HABANG NAG-AALMUSAL ay panay ang sulyap nina Cathy, Grace at Karen sa pintuan ng kwarto kung nasaan ang labi ng kanilang mga kaibigan. Marahil ay natatakot ang mga ito na may mangyari sa loob na hindi nila inaasahan.
Napansin iyon ng matanda kaya nagsalita ito: “Wag kayong masiyadong mag-alala at matakot. Ligtas ang mga katawan ng inyong mga kaibigan hangga’t nasa loob sila ng silid at hangga’t walang nakakaalam tungkol sa nangyari sa kanila. Kung may sasalakay man ay maririnig natin iyon dahil kailangan muna nilang gibain ang kwarto bago magalaw ang inyong kaibigan” anang matanda habang humihigop ng kape.
Maya-maya’y naisipang magtanong ni Grace kay Lola Tory.
“Lola Tory, sa mga namatay na rito sa barrio, ilan na po sa kanila nabuhay ulit?” ani Grace. Curious ito sa kung gaano kalaki ang tsansa na maibalik ang kanilang mga kaibigan. Kanina pa kasi niya ito iniisip.
“Sa aking naaalala at nabalitaan, mayroon nang anim ang nabuhay ulit dito sa purok na ito. Hindi ko lamang alam kung ilan na lahat ang nabuhay kung sa buong barrio natin bibilangin” ani Lola Tory.
Si Karen na nakakunot ng noo ay nagtanong na rin.
“Ang pangyayaring tulad nito ay malaking scope, Lola. I mean, malaking balita ito kapag nagkataon. Papaanong hindi nakakalabas ang tungkol dito?” nagtatakang tanong ni Karen.
“Lahat ng nabubuhay muli ay hindi naaalala ang tungkol sa mundong pinanggalingan nila. Wala silang maalala tungkol sa kung anong nangyari sa o kahit na anong bagay ukol dito. Iisa ang kanilang sinasabi pagkagising. Pagod na pagod diumano sila. Yun lang. Wala nang ibang nababanggit ang mga ito. Ngayon, paano maikukwento o ibabahagi sa mga taga labas ng barrio ang tungkol sa kwentong ito? Kung maski ang mga naging pangunahing tauhan sa kwento ay hindi maalala ang tungkol sa nangyari sa kanila? Baka pagtawanan lamang kami kung ilalabas namin ito” sagot ni Lola Tory.
Nag-isip saglit si Karen, saka ito nagtanong ulit.
“No. Lola, pwede namang bantayan ng media ang mula sa unang araw na namatay ang bangkay hanggang sa ikapitong araw o ikaapatnapu, kung mabubuhay ba sila ulit. Yung scope na mabubuhay sila ulit after 7 o 40 days na pagiging bangkay ay malaking balita na” ani Karen.
Natawa lamang ang matanda.
“Ikaw ba? Payag ka bang putaktihin ng media ang mga katawan ng mga kaibigan mo kapag nalaman nila ang tungkol sa kababalaghan na ito? Paano kung magpumilit ang mga taong maalam sa agham at siyensiya na nasa ilalim ng sangay ng gobyerno na pag-aralan ang katawan nila? Papayag ka ba?” tugon ng matanda.
Natameme na lamang si Karen sa narinig.
“Isa pa, lahat kaming taga rito sa barrio ay sumumpang hindi ipagsasabi ang tungkol sa milagrong ito sa kung kani-kanino lalo na sa mga taga-labas. Sumumpa kami upang proteksiyunan ang mga kaibigan o mahal sa buhay sakaling sila naman ang nadamay sa ganitong pangyayari” pagpapatuloy ni Lola.
Tatango-tango na lamang sina Grace at Cathy sa narinig. Ngayon alam na nila kung bakit tikom ang bibig ng mga tao sa nangyayaring ito sa barrio.
Nagsalita muli ang matanda: “Kung hindi niyo rin napapansin, lahat ng bahay sa barriong ito ay may ekstrang silid. Isang kwarto kung saan maaaring itago ang mga bangkay habang naghihintay ng mga araw. Ang kwartong una ninyong tinutulugan ay ang idinisenyong silid sa bahay na ito para sa ganitong pangyayari. Hindi niyo ba napansin na walang bintana ang kwarto? Wala rin kahit na anong siwang sa mga dingding at sahig nito upang hindi masilip ng kahit na sino o mapasok ng kahit na anong hayop. Kaya nga sabi ko kanina’y wag kayong mag-alala dahil hindi basta-basta mapapasok ang silid. Maliban na lang kung gigibain mo ito” dugtong ni Lola Tory.
BINABASA MO ANG
LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)
Mystery / ThrillerPag namatay daw ang tao... Mayroon siyang pitong araw na pananatili sa mundo. At kwarentang araw (40 days) ng paglalakbay ng kaluluwa sa isang mundong dapat mong malagpasan para makarating sa destinasyon mo. Kapag napagtagumpayan ang mga balakid...