CHAPTER 1.2

1K 24 0
                                    

"NADINE!"

Napangiti si Nadine nang matanaw ang paparating na si Heidi. Kanina niya pa ito hinihintay sa tapat ng kanilang gate. Nag-text kasi ang kaibigan na pupunta ngayong gabi para maki-jamming sa kanila.

"'Tagal mo ah," nakangiti niya pa ring sabi saka pinapasok ang best friend sa loob ng bakuran. "Nand'yan na sina Drew, Harvey, Steed, pati si Crate. Kanina pa."

Napakamot sa ito sa ulo. "Pasensiya naman! Ang bagal kasi kumain ni Gilbert eh," anito na ang tinutukoy ay ang asawa nito. Kasing tanda niya lang si Heidi pero masaya na ito sa piling ng napangasawa nito.

Samantalang ako, nganga pa rin. Ni walang boyfriend.

Dumirecho na sila sa loob ng kabahayan. Gaya ng sinabi niya, naroon na nga ang mga kabanda niya at abala sa pagpa-practice ng kani-kanilang instruments. Monday night iyon at wala silang guesting sa anumang bar kaya napagpasyahan na nilang mag-jamming.

Isa silang ammature band na nagpe-perform sa mga bar sa Laguna. Wala silang permanenteng schedule at walang permanenteng ruta. Kung saan sila ipatawag ay doon sila tumutugtog. Siya ang tumatayong lead vocalist ng Crimson Skulls. Sina Drew at Harvey ang kanilang guitarists; si Steed ang base guitarist; at si Crate naman ang drummer.

Dati nilang kabanda si Heidi na tumatayong second voice pero nang mag-asawa ito ay hindi na ito bumalik pa sa pagkanta. Kahit ayaw niya ay hinayaan niya na rin ang kaibigan. Ano ba ang magagawa niya kung inlove na inlove na ang best friend niya?

May kalaliman na rin ang pinagsamahan nila kaya masakit para sa kanya nang malamang kailangan na nitong umalis sa banda. Si Heidi ang nagsisilbing absorber niya kapag hindi niya talaga kaya ang sama ng loob na dinadala. Kasama niya rin ito sa pangongontrata sa mga bar at sa paggagala para maghanap ng puwede pang pagkakitaan.

"'Tagal mo naman, Dude!" sita ni Crate kay Heidi. Ang drummer nila ang siyang pinakabata sa kanilang grupo. Ito ang pinakaunang dumating at nakailang kain na ng kaning lamig sa kanilang kusina. "Nagutom na kami kakahintay sa 'yo."

"Ikaw lang, uy!" mabilis na kontra ni Steed. "Kanina ka pa nga nakain eh. Pati 'yung kanin ng aso nina Nadine, pinatos mo na!"

"Wala silang aso 'no," sagot pa ulit ni Crate.

"'Bagal ni Heidi eh. Busy kasi sa husband niya," pang-aasar niya na diniinan pa nang husto ang pagkakabigkas sa huling dalawang salita.

"Baliw ka talaga," komento lang ni Heidi bago kinuha ang microphone na nakapatong sa tabi ng inuupuan ni Harvey.

"Game na ba?" tanong niya bago lumapit sa tabi ni Drew. Inipit niya ang kanyang lamapas-balikat na buhok sa likod ng kanyang tenga.

Ihinampas na ni Crate ang durmsticks sa drums. Nagsimula nang umingay sa buong kabahayan. Walang problema si Nadine dahil wala naman siyang kasama sa kanilang bahay. Tatlong taon na siyang mag-isa at tanging music lang ang bumubuhay sa lugar na kinasasadlakan niya. It was her life.

Bata palang siya nang mamatay ang kanyang ama at kaisa-isang kapatid sa pagsabog sa isang park sa Maynila. Kasalukuyang namamasyal ang mga ito nang sumabog ang bombang itinanim ng mga walang pusong terorista na walang ibang alam kundi ang sumira sa buhay ng mga inosente.

Marami namang paraan para makapag-protesta ang mga ito sa maayos na paraan. Kasalanan rin naman ng mga Pilipino. Sila ang naghalal sa mga pulpol na opisyal. Sila ang pumili ng kanilang pinuno na walang ibang alam kundi ang mangamkam ng kaban ng bayan. At ang masama pa, kapag nakaupo na sa puwesto ang mga ito ay nakakalimutan na nila ang obligasyon sa mga Pilipino.

Kung kaya niya na sigurong mag-protesta nang mga panahong iyon ay talagang ginawa na niya. Hanggang ngayon ay gigil na gigil pa rin siya sa dating pangulo ng Pilipinas nang panahong mamatay ang mga mahal niya sa buhay. Alam niyang hindi sapat na bayaran lang ang buhay ng pamilya niya. Ang kailangan nila ay hustisya. Hustisya na hindi man lang naibigay ng awtoridad sa kanyang ama at kapatid.

