Chapter 6: Troubling

1.5K 123 3
                                    

Chapter 6: Troubling

Naramdaman ko ang gulat ni Salathiel matapos ko iyong sabihin. Nang lingunin niya ako ay bakas sa kaniyang mukha ang pagkabigla. Mabilis akong nag-iwas ng tingin at itinuon ang aking paningin sa daan. Hindi ko alam kung ilang oras na kaming tumatakbo pabalik a Heimdall, hindi na iyon importante, hindi na mahalaga ang pagod ko, hindi na mahalaga ang problema ko sa aking sarili, ang mahalaga ngayon ay nasa Heimdall na ako at masisiguro ko na ang kaligtasan ng pamilya ko.

Naghuramentado ang puso ko nang makarinig ng ugong ng naglalakihang sasakyan. Nasa karatig-lugar na ang Officials ng Palasyo, totoo nga ang incursion! Nakita ko ang sabay sabay na pagbukas ng ilaw ng mga bahay sa Heimdall. Tuluyang nagising ang bawat isa, alam kong gulat rin sila, ngunit nangyayari na nga ang incursion at wala kaming magagawa kundi ang sumunod. Walang magagawa ang mga pamilyang nasa kani-kanilang bahay kundi ang maghanda.

"Shit!" Utas ko.

"Seryoso? Ano ang balak mong gawin ngayon?" Hindi mapigilang tanong ni Salathiel. "Seryoso ka ba talaga? Alam mo naman ang pananaw nila sa mga babae tapos tutuntong ka doon? Suicidal ka ba, miss?"

Huminto ako at naghabol ng hininga. Nakaramdam ako ng pagod, ngunit ang balak ko lang talaga ay magpasalamat kay Salathiel.

"Salamat sa pagtuturo ng daan, mauuna na ako." Sabi ko at muling humakbang ngunit agad rin akong nahinto nang maramdaman ang pagpigil ni Salathiel sa braso ko upang pahintuin ako. Napalingon ako sa kamay niyang mahigpit na nakahawak sa braso ko, nagtataka kong binaybay ang kaniyang braso paakyat sa kaniyang kuryusong mukha.

"Ano?" Hinihingal kong tanong. "Nagmamadali ako para sa iyong kaalaman."

Mas lalong nangunot ang noo niya, "mag-iingat ka." Aniya at binitawan ako.

Sandali akong nahinto dahil sa kaniyang sinabi. Ngunit agad rin akong bumawi at sinuklian siya ng tipid na ngiti atsaka tumango bago tuluyang tumakbo papunta sa aming bahay. Salamat, Salathiel.

Upang mas lalong mapadali ay tumalon talon na ako sa bubong ng mga bahay. Wala na akong pakialam kung may naiistorbo ako, kung gulay na ang tupang hawak ko, ang gusto ko na lamang ay makabalik sa bahay nang madali.

Mas lalong lumakas ang ugong ng naglalakihang sasakyan na pag-aari ng mga Opisyal ng palasyo. Ibig sabihin lamang ay papalapit na sila ng papalapit sa Heimdall. Nagsisilabasan na rin ang mga naroroon upang tingnan kung ano ang nangyayari, o siguruhin kung tama ba ang hinala nila dahil sa pamilyar na tunog.

Nakarinig na ako ng iyakan. Nagmumula iyon sa mga bahay na iisa lamang ang lalaki sa pamilya, mahirap mawalan ng lalaki sa bahay lalo pa't talamak ang nakawan sa Heimdall. Ang mga batang lalaking panganay naman ay pwersahan ring kukunin upang mag ensayo sa murang edad kaya nasisiguro kong ang mga nanay sa mga tahanan ay problemado na rin.

Kulang na lang ay languyin ko ang lupa dahil sa pagkataranta kong makabalik sa bahay. Nang masilip ko ang bahay namin ay ganoon na lamang ang pagdagundong ng puso ko dahil sa malakas na sigawan at iyakan. Kahit na pagod na pagod ay hindi ako huminto, mula sa bubong ng aming kapitbahay na kinaroroonan ko'y tumalon ako at bumagsak sa harapan mismo ng aming nakabukas na pinto.

Nanghihina kong binitawan ang tupang naalog ng todo. Umiiyak si Mama at ang mga babae kong kapatid. Kahit na inuubo ay naghahanda si Papa ng kaniyang mga gamit para sa incursion. Ganoon na lamang nadurog ang aking puso. Kung hindi ko pala naabutan si Papa paniguradong sasama na naman siya para sa aming pamilya.

