"FAN KA RIN pala ni Raven Neil?" gilalas na tanong ni Nadine matapos niyang makita ang complete collection ni Arwin ng mga libro ng paborito niyang author. Naka-display pa ang mga ito sa divider na may glass cover. Isa-isa iyong nakatayo at mukhang mayroon pang balot na plastic cover. Halatang iniingatan iyon nang husto.
Nakita niya ang pagkagulat sa mukha ni Arwin habang nakaupo sa sofa at nilalantakan ang dala niyang ulam. Halata namang nasarapan ito sa pagkakaluto niya sa Pork Sinigang dahil haos nangalahati ang laman ng tupperware. Pero kahit nakita na niya kung gaano ito kalakas kumain ay ni hindi siya na-turn-off dito. In fact, natutuwa siya dahil naa-appreciate nito ang effort niya.
"H-ha?" parang ewang tanong nito. Hindi siguro nito naintindihan ang tanong niya dahil busy ito sa pagkain ng putaheng dala niya.
"'Sabi ko, fan ka rin pala ni Raven Neil. May complete collection ka rin tulad ko," nakangiti niyang sabi saka umupo sa harap ng binata. "'Di ba writer ka rin? Puwede ko bang mabasa ang mga nobela mo?"
"Ano kasi eh... Wala akong kopya ng mga gawa ko. Hindi na ako bumibili. Alam ko na naman ang istorya," anito na ibinaba na ang hawak na pinggan. Medyo nagulat siya dahil ubos na ang gabundok na kaning sinandok nito kanina pero hindi niya iyon pinahalata.
"Sayang naman. Titingnan ko pa naman kung paano ka gumagawa ng love stories. By the way, bakit alagang-alaga mo 'yang mga nobela ni Raven Neil? Super fan ka rin 'no?" natatawa niyang usisa sa kausap.
Tumawa ito na ikinaloka naman ng puso niya. "Ah, oo. Magaling kasi siyang magsulat. Sa kanya ako kumukuha ng inspirasyon."
"Talaga," nakangiti niyang tugon sa mga sinabi nito. "Super fan din ako ni Raven Neil. Alam mo, nabasa ko na lahat ng libro niya. Actually, kapag wala akong pambili ng libro ni Raven Neil, suma-side line talaga ako. Para kasing maaadik ka sa mga atake niya, eh."
"T-talaga?" paniniguro nito. "Nakita mo na ba siya sa personal?"
"Hindi pa nga, eh. Kapag nagpo-post naman ako sa fan page niya sa facebook, nagre-respond naman siya. Dati, noong sinusulatan ko pa siya, sinasagot niya 'yung sulat ko. Mukha ngang masayahin siyang tao, eh. Kaso masyado siyang misteryoso. Nakaka-curious tuloy," pagkukuwento niya.
"Baka kaya ayaw niyang magpakilala sa publiko, eh, dahil pinangangalagaan niya ang pribado niyang buhay. Mahirap kasi 'pag alam ng tao ang lahat sa'yo. Walang privacy. Wala kang maitatago. At madalas, magkokomento sila."
"Kunsabagay," sang-ayon niya. "Minsan mahirap kapag involved ka na sa isang bagay. Mahirap ng tumakas. Kaya lang, disappointed ako kay Raven Neil ngayon. Napakarami nang request na magsulat na siya ng romance pero hindi pa rin siya gumagawa ng kahit isa. Siguro, bading siya or walang love life kaya gano'n."
"Grabe ka naman. Malay mo, hindi niya pa kasi nakikita 'yung taong hinihintay niya. Isa pa, 'wag mong isiping bading si Raven Neil dahil straight na tao 'yon," buong-pusong pagtatanggol ng lalaki sa paborito nilang author."
"Teka. Alam mo bang 'N.E.I.L.' ang initials ng buong pangalan ko? Nadine Elise I. Ludivico? Ang galing 'no? Sana kami ni Raven Neil ang para sa isa't isa. 'Yun, eh, kung wala akong balak na bigyan ka ng chance," natatawa niyang sabi kay Arwin na tila medyo nagulat sa sinabi niya.
"O-oo nga 'no?" he awed. "Malay mo kayo nga ang itinakda. Kaso sorry siya. Naagaw na kita sa kanya."
Natawa siya sa sinabi nito. Concerned ito kahit sa iniidolo nito. "Nakita mo na ba siya, ha? Kung maka-react ka naman, parang kasama mo siya simula pagkabata, eh. Maiba tayo. Bakit nga pala nagtiya-tiyaga ka sa ganito ka-simpleng bahay samantalang mukha namang mas mayaman ka pa sa ini-expect ko? 'Di ba dapat, sa mansiyon ka nakatira?"
Pinagpatung-patong nito ang mga pinagkainan pero hindi tumayo para iligpit iyon. "Masyado kasing komplikado ang buhay sa Maynila. Masyadong maraming aasikasuhin. Si Mommy, masyadong busy sa kompanya. Pakiramdam ko, nadadala niya ang pressure sa mansiyon kaya pati ako, nadadawit.
"Gusto ko ring patunayan sa kanya na kaya ko nang mabuhay nang mag-isa. Although, pera niya pa rin ang ginagasta ko, masarap pa ring sabihing may naipundar na ako para sa sarili ko."
Siya naman ang nagulat. He never heard such that kind of explanation. Kadalasan sa mga naririnig niya ay ayaw pang humiwalay sa magulang. Nag-e-enjoy pa ang mga ito sa pakikisama sa mga magulang.
Iba talaga ang lalaking kumuha ng atensiyon niya.
BINABASA MO ANG
Once-in-a-lifetime Moment With You (Published under PHR)
RomanceArwin was a writer. Nadine was a band vocalist. Magkaibang-magkaiba ang mga mundong ginagalawan nila kaya daig pa nila ang mga asteroid na nagbanggaan nang minsang magtagpo ang kanilang mga landas. Nadine thought Arwin was better enough to be the ki...