"BAKIT BA GANYAN kayo kung makatitig sa'kin?" naiilang ngunit natatawang tanong ni Nadine sa mga kabanda niya na pulos nakatulala sa kanya nang mga sandaling iyon. Gabi na at kasalukuyan silang nagmi-meeting tungkol sa mga posibleng plano nila. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa sila nakakatugtog. Hindi pa kasi nabalik si Steed sa Crimson Skulls.
Kaya lang, imbes na matino at seryosong usapan ang mamagitan sa kanila ng mga kabanda, nauwi sa pagtitig sa kanya ang lahat. Akala mo ay ngayon lang nakakita ng tao ang mga ito sa loob ng mahabang panahon.
"May sakit ka ba, Nadz?" parang tangang tanong ni Crate.
"Oo nga," segunda ni Drew. "Gusto mo na bang magpa-check up? Sasagutin ko na. Masiguro ko lang na okay ka."
"Puwede ring magpatingin ka sa albularyo," singit ni Harvey. "Libre na do'n sa kakilala ko." Kung nang-aasar ba ang mga ito o kung talagang concerned ay hindi niya maintindihan.
"Para kayong mga tanga!" singhal niya bago hinampas ng throw pillow ang mga kabanda. Si Heidi naman ay hindi magkamayaw sa kakatawa nang kutusan niya isa-isa ang mga mokong.
May mali ba sa kanya? Wala siyang matandaang kagagahan na ginawa sa sarili. Hindi naman niya na inulit pa ang mga kalokohan niya noon tulad ng paglalagay ng pulang contact lense. Hindi niya naman pinag-trip-ang sunugin ulit ang kilay niya kagaya ng ginawa niya last year. Hindi naman na ulit siya nagpagupit ng tulad ng gupit ni Dara Park ng 2ne1 kung saan inahit ang left part ng buhok niya.
"Baka kasi sinasapian ka na, eh," hirit pa rin ni Harvey matapos niyang bugbugin gamit ang mga throw pillows na nahablot niya.
"Ano bang ineeksena niyo? Wala naman akong sakit ah! Wala na naman kayong mapag-trip-an. Imbes na pinuprublema natin 'yung status ng banda, ako na naman ang pinagdidiskitahan niyo," iritado niyang anas sa mga makukulit na kabanda.
"Eh kasi naman," singit ni Heidi. "Look at yourself, hija. Blooming na blooming ka ngayon. At kung dati, pang-manang lagi ang porma mo. Ngayon tingnan mo naman. Kulang na lang ay mabigyan ka ng award na 'Fashion queen' sa ayos mo."
Napayuko siya at napatingin sa sarili. Oo nga. Masyado nang malayo ang porma niya ngayon sa dati niyang style. Punk princess siya noon kung manamit. Ngayon, para na siyang sopistikadang socialite. Mas bumata rin siyang tingnan kesa sa tunay niyang edad.
"Grabe naman kayo," aniya matapos suriin ang sarili. "Masama bang mag-ayos?"
"Hindi naman," sagot ni Crate. "Nakakapanibago lang. Ganyan na ba talaga 'pag may guwapong manliligaw? O baka naman kayo na pero hindi mo lang sinasabi."
Nanlaki ang mga mata niya. Paano nalaman ng mga ito na may nanliligaw sa kanya? Ni hindi nga siya nag-o-open up ng ganoong usapin sa mga ito dahil alam niyang siya na naman ang magiging 'center of distraction' ng Crimson Skulls.
Marahas siyang napatingin sa best friend na noo'y tatawa-tawa lang. Alam niya na kung sino ang salarin. Kung hindi ba naman niya talaga masabunutan si Heidi dahil sa kadaldalan nito!
"I'm sorry," anito na nakangiting-aso at nag-peace sign pa. "Hindi ako makakapaglihim sa kanila, girl. Alam mo naman 'yan."
Umiling na lang siya. Kahit kailan talaga. "Ano pa bang magagawa 'ko? Oh, siya. Mag-meeting na tayo. Marami pa tayong problema kaya 'wag 'yang mga love-love na 'yan ang asikasuhin ninyo."
"Uuuuyyy!" sabay-sabay na tudyo nina Crate, Drew, Harvey at Heidi bago nagkanya-kanya sa pagtakbo sa takot na mabugbog niya.
Wala siyang tigil sa kakahabol sa mga ito hanggang sa marinig nila ang doorbell kasunod ang tatlong katok sa pinto. Alam na niya kung sino iyon. Agad nyang binitawan ang mga throw pillow na hawak at patakbong lumapit sa pinto. Inayos niya muna sandali ang sarili bago pinagbuksan ang bisita.
BINABASA MO ANG
Once-in-a-lifetime Moment With You (Published under PHR)
RomanceArwin was a writer. Nadine was a band vocalist. Magkaibang-magkaiba ang mga mundong ginagalawan nila kaya daig pa nila ang mga asteroid na nagbanggaan nang minsang magtagpo ang kanilang mga landas. Nadine thought Arwin was better enough to be the ki...