"Maawa ka naman sa sarili mo, Louie! Gabi-gabi ka nalang nga inaatake ng iba't-ibang sakit sasama ka pa sa incursion?" Sigaw ni Mama. "Naiintindihan mo ba ako? Naiintindihan mo ba kami ng pamilya mo? Alam mo naman ang kalagayan mo, 'di ba?"

"Ano ang gusto mo, Nonie? Maging alipin ang pamilya natin? Mamatay na ako pero hindi ko hahayaang basta-bastahin na lamang kayo ng kung sino-sino!" Malakas namang tugon ni Papa. "Hindi ko kayo pwedeng ibigay sa palasyo. Hindi kayo pwedeng maging alipin doon, ikakamatay ko."

Tuluyan nang nagsiiyakan ang mga kapatid ko at ganoon din si Mama. Hindi ko na rin napigilang mapaluha. Mabigat para sa akin ang makitang nagkakaganito kami, mahirap para sa akin.

"Paano na naman kami?" Halos pabulong nang sabi ni Mama.

"Hindi naman kayo napapabayaan dito! Nagpapadala naman ang Palasyo bilang kita ko!" Sagot ni Papa, "ako naman ang intindihin niyo ngayon."

"Para saan ba ang incursion na 'to? Nakakalintik naman!" Galit na sigaw ni Mama, "bakit hindi kayo magreklamo sa palasyo? Hindi dapat sapilitan, hindi na 'to tama!"

"Inihahanda lamang ng Palasyo ang Kaharian. Noon pa man ay ganito na ang patakaran, maninibago pa ba tayo?" Sagot ni Papa.

Ganoon ko na lamang gustong matunaw. Hindi ko matiim na nag-aaway ang mga magulang ko, kami ng mga kapatid ko ang naapektuhan. Ngunit naiintindihan ko sila. Ginagawa ni Papa ang responsibilidad niya bilang Padre de pamilya, at ayaw niya kaming malagay sa alanganin kahit na ang buhay niya ang malagay sa peligro. At naaawa na rin ako kay Mama, ayaw niyang ibuwis ni Papa ang buhay niya ng paulit-ulit. Mahina na si Papa at laging sinusumpong ng sakit.

Ngayon nga'y hindi ko na alam ang gagawin ko. Gusto ko na lamang maglaho. Nawawalan ako ng lakas ng loob upang sumingit sa mainit nilang sigawan, mga animo'y walang pakialam kung may nakakarinig man sa kanila dahil unang-una sa lahat ay normal ang nag-iiyakan at nag-aaway sa araw ng incursion. Hindi na ito bago, sanay na ang bawat isa. Ngunit hindi ako.

"Nonie, intindihin mo ako--"

"Intindihin mo kami, Louie!" Sigaw ni Mama. "Intindihin mo kami ng pamilya mo! Tama na, magsisilbi ako sa palasyo, sa Fatum, hindi ka babalik sa sandatahang iyon!"

"Hindi kayo magiging alipin, Nonie!" Sagot ni Papa.

"Basta huwag kang sumama sa incursion!"

"Kung ganoon ay sino? Kung hindi ako, sino?"

Dumadagundong ang tinig ng mga magulang ko sa labas ng aming bahay. Mas nadoble pa ang bigat na nararamdaman ko. Naaawa ako sa mga magulang ko, naaawa rin ako sa mga kapatid ko, ngunit hindi ako naaawa sa sarili kong handang gawin ang lahat kahit mapahamak pa para sa pamilya.

Bakit ba kailangan ko pang maranasan 'to? Hindi na nga kami namumuhay ng marangya, hindi pa payapa. Hindi na ako nakapagpigil. Matapang akong pumasok sa loob ng bahay upang awatin ang mag-asawang nag-aaway.

"Sino, Nonie? Kung hindi ako, wala. Kas walang ibang lalaki sa bahay na 'to. Kaya kung hindi ako, sino ang sasama sa incursion? Hi--"

"Ako!" Malakas ang boses kong sabi. Dumagundong ang tinig ko sa maliit naming tahanan. Lahat ng naroroon ay napalingon sa akin, ang mga kapatid kong umiiyak, sina Mama at Papa, lahat sila'y nanahimik sa presensya ko. Gulat na gulat, lalo na si Papa.

"Opo, hindi po kayo nagkakamali sa inyong pagkakarinig. Ako po ang sasabak. Ma, Pa, hayaan niyo po akong maging representative ng pamilyang ito."

Unveiling Valor (PSS, #3) ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon