MAAGANG GUMISING si Arwin nang umagang iyon para mag-jogging. Nakasanayan na kasi niya na mag-exercise tuwing umaga noong nasa Manila pa siya. Ang kaibahan nga lang, mas maliit ang lugar kung saan siya nagja-jogging. Hindi naman kasi kasing-laki ng subdivision nila sa Manila ang SouthCrest Subdivision kung saan siya naka-stay ngayon.
Noong high school pa siya, madalas silang nagja-jogging ng kaibigan niyang si Steed. Ito ang lagi niyang nakaka-bonding. Kung tutuusin nga'y mas close pa siya sa kaibigan kaysa sa dalawa niyang kapatid na subsob na subsob sa pag-aaral sa kolehiyo. Kapag nagkakasama nga sila sa hapag noon—na bihirang mangyari, ay hindi niya maiwasang mailang. Pakiramdam niya ay ibang tao ang kaharap niya. Ibang pamilya.
Hindi katulad ni Steed. Kahit madalas siya nitong iniiwanan para makisabay sa ibang girls na nagja-jogging rin tulad nila, hahanapin pa rin siya nito sa katagalan. Pagakatapos ay magkukuwento ito nang magkukuwento tungkol sa mga bebot na nakilala nito.
Ang kuwento nito tungkol sa mga babae ay nauuwi sa pamimilit sa kanya para makipag-date. Wala raw masama kung susubukan niya. Guwapo naman daw siya at siguradong hindi siya tatanggihan ng babaing yayayain niya. Kaya lang ay hindi siya nito mapilit. Ang ending, ito rin mismo ang nakikipag-date sa mga babaing nirereto nito.
Pero kahit lagi niyang sinusupalpal ang kaibigan, hindi rin nito hinahayaang nilalait siya ng iba. Minsan nga, daig niya pa ang babaing ipinagtatanggol ng kanyang Prince Charming. Tinutulungan siya nito at ipinagtatanggol sa kung sinumang umaagrabyado sa kanya.
Katulad na lamang nang minsan siyang pagtulungan ng naglalakihang bullies sa school. Hindi matanggap ng mga ito na sa kanya may gusto ang mga babaing pinopormahan ng mga ito. Hindi niya naman hiniling na sambahin siya at kakiligan ng mga kababaihan sa school nila.
"Ano ba'ng meron ka, ha? Bakla ka naman eh!"
Tandang-tanda niya pa noon ang sinabi ng great leader ng mga bullies. Inabangan siya ng mga ito sa labas ng school. Hindi niya noon kasabay ang best friend niya dahil pinuntahan pa nito ang pinsan nito sa first year room.
Hinarang siya ng mga ito. Hindi naman siya pumalag dahil alam niyang magkakaroon pa rin siya ng kasalanan 'pag pinatulan niya ang mga ito. Pero kung nakalayu-layo lang sila sa school compound, lalaban talaga siya nang patayan. Sinikmuraan siya nang isa sa mga lalaki. Iyon yata ang unang pagkakataon na may nanakit sa kanya nang pisikal. Kahit ang kanyang ina ay ni hindi siya pinagbubuhatan ng kamay.
Gugulpihin na sana talaga siya ng mga mukhang goons na estudyante na iyon. 'Buti na lang at to the rescue agad si Steed. Sinapak nito ang lalaking nakahawak sa kuwelyo ng polo niya kaya nabitawan siya nito. Nakipagtulungan siyang patumbahin ang apat na bullies na iyon. Nagkaroon man sila ng tama ay hindi nila iyon masyadong inida.
Pagkatapos ng insidente ay hindi na siya binulabog pa ng mga asungot na iyon. Ni hindi makatingin ang mga ito sa tuwing nakakasalubong nila. Thanks to Steed, nadugtungan na naman ang buhay ng makinis niyang mukha.
Bigla siyang nahinto sa pagja-jogging na makarating siya sa park ng naturang subdivision. Napako ang paningin niya sa babaing nakaupo sa isa sa mga wooden bench. Nakayuko ito at panay ang yugyog ng balikat. Halatang umiiyak ito.
Pinakatitigan niya ang bultong nakita. Hindi siya maaaring magkamali. Ang babaing iyon ang taklesa niyang kapitbahay. Pero bakit gan'un? Bakit wala siyang nararamdamang enerhiya ng katarayan sa babaing 'yon ngayon. All he felt was sadness, sorrow, and pain. Malayung-malayo sa dati nitong aura.
Hindi niya alam kung bakit pero nawala ang lahat ng inis at irita niya para dito nang mga sandaling iyon. Nakikisimpatya ang puso niya, bagay na dapat hindi niya maramdaman. Pakiramdam niya ay hindi siya makahinga sa tuwing makikita ang pagpahid nito sa mga luhang dumadaloy sa pisngi nito.
BINABASA MO ANG
Once-in-a-lifetime Moment With You (Published under PHR)
RomanceArwin was a writer. Nadine was a band vocalist. Magkaibang-magkaiba ang mga mundong ginagalawan nila kaya daig pa nila ang mga asteroid na nagbanggaan nang minsang magtagpo ang kanilang mga landas. Nadine thought Arwin was better enough to be the ki...