48. So Much For My Happy Ending

27K 1K 124
                                    

Minsan iniisip ko, sa meet-develop-happy-ending formula ba, gaano ka-cliché ang puwedeng mangyari kapag nagkakilala ang dalawang tao?

Kikilalanin nila ang isa't isa? Malalaman nila ang mga bagay-bagay na meron sa mga buhay nila? Pagkatapos, made-develop? Pagkatapos, magiging sila? Pagkatapos . . . ano na?

Hindi ko alam kung paano napu-pull off ni Gregory Troye ang mga romance novel niya. Hindi kasi ako romance writer. Hindi ako magaling magsulat gaya ng inasahan niya sa akin. 

Nakonsiyensiya ako sa ginawa kong pag-reject sa kanya roon sa bahay niya. At ang pinakamasakit na view sa lahat—'yong nakikita kong puno ang hall para sa book signing niya pero sinabi ng management na hindi makakapunta si Gregory Troye dahil may medical emergency siya.

Book fair na. Siguro, sa part ko, hindi ako masyadong committed sa ganitong event kasi tamad akong um-attend kahit sobrang tagal ko na sa business. Kinukulit na ako ni Boss Ayen sa kontrata kasi patapos na ang freelance contract ko. Nasa akin lang ang bagong kontrata para ma-regular, kaya nga limitado lang ang trabaho ko hanggang ngayon. Pero nandito pa rin ako, nag-aabang. Na baka lang . . . baka pumunta si Gregory Troye. Baka pinili niya pa rin kami kahit na sinabi kong huwag niya kaming piliin—na baka piliin niya ako, gaya ng kung paano ko pinili si Justin noon kahit na alam kong walang pinatunguhan ang pagpili ko.

Nanonood lang ako mula sa dulo ng hall, inaabangan kung magpapakita ba si GT sa madla. Pero nagbago ang lahat after ng announcement. It might sound ridiculous pero dala ko ang The Anthem of Sorrow na kopya ko. Gusto ko sanang papirmahan.

Sa itinagal-tagal naming magkasama, ngayon ko lang naisipang papirmahan sa kanya.

Nadismaya ang maraming buyer ng book. Akala nila, makikita nila si GT sa personal. Nag-offer naman ng freebie ang management ng Grey Feather dahil sa abala. Puwede pa rin daw nilang ipa-sign ang book sa next exclusive book signing ni Gregory Troye. Mag-abang na lang daw ng announcement.

Nakarinig din ako ng ilang bulungan na "clickbait" daw ang poster ni Gregory Troye dahil mukhang na-scam sila ng GFP. Hindi naman sila lugi sa book. Makita man nila o hindi si GT sa personal, his book will speak for itself for its quality.

Bumili sila ng libro dahil maganda mismo ang libro, hindi dahil guwapo o maganda ang author.

"That's another year for him," sabi ni Boss Ayen, umiiling, halatang dismayado sa nangyari. "Wala na tayong magagawa. Desisyon niya 'yan."

Masakit lang na parang kinakargo ko rin sa loob ko ang naging desisyon ni GT na huwag piliin ang book signing. Para na rin kasi niyang sinabi na huwag niya kaming piliin.

O baka ako ang nagsabi n'on sa kanya.

Kahit na sinabi kong huwag niyang piliin ang book signing, umasa pa rin akong itutuloy niya kasi alam kong makulit siya. Lalong humigpit ang kapit ko sa librong dala ko kasi lumipas ang buong maghapon na walang Gregory Troye na dumating.

Natapos ang book fair at hindi ako naging masaya.

Paulit-ulit na umiikot sa utak ko si GT. Mas malala pa sa naranasan ko kay Justin.

Kay Justin, nagdasal lang akong mawala ang sakit. At kahit paano, nawala naman. Pero sa kanya, hindi ko alam kung paano ko ipagdarasal na sana hindi na ako makonsiyensiya.

Siguro kasi kay Justin, matagal ko nang inasahan. Halos dalawang taon din akong kinutuban. Yung kay GT, iba lang talaga. Sariwa pa ang sakit.

Nakita ko ang sarili ko sa kanya.

Narinig ko ang sarili ko, gaya ng kung paano ko sinabi ang lahat ng hinanaing ko kay Justin.

At hindi naman sa ayokong piliin ako ni GT. Hindi lang talaga ako worth it para ipagpalit niya ang kapakanan niya para lang sa amin—o para lang sa akin. Ni hindi ko nga rin alam kung bakit niya ako kailangang piliin. Hindi naman kasi kami.

The F- BuddiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon