HINDI PA MAN gaanong sapat ang laki ng butas na nagagawa ni Raphael upang magkasya siya't makatakas, pinilit niyang isiksik ang sarili roon. Inuna niya ang kanyang paa, para magamit din niya ang mga binti upang tadyak-tadyakan na lamang ang lupa upang mapalawig ang kanyang dadaanan. Papaano'y wala na ring lakas ang kanyang mga braso.
May pagkakataon na nagagalusan siya kapag natatama ang kaniyang balat sa malilit na bato at kung anu-anong matutulis na mga bagay na nasa lupa. Mabuti na lamang at kaagad namang natatakpan ang mga galos ng pinong lupa kung kaya't hindi iyon nagpapatuloy sa pagdaloy. Hindi na rin nakakalabas ang amoy nito. Kapag nagkataon, maaamoy ito ng mga halimaw at mahuhuli siya.
Maya-maya'y may nauulinigan siyang boses na paparating.
Nataranta siya.
'Bakit may mga halimaw nang paparating?' tanong niya sa sarili.
'Tapos na ba ang ginawang pagpupulong ng mga ito? Kukunin na ba siya ng mga ito ngayon?'
Napakalapit na rin ang yabag ng mga paparating. Ramdam na ramdam niya ang mga yabag lalo't tila nakabaon na ang buong katawan niya sa butas na kanyang ginagawa.
Imposible nang bumalik siya sa dating niyang puwesto!
Hinihingal siyang nag-iisip ng paraan!
Mabubulilyaso ang plano niyang pagtakas!
"Anumang sandali mula ngayon ay ilalabas na natin ang bihag upang dalhin sa kakahuyan..." anang isa sa mga paparating.
"Silipin mo muna ang bihag..." anang isa pa.
**************************************
NANG MATAPOS ang ginagawang pagbibilang ng sampung minuto, pikit-matang dahan-dahan na ibinaon nina Rex, Allan, James at Althea ang matulis na bagay sa kanilang braso. Lumanghap muna sila ng hangin, saka hiniwa ang kanilang mga balat.
"Arrrrghhhh..." impit na ungol na lamang ang nagawa nila.
Subalit, imbes na isipin at intindihin ang sakit mula sa sugat, mas inalala nila ang susunod na gagawin. Tila natatabunan rin ng kanilang kaba ang sakit na nararamdaman.
Pinatulo nila ang kanilang dugo sa mga dahon upang hindi mapunta sa lupa. Sa ganitong paraan, madaling matatangay ng hangin ang amoy ng kanilang mga dugo.
Pagkatapos ng ilang patak, kaagad nilang inilabas mula sa bibig ang nginunguyang dahon ng bayabas at saka itinapal iyon sa sugat.
Nanginginig ngunit mabilis nila itong binendahan ng telang inihanda rin nila kanina pa.
**************************************
NAPAIGTAD SA PAGKAKAUPO ang pinuno ng mga halimaw sa amoy na dala ng hangin.
Gayun din ang mga halimaw na kanina pa'y nag-aabang ng hudyat mula rito.
"Pinuno... Naaamoy po ba ninyo?" tanong ng isa sa mga halimaw. Kitang-kita sa mukha nito ang pagkasabik sa amoy na nalalanghap.
Lahat ng mga kasamahan ng mga ito ay umuungol nang tila gutom na leon.
Umiikot-ikot ang mata ng pinuno habang nakatingin sa itaas at nilalanghap ang nakakahumaling na amoy ng dugo ng mga kabataan.
"Tila sugatan na ang mga ito. Hindi po kaya ito na ang hinihintay nating tamang oras para puntahan sila? Malamang ay nasa panganib sila ngayon." pahayag ng isa pa.
Napapikit ang pinuno dahil sa masarap na amoy na kanina pa kinahuhumalingan.
"Sandaling-sandali na lang..." tanging sagot ng pinuno.
BINABASA MO ANG
LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)
Misteri / ThrillerPag namatay daw ang tao... Mayroon siyang pitong araw na pananatili sa mundo. At kwarentang araw (40 days) ng paglalakbay ng kaluluwa sa isang mundong dapat mong malagpasan para makarating sa destinasyon mo. Kapag napagtagumpayan ang mga balakid...