABANG BINUBUO NG GRUPO nina James, Allan, Rex, Althea kasama si Mang Arturo ang mga gagamitin at mga patibong laban sa mga halimaw ay nagbubulong-bulungan ang magkakaibigan…
Si Althea na tila nai-excite ay nagsabi ng pabulong sa apat na binata: “Sabik na kong makita ulit si Raphael! I’m sure matutuwa yun kapag naabutan natin siya sa kuta ng mga halimaw at para iligtas! Sabay-sabay tayong makakatakas! Makakabalik tayong lahat sa mga katawan natin!”
Sumagot naman si James. “Ako din, excited na din makita ang reaction ni Raphael kapag nakikita niyang pinapakawalan ko siya mula sa pagkakabihag!” mayabang nitong turan.
Napangiti sa pag-sang-ayon ang iba pa. Nag high-five pa silang lima. Punong-puno ng pag-asang maaabutan nila at maitatakas si Raphael at mabawi ito mula sa kamay ng mga halimaw!
BINABASA MO ANG
LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)
Misterio / SuspensoPag namatay daw ang tao... Mayroon siyang pitong araw na pananatili sa mundo. At kwarentang araw (40 days) ng paglalakbay ng kaluluwa sa isang mundong dapat mong malagpasan para makarating sa destinasyon mo. Kapag napagtagumpayan ang mga balakid...