Tatlong taon naman ang nakakaraan nang mamatay sa atake sa puso ang kanyang ina matapos nitong makipagtalo sa kumare nito tungkol sa hatian nila sa kita ng beauty salon na pinagtulungan nilang ipundar. Naubos ang lahat ng naipon nilang pera para sa pagpapalibing dito. Ang pinakaiingat-ingatang salon ng kanyang ina ay napunta na sa kumare nito at hindi siya binigyan ni katiting na hati.

Ang natira lang sa kanya ay ang kakaunti nitong ipon na nakalaan raw sa expansion ng salon. Gusto man niyang habulin ang share ng mama niya sa buwaya nitong kumare ay hindi na niya nagawa dahil sa dami ng mga bagay na dapat niyang asikasuhin. Kung nahabol niya pa sana ito ay hindi siya magigipit nang mga panahonh kailangan niya ng pera.

Dahil rin sa pagkamatay ng mama niya kaya napilitan si Nadine na huminto sa pag-aaral ng college. Wala na kasi siyang puwedeng pagkuhaan ng kanyang pang-tuition fee. Hindi na rin sasapat ang natitirang perang hawak niya para makapag-aral pa.

Bago siya mapunta sa pagbabanda ay naging canteener na rin siya; part-time singer sa mga kasal ng kaibigan niya; tutor ng mga elementary students; naging janitress at kung anu-ano pa. Hindi biro ang dinanas niya bago niya mapagpasyahang mag-settle down as a part of Crimson Skulls.

Minsan sa buhay niya ay muntik na rin siyang sumuko. Hindi niya na kasi alam kung paano pa ba siyang mabubuhay nang mag-isa. Sa madaling salita ay wala na siyang mapagkunan ng kanyang financial needs. Mabuti na lang at hindi pa pala siya nakakalimutan ng best pinsan at best friend niya noong high school na nag-abala pang dumalaw sa kanya. Naka-base na ito sa States pero umuwi pa ng Pilipinas para sa kanya.

Nag-iwan ito sa kanya ng malaking halaga. Nahihiya man siya ay tinanggap niya na rin ang grasya. Alam niyang may will ang Diyos at alam niyang ginamit nito ang pinsan niya para iparamdam sa kanya na hindi siya nag-iisa, na hindi siya pinapabayaan. Akala niya ay hanggang doon na lang ang tulong na iaabot nito kaya laking gulat niya nang magpadala pa ulit ito ng pera sa kanya, hanggang sa sinusustentuhan na siya nito. Nahihiya man siya ay tinatanggap niya na rin iyon dahil aminado siya na wala siyang kakayahan na buhayin ang sarili. Nasanay kasi siya na laging nakasandal sa mama niya. Siguro ay naiintindihan rin ng pinsan niya ang kalagayan niya.

"Nadine?"

Bumalik siya mula sa paglalakbay-diwa nang marinig ang pagtawag ng mga kabanda. Nakatingin na pala ang mga ito sa kanya. Siguro ay napansin ng mga ito na wala siya sa kanyang sarili.

"May problema ka?" nag-aalalang tanong ni Heidi. Ito ang kauna-unahan laging nagtatanong sa kanya kapag may problema siya.

Umiling siya. "Wala ah. May naalala lang ako." Ayaw niya nang pahabain pa ang usapan. Ayaw niya na kasi ng drama.

"Labas sa ilong," kontra naman ni Crate. Mukhang alam na kaagad nito ang iniisip niya. May lahi yata itong mind reader.

"Wala nga," ulit niya bago inisa-isa pang tingnan ang mga kabanda. "Ang o-OA niyo ah. 'Pag tumahimik ba, may problema agad? 'Di ba pwedeng nabo-bored lang talaga?"

"So nabo-bored kang kasama kami?" sita ni Steed na nagsisimula na namang magdrama. Ito naman ang drama actor sa kanila. Ito rin ang pinakamaramdamin kaya iniiwasan nilang 'paiyakin' ang bata.

"Tama na nga kasi 'yan," awat ni Harvey na halatang atat na atat nang tumugtog.

"Sige na nga. Pero gusto ko iba naman," aniya. Nag-isip siya sandali ng kantang gusto niyang kantahin. "Gusto ko, 'yung korean song na 'It Hurts'. Medyo emo ako ngayon eh."

Napalakas ang tawanan ng buong banda.

"Yuck! Ang baduy-baduy mo talaga!" Si Drew.

Kiming ngiti na lang ang isinagot niya sa mga pang-aasar ng mga kaibigan. Totoo naman kasing gusto niyang kantahin ang kantang iyon. Nalulungkot kasi siya dahil sa mga alaalang paulit-ulit na lang na nagpa-flashback sa isip niya.

Kung alam ko lang na mawawala na pala si Mama sa akin, sana sinulit ko na nang husto ang mga panahong kasama ko siya.

Once-in-a-lifetime Moment With You (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon