"MAY ISANG BAGAY pa kayong hindi nalalaman” saad ng matanda.
“Ano po yun lola?” halos sabay-sabay na tanong ng magkakaibigan.
Ngumiti ang matanda.
Saka ito nagsalita.
“Yaman rin lamang at matatalino kayo mag-isip. Mayroon akong sasabihin…” panimula nito. “Sabihin na nating hindi nga totoo ang tungkol sa aswang sa lugar na ito. Paano ninyo ipapaliwanag ang hitsura ng lalaking namatay kanina? Kahapon lamang ay masiglang nagbubungkal ng lupa ang lalaking iyon” nakangiti paring dagdag nito.
Nakatitig na mabuti sa matanda ang ilan sa kanila.
Ang iba ay papikit-pikit na. Lalo na ang mga babae. Lasing na ang iba sa kanila. Ang ilan ay nakasubsob na sa mesa.
Ang mga nakikinig sa matanda ay tila alam na may sasabihin pang mahalaga si Lola Tory. Kaya nagbantay sa muling pagsasalita ng matanda.
“Alam niyo bang naghihintay ng pitong araw ang mga tao bago ilibing ang mga bangkay ng mga namatay dito? Hindi nila maaaring ilibing ang bangkay nang hindi natatapos ang ikapitong araw” pahayag ng matanda.
Nag-iba ang reaksiyon ng mga nakikinig pa. Yung reaksiyon na halatang gusto pa nilang magpatuloy ang matanda sa pagsasalita.
“Bakit po ganun?” hindi napigilang itanong ni Rex. Ang pinakamaayos pa ang isip at kilos sa kanila. Tila hindi pa ito natatamaan ng alak. Bagaman ang iba’y nakikinig at nakatingin pa rin naman sa matanda.
“May posibilidad na mabuhay pa ang bangkay sa ikapitong araw!” pahayag ni Lola Tory.
Nagkatinginan pa ang lahat pang nakikinig.
“Papaanong nabubuhay pa sila Lola? Hindi na humihinga yung lalaki kanina. Halos itim na ang katawan dahil sa hindi na din dumadaloy ang dugo sa katawan nito. Halos tuyo na nga, eh.” kontra ni Rex. Naguguluhan ito. Nagulat sa narinig.
“Wala ring nakakaalam. Pero, hindi lahat ng namamatay dito ay nabubuhay sa ikapitong araw. Ang ilan ay sa ika-apatnapung araw pa nga!” sagot ni Lola Tory.
“Hah!???” si Rex pa din. Halatang gulong-gulo na sa naririnig.
“Papaano pong…” ani James na tila nagising din ng bahagya ang diwa sa narinig. Hindi pa natatapos ang tanong nito’y nagsalita na ring muli ang matanda.
“Misteryo din para sa amin ang nangyayari. Ang mga nabubuhay sa ikapitong araw ay bumabalik sa dati ang itsura at balat; nagmumulat ng mata at agad na nakakabangon at nakakapaglakad” anang matanda.
Napamulagat ang mga mata ng mga nakikinig.
“Sa aming pagmamatiyag at naitala mula sa mga nakaraang pangyayari dito, ang mga nabubuhay sa ikaapatnapong araw ay ang nagbabalik sa dati ang hitsura at balat sa ikapitong araw. Ibig sabihin, mula sa tuyot at nangingitim ay babalik sa dati ang kulay at tekstura ng balat ng bangkay. Ngunit, hindi pa sila gumigising; ni hindi tumitibok ang puso. Nananatiling maligamgam ang katawan ng mga ito. Saka lang sila gigising at makakabangon sa ikaapatnapong araw” dugtong ni Lola Tory.
“Subalit, may ilan na hindi rin gumigising pagkasapit ng ikaapatnapong araw. Kung hindi na ito nagising sa ikaapatnapo, magsisimula nang lumamig ang katawan nito na gaya ng sa normal na patay na katawan ng tao” patuloy ng matanda.
“At kung hindi naman bumalik sa dati ang hitsura ng bangkay sa ikapitong araw, hindi ka na makakaasang may magaganap na pagkabuhay ng ikaapatnapong araw” pagtatapos ng lola.
Nakangangang nagkatinginan ang natitirang nakikinig. Halatang nagulat ang mga ito sa narinig. Lalo na sina James, Althea, Rex at Raphael.
Si Raphael ay siyang pinakanagulat sa lahat. Wala itong alam sa mga bagay na tulad ng narinig niya sa lola.
BINABASA MO ANG
LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)
Misteri / ThrillerPag namatay daw ang tao... Mayroon siyang pitong araw na pananatili sa mundo. At kwarentang araw (40 days) ng paglalakbay ng kaluluwa sa isang mundong dapat mong malagpasan para makarating sa destinasyon mo. Kapag napagtagumpayan ang mga balakid...