Chapter 12.1

346 6 0
                                    

"Mare."

May pagtatakang tinignan ni Coby si Yumi. Nasa gitna ng hapunan silang pamilya nang biglang tumunog ang kanilang door bell. At gayun na lamang ang kanyang pagkabigla nang mapagbuksan ang asawa ng kanyang kaibigan.

"Ikaw lang ba mag-isa? Asan si Russ?"

"Kailangan nating mag-usap." Seryosong sagot nito.

Bigla ay nakaramdam siya ng kaba. Mukhang may hinala na siya sa kung ano ang ipinunta nito.

"Mahal, sinong bisita natin?" Tanong ng kanyang misis mula sa pintuan. Lumigid siya upang makita nito ang dumating.

"Yumi? Anong ginagawa mo dito? Asan si Russ?" Sabi ni Marcy na tila naguguluhan.

"Pasensya na sa abala Marcy. Pero may importante lang sana akong itatanong kay Coby." Malamig na tugon ni Yumi.

Kunot noo siyang tinignan ng kanyang asawa na wari'y nagtatanong kung ano ang nangyayari. Mukhang ma-a-outside the kulambo siya mamaya. Mahabang paliwanagan ang gagawin niya sa dalawang babaeng kaharap niya ngayon.

"Halika, pasok ka muna sa loob." Walang magawang sabi niya na lamang. Wala rin naman kasing magagawa kung patuloy niyang tatakasan ang problema. Alam niya namang sooner or later ay lalabas din ang kalokohang ginagawa ni Russ. Dangan lamang ay di niya inaasahan na ganito kaaga malalaman ni Yumi ang lahat.

"Kumain ka na ba? Tara, saluhan mo muna kami." Yaya niya dito nang maisara niya ang gate.

"Busog pa ko." Tipid nitong sagot.

"Ay naku, wag ka ng mahiya. Saluhan mo kami. I insist." Sabi naman ni Marcy.

Tatanggi pa sana si Yumi subalit nagpumilit ang kanyang asawa. Sa huli ay kasalo nila ito sa hapunan. Naging tahimik ang kanilang pagkain dahil hindi gaanong nagsasalita si Yumi, maliban na lamang kung tinatanong nila ito. Ilang beses din siyang tinapunan ng nagtatanong na tingin ng kanyang asawa, ngunit kibit balikat lamang ang isinasagot niya dito.

Nang matapos ang hapunan ay iginiya niya si Yumi patungo sa kanilang maliit na hardin sa may harap ng kanilang bahay. Ngunit bago pa siya tuluyang makalabas ay nahatak na siya ni Marcy patungo sa kusina.

"May problema ba? Ba't andito si Yumi ngayon?" Nag-aalalang tanong nito.

Hinawakan niya sa magkabilang balikat ang kanyang asawa at sinabing, "mamaya ko na ipapaliwanag ang lahat. Ang maigi pa ay timplahan mo na lang kami ng kape."

Pagkatapos iyon sabihin ay ginawaran niya ng masuyong halik sa noo si Marcy at agad nang pinuntahan si Yumi. Nadatnan niya itong nakaupo habang nakatingin sa kawalan na tila malalim ang iniisip.

Umupo siya sa katapat na silya at saka nagsalita. "Ano ba ang sadya mo?"

"May alam ka ba sa pangangaliwa ni Russel?" Malamig na tanong nito. Ni hindi man lamang ito nag-angat ng tingin nang magsalita.

Nabigla siya sa tanong ni Yumi dahilan upang di siya makasagot agad dito. Tama nga siya ng hinala. Nahuli na ni Yumi si Russel.

"Anong ibig mong sabihin?" Maang niyang tanong. Nais niya munang makasiguro. Ayaw niya pa rin naman na sa kanya manggaling ang ginagawa ng kanyang kaibigan. Hindi siya pabor sa ginagawa nito, ngunit ayaw niya din naman na maghiwalay ang mag-asawa. They are his friends after all.

"Nakita ko si Russel at Ellaine sa isang bahay sa Cavite. May alam ka ba dito?"

He inhaled sharply. Alam niyang may kabulastugang ginagawa si Russel, pero hindi niya akalaing ibinabahay na nito ang Ellaine na 'yun.

"I'm sorry." Iyon na lamang ang nasabi niya dito.

"So, may alam ka nga? Kelan pa? Bakit wala kang sinabi? Kaibigan din namin kita. Bakit parang sa kanya ka lang kumakampi." Mahina ngunit may diin nitong sabi.

My LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon