MAGDIDILIM NA nang mai-park ni Arwin ang kanyang Montero sa harap ng kanyang bahay. Before lunch pa siya umalis sa kanyang condo unit sa Maynila para sana maaga siyang makarating sa Zambales, pero dahil sa heavy traffic, ngayon lang siya nakarating sa destinasyon.
Noong isang linggo pa dapat siya nakauwi Zambales. Malas niya nga lang dahil ipinagpilitan pa ng mommy niya na makipag-date siya sa unica hija ng business partner nito. Naantala tuloy ang kanyang mga schedules. Si Mrs. Narvedez ang nag-set ng lahat kaya hindi niya magawang umurong.
Kung minsan ay hindi niya maiwasang mag-isip ng negatibo tungkol sa ina. Araw-araw kasi siya nitong kinukulit na mag-asawa na. Halos ibugaw na rin siya nito sa mga babaing nais nitong maging girlfriend niya. Kunsabagay ay hindi niya rin ito masisisi. Siguro ay nalulungkot na ito kaya gusto nang magkamanugang at magkaapo. Sumakabilang-buhay na kasi ang daddy niya at siya naman ay nakabukod na. Marahil ay gusto na nitong magkaroon ng kasama o 'di kaya'y mga katuwang sa negosyo nila. Her mom was always alone. Bumukod na kasi sa mansyon ang mga kapatid niya at puro mga kasambahay na lang ang madalas nitong nakakasama.
Pero hindi pa rin iyon tama. Kung siya ang tatanungin ay wala pa siya ni katiting na balak na lumagay sa tahimik. Twenty-seven years old pa lang siya. Mayroon pa siyang tatlong taon para mag-enjoy sa pagiging isang bachelor. Naniniwala siya sa destiny kaya hindi siya natatakot na maubusan ng babae.
Naitatanong niya na rin minsan sa sarili kung bakit mas nauuna pa siyang pinaghahanap ng asawa ng kanyang ina gayong siya naman ang bunso at may dalawa pang mas nakatatanda sa kanya. Pulos mga binata pa rin ang mga ito at wala pang naihaharap na babae sa pamilya nila.
Nariyan naman ang Kuya Kevin niya na gitna sa kanilang tatlo. Isa itong tanyag na sculptor na hinahangaan ng karamihan. Beinte nueve na ito pero wala pa siyang nababalitaan na may nai-date na ito o kung may plano man lang ba itong magka-girlfriend. Kasalukuyan itong nakatira ngayon sa Valenzuela City at abalang-abala sa kaliwa't kanan nitong exhibits and appearances.
Binata pa rin naman ang panganay sa kanilang magkakapatid na si Juancho na busy naman sa pagiging fulltime businessman. Ito ang namamahala ng branch ng ClouRey Cosmetics sa France kung saan ito naka-base ngayon.
Si Mrs. Cloudette Narvedez ang CEO at President ng ClouRey Corporation na siyang pinakamalaking cosmetic company sa bansa. Kilalang-kilala ang mga produkto nito na pang-world class kaya naman dumami kaagad ang mga investprs nito at nakaabot na kung saan-saang mauunlad na bansa sa Asya.
Marami pa siyang gustong gawin, malaman, puntahan, at isulat. Sayang ang pagiging writer niya kung araw-araw siyang magbabantay sa kanyang magiging anak, or worse, maging full-time house husband pa siya.
Halos limang taon na ring siyang writer. Ang pen name niyang Raven Neil ay laging may karugtong na mga salitang 'best selling author' dahil sa extraordinary skills niya sa pagsusulat. Nakuha niya ang 'Raven' mula sa initials ng full name niya na Russell Arwin Vincent E. Narvedez. 'Yung 'Neil' naman ay napulot niya lang sa kung saan. Sa pagkakatanda niya ay narinig niya lamang iyon na binaggit ng isa sa mga kawaksi nila sa mansiyon. Pinag-combine niya iyon and, voila! May instant pen name na siya.
Gusto niyang maging pribado ang buhay niya, gaya ng sa iba. Kahit pa writer siya ay wala siyang kahilig-hilig sa publicity. Isa lamang iyong gulo para sa kanya. Kaya siya nagsusulat ay para maging inspirasyon sa iba, hindi para ipamukha sa iba kung sino siya.
Kilala ang pen name niya sa pagsulat ng mga informal literatures na sumasalamin sa paghihirap ng mga Pilipino, bulok na sistema ng show business, kurakot na gobyerno, pagkabigo sa pangarap, problema sa pamilya, nakakatakot na pangyayari sa mga liblib na lugar at kung anu-ano pa.
Isang kategorya lang naman ang hindi niya pinangahasang pasukin—ang romance. Kahit napakarami nang requests ang dumarating sa kanya na sana ay makapagsulat siya ng isang love story ay hindi niya magawa. Mangmang siya pagdating sa ganoong mga sitwasyon dahil kahit minsan ay hindi pa siya na-inlove.
Pinag-iisipan niya na ring sumulat ng isang romance story. Kaya lang ay parang ayaw nito sa kanya kaya wala siyang maapuhap na concept para dito. Kahit isang sentence nga yata ay hindi siya makakabuo.
Umibis na siya ng kanyang sasakyan. Hindi niya maiwasang mapangiti nang mapagmasdan ang bahay niya. Maliit lamang iyon at simpleng-simple lang na kung ikokompara sa mga properties ng Mommy niya ay magmumukha lang bahay ng mga maid.
Pero kahit iisang bahay pa lamang at isang sasakyan na hinuhulugan niya pa hanggang ngayon ang naipundar niya ay proud siya dahil galing iyon sa sarili niyang pagsisikap. Hindi niya halos ginagalaw ang perang ibinibigay sa kanya ng Mommy niya at kung minsan ay isinasauli niya pa. Gusto niyang patunayan sa sarili niya at sa kanyang ina na magbubunga ang pagkuha niya sa kursong Journalism, lalo pa't hindi ito ang gustong kurso ng mga magulang niya para sa kanya.
Kinuha niya ang travel bag niya sa loob ng sasakyan at ipinasok sa bahay. Napansin niya kasing tahimik na sa labas. Siguro ay dahil na rin isa iyong subdivision kaya tahimik ang mga tao.
"Sa wakas! I'm free!" sigaw niya nang makarating sa sariling kwarto. Alam niyang magiging masaya ang mga susunod na araw niya sa sariling bahay dahil wala ang kanyang mahal na ina para makialam sa lahat ng magiging desisyon niya.
Binili niya ang bahay na iyon sa isang kaibigan na nag-migrate na sa ibang bansa. Wala naman talaga siyang balak na magkaroon ng bahay sa ganu'n kalayong lugar. Pero naisip niya na rin na matatakasan niya ang Mommy niya oras na doon siya tumira.
The Bedroom was wide enough for two persons. Pinsadya niya iyon kahit hindi niya alam kung sino ang itatabi niya sakaling gusto niyang may makasama sa pagtulog. Puti ang bed sheet maging ang mga unan at comforter. Gustung-gusto niya iyon dahil nagmumukhang maaliwalas ang paligid kung titingnan. Kakaunti lang ang decorations sa silid dahil ayaw niya ng maraming kaek-ekan sa paningin niya. Isa pa, sino naman ang mag-aabalang busisiin pa ang mga laman ng kwarto niya? Ni wala nga siyang kakilala sa lugar na iyon. Imposibleng magkaroon siya ng bisita. At kung magkakaroon man, hindi niya na ito paaakyatin pa sa kanyang silid. Okay nang nasa sala ito.
Padapa siyang sumalampak sa kama. Masyado siyang napagod sa biyahe kaya hindi niya na nagawa pang tumayo. Mabilis siyang hinila ng antok.
BINABASA MO ANG
Once-in-a-lifetime Moment With You (Published under PHR)
RomanceArwin was a writer. Nadine was a band vocalist. Magkaibang-magkaiba ang mga mundong ginagalawan nila kaya daig pa nila ang mga asteroid na nagbanggaan nang minsang magtagpo ang kanilang mga landas. Nadine thought Arwin was better enough to be the ki...