CHAPTER 20

12 0 0
                                    

BUMALIK SINA Cathy, Mang Aldo at Lola Tory sa bahay na nauna nilang pinuntahan.

Pumwesto silang tatlo na nakaharap sa bahay.

"Ako po muna ang magsasalita, Mang Aldo at Lola Tory" paghingi ng pahintulot ni Cathy. Pakiramdam niya kasi ay alam na niya ang sasabihin upang mapapayag ang pakay nilang tao sa pakikipag-usap sa kanila.

Tumango-tango lang naman ang dalawang nakatatanda.

Nagsimula nang magsalita si Cathy. Nilakasan niya ang kaunti ang boses. Sapat para marinig ng sinumang mga nasa loob ng bahay.

"Magandang araw po ulit. Bumalik po kami para makiusap sa inyo. Alam po naming alam ninyo kung bakit po kami naparito. Hihingi po sana kami ng tulong para sa aming mga kaibigan. Lima pong kaibigan namin ang nanganganib sa kamay ng mga bumiktima sa kanila. Hindi naman po ninyo kailangang gumawa ng kahit na anong bagay para sa amin. Ang kailangan lamang po namin ay impormasyon tungkol sa mundo kung nasaan ang aming mga kaibigan sa ngayon at kung ano ang possible nilang pinagdadaanan. Magiging malaking tulong po sa amin ang anumang impormasyon na maaari ninyong maibahagi sa amin. Limang buhay po kasi ang nakataya at wala pong kamalay-malay ang pamilya at kaanak ng mga limang iyon tungkol sa nangyari sa kanila. Umaasa po kaming mauunawaan po ninyo kami" pahayag ni Cathy.

Naghintay sila ng magiging tugon mula sa loob.

Pero ilang sandali pa ang nakaraan ngunit wala pa ring sumasagot.

Bumuntong hininga si Lola Tory at Mand Aldo.

Nagulat na lang sila nang humihikbi si Cathy habang nakatungo ito. Saka nagtaas ng ulo at nagsalita ulit.

"Parang awa na po ninyo..." tumutulo na ang luha nito habang nagsasalita. "Hindi po kasi namin alam kung papaano sasabihin sa mga magulang ng mga kaibigan namin ang tungkol sa nangyari sa kanila sakaling hindi sila makabalik... Hindi na po namin alam ang gagawin habang hinihintay ang paglipas ng mga araw..." humahagulgol na pahayag nito.

Nagulat man sina Mang Aldo at Lola Tory sa biglaang pag-iyak ni Cathy ay tila nahawa na rin ang mga ito sa pag-iyak ng dalaga. Lalo pa't napaupo na ito habang humahagulgol na nakikiusap para sa mga kaibigan.

Lingid sa kaalaman nila ay naaapektuhan na rin ang babaeng nasa loob ng bahay. Nakasilip ito sa maliit na butas sa mismong tapat kung nasaan sila. Nararamdaman nito ang pag-aaalala ng dalagang umiiyak at nakikiusap. Ganun din ang naramdaman ng babae noon nang makita ang kalagayan ng kapatid na si Mang Pedring na nabiktima rin sa San Patricio. Tila impiyerno ang pinagdaanan ng kalooban ng bababe habang naghihintay ng itinakdang oras at araw.

Nang mga sandaling iyon din ay nakikita ng babae ang kapatid na si Mang Pedring na pinapanuod siyang nakasilip sa mga tao sa labas. Malamlam ang mata nitong nakatingin sa kanya. Nang salubungin niya ang tingin ng kapatid ay tila may nais itong sabihin. Tila nakikisimpatiya sa mga tao sa labas.

Habang nagkakatinginan ang magkapatid sa loob ay muling nagsalita ang dalaga sa labas.

"Minsan pa po ay nakikiusap po kami na sana ay makausap man lang namin kayo. Bukod po sa amin, naghihintay din po at umaasa sa mabuting balita na dadalhin namin pauwi ang isang ginang na namatayan din ng asawa" umpisan muli ni Cathy. "Mang Pedring, kung kilala po ninyo si Mang Arturo na taga San Patricio, isa siya sa kasalukuyang biktima ng mga halimaw. Nakikiusap din po ang kanyang asawa na sana'y matulungan po ninyo sila" dugtong pa ni Cathy.

Ito ang naisip niyang sabihin kanina pa. Nagbakasali siyang kilala ni Mang Pedring si Mang Arturo. Naisip niya, hindi malayong mangyari iyon dahil halos iisa lang naman ang ikinabubuhay ng mga tao sa San Patricio. Malamang ay nagkasama na ang dalawa sa pagsasaka o pangongopra na siyang mga pangunahing hanapbuhay sa barrio. Naisip din niya, halos mga kalalakihan lamang ang mahilig na magsama-sama sa gabi at nag-iinuman upang magtanggal ng pagod sa maghapong paggawa. Napakalaki ng posibilidad na magkakilala at nagkakasama sina Mang Pedring at Mang Patricio noon.

LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon