CHAPTER 17

12 1 0
                                    


BAGO KUMAGAT ANG DILIM ay may dumating sa bahay ni Lola Tory. Dalawang lalaking nakasakay sa isang motorsiklo.

Ang isa sa mga lalaki ay matipuno ang katawan na halatang batak-na-batak sa trabaho. Nasa early 40s na ang edad nito pero hindi halata dahil sa araw-araw na paggawa na nagsisilbing exercise para rito.

Ang isa sa mga dumating ay binatilyo. Bukod pagiging tan ng kulay ng balat at maskulado ring katawan ay kapansin-pansin din ang maganda nitong mga matang mapupungay na binagayan ng mahahabang pilik-mata.

Sila ang mga binabanggit ni Lola Tory kanina.

Ang nakatatanda ay si Mang Aldo na pinsan ni Lola Tory. At ang isa nama'y ang anak nitong si Lando.

"Salamat at dumating kayo" ani Lola Tory habang bumababa ang mga lalaki mula sa motor.

"Oo naman 'Nang" ani Mang Aldo. 'Nang' ang tawag nito kay Lola Tory. Pinaikling 'manang' na ang ibig sabihin sa kanilang lugar ay 'ate'. "Nag-aalala din naman ako para sa pamangkin kong si Raphael" dugtong nito.

Alam na rin ni Mang Aldo ang nangyari kay Raphael at sa mga magkakaibigan. Ipinaliwanag na ito ni Lola Tory kaya ito napapayag na ipagmaneho sila ng sasakyan. Gayundin naman ang dahilan ng anak nitong si Lando kaya ito pumayag na samahan ang mga babaeng maiiwan sa bahay. Si Lando at si Raphael ay malapit sa isa't-isa kahit pa bihira lang sila magkita at magkasama noong sila'y bata pa.

"Siya nga pala, siya ang pinsan kong si Aldo at ang anak niyang si Lando" pagpapakilala ni Lola Tory sa dalawang bagong dating.

"Sila sina Cathy, Grace at Karen. Mga kaibigan at kaklase ni Raphael na taga Maynila" pakilala naman ng matanda sa kanila.

Nakipagkamay ang tatlong dalaga.

Ubod ang tamis ng ngiti ni Karen kay Lando. Napansin na naman kasi nito ang katawan ng huli. Gwapo rin kasi ito at type na type ni Karen ang kulay nitong moreno.

"Hi! Nice meeting you po. Salamat sa inyong tulong" ani Cathy.

Tumango-tango lang si Mang Aldo. "Maaari ko bang makita si Raphael?" maya-maya't tanong nito.

"Nasa kwarto sila" sagot ni Lola Tory bilang pagpayag.

At kumilos ang lahat para silipin ang mga labi ng magkakaibigan sa sikretong silid.

Pagkapasok ni Mang Aldo sa kwarto ay agad nitong nilapitan ang mga katawan ng mga magkakaibigan. Tila pinag-aaralan nitong tiningnan ang bawat isa.

"Kakaiba ang hitsura nila kumpara sa mga nakaraang biktima na nakita ko" ani Mang Aldo.

"Kapansin-pansin nga iyon" sagot naman ni Lola Tory. "Kaya nga, iniisip kong mas may pag-asa silang makabalik dahil sa ang mga katawan nila'y hindi naman tulad sa nasaksihan na natin" dugtong pa ng matanda.

Ilang sandali pang tila sinisiyasat ni Mang Aldo ang mga katawan bago ito nagsalitang muli. "Huwag tayong pakasisiguro, 'Nang. Masama ang kutob ko. Naisip ko lang: kung ganito ang hitsura ng mga katawan nila na hamak na mas maayos tingnan kesa sa mga nakaraang biktima, sigurado akong mas binabantayan sila ng mga bumiktima sa kanila at mas pinagbubuti ng mga ito na gumawa ng paraan para masigurong matutuluyan sila Raphael" seryosong pahayag ni Mang Aldo.

Pare-parehong nagkatinginan ang lahat sa narinig.

"Kailangan na nating kumilos sa lalong madaling panahon" saad muli ni Mang Aldo.

**************************************

DAHIL SA MGA NAGING PAHAYAG ni Mang Aldo ay kaagad silang naghanda.

LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon