KANINA BAGO MAGDILIM...
Maingat na inilatag nina James, Allan Rex, Althea at Mang Arturo ang mga kagamitan at mga patibong. Pinag-aralang mabuti ang lahat ng posibleng mangyari. Nagtulong-tulong ang mga kabataan sa pagkalkula ng mga anggulo (kung kailan at saan dapat paganahin o pakawalan ang mga patibong). Naghanda din sila ng extrang patibong kung sakaling magkaproblema ang mga pangunahing plano. Sinuyod nila ang lugar upang maghanap ng mapagtataguan kung sakaling wala na silang mapagpipilian kundi magkubli sa kalaban.
Magdidilim na nang matapos ang kanilang paggawa.
Minabuti nilang magpahinga at ihanda ang sarili sa magiging labanan mamaya.
**************************************
SAMANTALA...
Sa kubo ni Lola Tory, kabado pa rin sina Grace, Karen at Lando. Walang umiimik sa kanilang tatlo.
Si Grace ay matamang nakikinig at alertong pinagmamasdan ang paligid. Si Karen ay minabuting pumikit at magdasal na sana'y dumating na sina Lola Tory. Si Lando nama'y ipinako ang paningin sa pintuan ng silid kung nasaan ang mga katawan ng pinsan at mga kaibigan nito.
Maya-maya'y biglang nagsalita si Lando.
"Guys... May naaamoy ba kayo?" tanong ni Lando sa dalawa.
Napaigtad ang dalawang babae.
"Takpan niyo ang mga ilong niyo" maagap na sagot ni Grace.
Sumunod naman ang dalawa.
Saka sila nagdikit-dikit sa upuan.
"Naririto na sila" ani Grace.
"Huh!?! Nasaan?!!" takot na bulalas ni Karen.
"Normal lang na kung kailan kakaunti ang nagbabantay, saka lulusob ang kalaban" sagot muli ni Grace.
"Kailan sila lulusob? Saan sila manggagaling? Tsaka sinong sila?" nanginginig na tanong muli ni Karen.
"Sa labanan, naghahanap muna ng magandang puwesto at pagkakataon ang mananalakay bago ang paglusob. Ihanda niyo ang sarili niyo. Kumuha kayo ng magiging sandata ninyo" ani Grace.
"OK na ba to?" tanong ni Lando saka ipinakita ang ilang mga klase ng bolo at itak na natagpuan sa taguan ni Lola Tory ng gamit. "Nakita ko ang mga ito kasama at kagamitan ni Lola Toryang sa pagtatanim" dugtong nito.
Kaagad naman kinuha nina Grace at Karen ang ilan sa mga ito.
"Magmatiyag at makiramdam kayong mabuti..." mahinang pahayag ni Grace. Lalo pang nakadagdag ang mahinang boses nito sa kabang nararamdaman naman ng dalawa.
Ilang sandaling katahimikan...
Tila maski ang paglanghap at pagbuga nila ng hangin ay naririnig na nilang tatlo dahil sa sobrang katahimikan.
Nang biglang magsalita si Lando.
"May naririnig ako..." ani Lando.
"Ano???" takot na tanong ni Karen.
"Pamilyar sa akin ang tunog na iyon... Nakakaramdam din ako ng mga mahinahong paggalaw... Dahan-dahang pagkilos... Papalapit..." si Lando ulit.
"Uyy wag ka namang ganyan... Wag kang manakot..." papaiyak nang sabi ni Karen.
"Hindi ako nananakot. Totoo ang sinasabi ko... Marami sila... Palakas nang palakas ang kanilang tunog..." nanginginig ang boses na turan ni Lando.
"Humanda kayo. Lulusubin na nila tayo anumang sandali..." seryosong saad naman ni Grace.
BINABASA MO ANG
LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)
Mister / ThrillerPag namatay daw ang tao... Mayroon siyang pitong araw na pananatili sa mundo. At kwarentang araw (40 days) ng paglalakbay ng kaluluwa sa isang mundong dapat mong malagpasan para makarating sa destinasyon mo. Kapag napagtagumpayan ang mga balakid...