***
Subalit ngayon, wala na. Ikaw ay lumayo na. Naaalala ko ang mga gabing magkatabi sa ilalim ng kalawakan.
- Jeepney / Spongecola
"Habambuhay kaya tayong ganito, Ken?" nakangiting tumingin sa akin si Eunice bago muling sumulyap sa kalangitan.
Nakahiga kami ngayon sa ibabaw ng jeep na nakaparada at magkayakap na pinagmamasdan ang kalangitan. Ala-una na ng madaling araw kaya napaka tahimik ng paligid.
Bahagya akong tumawa. "Bakit? Ayaw mo ba?"
"Puro ka talaga biro." Hinampas niya ako at tumawa kami pareho.
Lalong humigpit ang yakap niya.
"Sabi kasi nila hindi naman lahat ng bagay ay permanente."
Bahagyang kumunot ang noo ko at dahan-dahan bumangon.
"Lahat ng bagay na hindi iniingatan, hindi talaga magiging permanente, Eunice. Pero kung marunong kang mag-ingat at magpahalaga, hanggang sa kabilang buhay, hinding-hindi iyon mawawala."
Ngumiti ako at inalalayan siyang makaupo. Saglit itong napa tahimik at sumiksik sa akin.
"Pero diba may mga pagkakataon na kahit gaano ka kaingat sa isang bagay, hindi pa rin maiiwasan na masira ito?"
Ako naman ang nagtaka sa naging sagot niya at tinanong kung bakit ganito bigla ang mga iniisip niya. Ngiti lang ang naging sagot nito.
"Ken, can you promise me one thing?"
Seryoso ang mga tingin nito.
"Kung dumating man ang panahon na hindi natin maingatan ang relasyon na 'to at hindi maging permanente, huwag na huwag mong sisihin ang sarili mo, okay?"
Napa-ayos ako ng upo.
"Eunice, ano ba 'yang sinasabi mo?"
"Please, i-pangako mo na lang sa akin." Ngumiti ito at nag-senyas pa ng pinky promise.
"Hindi masisira ang relasyon natin, ano ka ba. Tigilan mo nga 'yan." Marahan kong hinawi ang kamay niya pero hindi siya nagpatinag.
"Mag-promise ka muna, Ken. Hindi ako titigil hangga't hindi ka nangangako."
Wala na akong nagawa dahil ilang ulit niya rin akong kinulit. Nagdikit ang mga hinliliit namin kasabay ang pagbigkas ko ng pinky promise.
Tumungga ako sa bote ng alak na hawak ko at napa-tingala sa madilim na kalangitan. Pumuslit ako rito sa paradahan ng mga jeep na madalas naming ginagawa noon ni Eunice. Ngayon, ako na lang mag-isa. Bumuga ako ng hangin. Mukhang tama nga siya sa sinabi niya noon -- na kahit gaano ka kaingat sa isang bagay, darating din 'yung araw na masisira ito.
Sana mapatawad ako ni Eunice dahil hindi ko natupad ang pangako ko. Hanggang ngayon kasi ay sarili ko pa rin ang sinisisi ko dahil pakiramdam ko ang dami kong pagkukulang. Pakiramdam ko may nagawa akong mga bagay na naging dahilan para iwan niya ako. Hindi ako naging maingat.
Hindi ko rin yata kayang patawarin ang sarili ko dahil napag-isipan ko siya ng masama. Hiyang-hiya ako. Sobrang gago ko. Paano ba pumasok sa isipan ko ang gano'ng bagay? Mukhang tama sina Jeremy at Alex. Kailangan ko na sigurong tanggapin na hanggang dito na lang. Lahat ng mga bumabagabag sa isipan ko ay kailangan ko na bitawan.
BINABASA MO ANG
5:45 AM (REVISED)
RomancePosible ka bang mahulog sa taong madalas mong makasabay sa pagsakay sa jeep?