CHAPTER 3.1

591 18 0
                                    

ARWIN'S MORNING WAS full of colors. Kahit napuyat siya nitong nagdaang gabi ay maganda ang naging gising niya. Kung bakit ay hindi niya alam.

Katatapos niya pa lang mag-almusal kaya naisipan niyang diligin muna ang mga halamang nakatanim sa plantbox na nasa tabi ng gate ng kabahayan. Mukhang mamamatay na kasi ang mga ito.

Wala kasing nag-aalaga, sa loob-loob niya. Ngayon, lulunurin ko sila sa tubig at pagmamahal.

Kinuha niya ang balde na nasa banyo at pinuno iyon ng tubig. Pagkatapos niyang magdilig ay maglilinis naman siya ng kanyang Montero. Masipag na talaga siya kaya hindi nagmumukhang gusgusin ang mga gamit niya. Lahat ng gawaing pwedeng gawin ay ginagawa niya para hindi masayang ang oras niya sa buong maghapon.

Masaya na sana siya sa ginagawa nang maramdaman niyang parang may mangkukulam na bumubulong-bulong sa 'di kalayuan. Nang lingunin niya kung sino ito ay nawala ang sigla niya. Napalitan iyon nang 'di niya maintindihang pakiramdam.

"Kawawa naman 'yung mga halaman," malakas na sabi nito habang mabagal na naglalakad sa harap ng kanyang gate. "Masamang tao 'yung nagdidilig. Malamang, mamamatay 'yan."

Hindi niya pinansin ang mga pasaring nito. Ipinagpatuloy niya lang ang pagdidilig sa mga halaman. Wala siyang mapapala sa pakikipagtalo sa taklesang kapitbahay.

"Sa'ng planeta ba kasi galing 'yung mga bagong dating dito? Mga ignorante na ba ang mga tao sa mundo?" dagdag pa nito. Mukhang gusto talaga siya nitong pikunin.

Tuluyan nang nagsalubong ang malalago niyang kilay. Kung hindi lamang ito babae ay malamang nabanatan na niya ito. Napakawalang-modo nito, not to mention the fact na napaka-ghastly nitong kumilos.

"Oh God," naibulong niya na lamang sa sarili. "H'wag mo hayaang makapatay ako. Ayokong magkasala."

"H'wag kang bumulong. Baka maging bubuyog ka," pasaring na naman nito na ikinapatid na ng pasensya niya.

"Hoy bungangera," walang pakundangan niyang sabi. "Akala mo kung sino ka. For your information, probinsyanang pobre ka lang sa paningin ko. Huwag kang umasta na para bang sa'yo ang buong subdivision!"

Nakita niya ang pagkulimlim ng mukha nito. Halatang nasaktan nang husto sa mga binitiwan niyang salita. Well, totoo naman kasi. Kayang-kaya niya itong pasakitan kung gugustuhin niya. Lalo pa't nanggaling siya sa nakaririwasang pamilya.

"Bakit? Mayaman ka?" malakas na sabi nito na nakatigil lang sa harap ng kanyang gate. "Kung mayaman ka nga, lumayas ka na sa lugar na 'to dahil hindi welcome ang mga taong mapangmata sa Zambales!"

Magsasalita pa sana siya pero napipihan na siya nang mapansin ang pamumula ng mga mata ng babae. Umiiyak ba ito? Tititigan niya pa sana ito nang husto pero patakbo itong umalis sa harapan ng kanyang gate.

May kung anong kumurot sa puso niya. Pakiramdam niya ay sinusurot siya ng kanyang konsensiya dahil sa mga pinakawalan niyang mga salita. Sumobra na yata siya.

Asus! Tama lang 'yon! Para manahimik na 'yang babaing 'yan! marahas na sabi ng isip niya.

Babae ang sinabihan mo, sabat ng isa pang bahagi ng isip niya. Ganyan ka ba kabalahura? Paano na lang kapag nagkaroon ka na ng sarili mong pamilya? Ganyang mga salita rin ba ang sasabihin mo sa kanya?

Naiiling na lang siyang pumasok sa bahay niya.

Once-in-a-lifetime Moment With You (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon