Ilang sandali bago kumilos ang grupo ng mga halimaw upang isagawa ang kanilang napagplanuhan may isa sa kanila ang nagtanong sa kanilang pinuno.
"Pinuno..." tawag pansin ng halimaw sa pinunong tila ba nag-iisip ng malalim at habang naghihintay ng oras.
"Magsalita ka." sagot ng pinuno.
"Bakit kailangan nating dalhin ang bihag mismo sa kakahuyan? Maaari namang magpanggap ang isa sa atin. Kokopyahin natin ang anyo at tinig ng bihag at ang impostor na gumaya ang ating gagawing pain sa mga kaibigan nito upang lumapit ang mga ito" turan ng halimaw.
Tila napaigtad ang pinuno sa narinig.
"May punto ka." anang pinuno at saka nag-isip. "Bakit nga ba hindi ko naisip yan? Nabuhos ang panahon ko sa pag-iisip tungkol sa Tandang Arturo na yan!" dugtong pa nito.
Sumabad ang isa pang halimaw.
"Mawalang galang na po pinuno..." agaw-pansin ng sumabad na halimaw. "Sa nangyari sa kweba na kung saan isa sa ating kasamahan ang nagbalat-kayong kaibigang babae ng mga kabataang iyon at kalauna'y nabuko, marahil ay alam na ng mga ito na maaari tayong manggaya ng anyo ng ibang nilalang o ng tao. Ang ipinag-aalala ko ay baka napaghandaan na nila ang ganitong mga posibilidad. Baka sa halip na mapaganda ang plano ay lalong mabulilyaso" pahayag ng isa pang halimaw.
"Kung magkakaroon ng impostor na bihag na siya nating gagamiting pain sa kakahuyan, masisiguradong maiiwan sa atin ang tunay na bihag. Siguradong mayroon tayong maiaalay sa ating panginoon" sagot ng naunang halimaw.
Muling nag-isip ang pinuno.
Subalit muling sumabad ang isa pa. "Matatalinong mga bata ang ating biktima ngayon. Marahil ay naisaalang-alang na nila ang tungkol sa posibilidad na paggamit natin ng kakayahang kumopya ng anyo. Baka kung impostor ang ating dalhin sa kakahuyan ay kumpirmahin nila ito sa pamamagitan ng pagtatanong mismo sa ihaharap nating bihag" pahayag nito.
Tumango-tango ang pinuno bilang pag-sang ayon.
Sumagot naman ang naunang halimaw. "Ang sa akin lang, sa tagal na nawala ang mga biktima natin, marahil ay nakapag-isip na rin sila ng plano kung paano lalaban o tatakas mula sa atin kapag nilusob natin sila o kapag nagka-engkwentruhan. Kung gagamit tayo ng impostor upang iharap, anu't-ano man ang mangyari, mayroon tayong hawak na bihag. Kahit papaano ay mayroong isang magiging alay para sa panginoon. Ang ipinag-aalala ko lamang, kapag nakatakas sa atin ang mga kabataan kasama ang Tandang Arturo, at makabalik sa kani-kanilang mga katawan, ay maisiwalat ang sikreto natin at ng mga alaga natin sa buong nayon, at hindi na tayo makapambiktima pa sa susunod" anang naunang halimaw.
"Hindi ba't alam ng mga taong nakakatakas na hindi nila pwedeng ipagkalat sa iba ang ating sikreto? Alam nila ang kapalit kung sila'y magsasalita?" tugon ng pinunong halimaw.
Nagka-tinginan lamang ang dalawang nakakababang halimaw. Tila may bahid ng alinlangan sa mukha ng mga ito.
"Bakit ganyan ang hitsura ninyo?" tanong ng pinunong halimaw nang mapansing tila hindi makatingin sa kanya ang dalawa.
Hindi pa rin nagsasalita ang dalawa. Kaya't sumigaw ang pinuno sa galit: "Magsalita kayo!!!" anito na nagsalabasan ang pangil at mga ugat sa katawan!
"W-wala p-po... Wala po pinuno... Natatakot lamang po kami habang iniisip ang mga maaaring mangyari kapag nalaman na ng mga tao an gating sikreto..." nakayuko at nanginginig na sagot ng isa sa mga halimaw.
Naisip ng nakakababang halimaw na hindi nila maaaring sabihin sa pinuno ang tungkol sa pagka-diskobre ng grupo nina Lola Tory sa sikreto nila. Dahil baka sila ang pagbalingan ng galit nito sa oras na marinig ang balita at mapatay sila.

BINABASA MO ANG
LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)
Mystery / ThrillerPag namatay daw ang tao... Mayroon siyang pitong araw na pananatili sa mundo. At kwarentang araw (40 days) ng paglalakbay ng kaluluwa sa isang mundong dapat mong malagpasan para makarating sa destinasyon mo. Kapag napagtagumpayan ang mga balakid...