***Ito ay itinakda, langit ang may akda. Ayokong kumawala sa'yo. Huling sayaw na natin 'to. Huling halik sa'yong noo. Huling pagdidikit ng puso.
- Huling Gabi / Moira Dela Torre"Lagi mong tatandaan na ikaw ang pinaka magandang regalong natanggap ko sa buong buhay ko, Ken. Kung dumating man ang araw na hindi mo na ako makita sa tabi mo, huwag na huwag kang malungkot."
Kinuha ni Atha ang kamay ko. Hindi naghihiwalay ang tingin namin sa isa't isa hanggang sa maramdaman kong nakalapat na ang aming mga palad sa dibdib ko. Nakangiti siya at maaliwalas ang hitsura.
"Palagi lang akong nandyan. Hindi ako mawawala. Kasama mo ako habambuhay."
Sandali akong napatigil at ngumuso nang bahagya. Hindi ko maintindihan kung bakit tila may tono ng pagpapaalam ang sinasabi niya. Hinila ko siya para yakapin.
"Ano ka ba, mahal? Huwag ka ngang magsalita ng ganyan. Alam ko at alam mong palagi ka sa puso ko at sisiguraduhin ko na magkakasama tayo habambuhay. Hindi ka mawawala sa tabi ko. Hindi ako papayag."
Unti-unting humiwalay si Atha sa mga bisig ko at marahang hinaplos ang aking mukha. Hindi nawawala ang mga ngiti nito ngunit napansin kong gumuhit ang lungkot sa mga mata niya.
"Mahal kita, Ken. Patawarin mo ako pero kailangan ko nang umalis."
Hinalikan niya ako sa noo at muling nginitian. Tumayo na ito at dahan-dahang tumalikod sa akin. Nagsimula na siyang humakbang papalayo mula sa kinauupuan ko.
Akma sana akong tatayo para sundan siya ngunit hindi ko maigalaw ang buong katawan ko. Tinawag ko si Atha at hindi ko malaman kung bakit hindi siya lumilingon. Sinubukan kong siyang pigilan at nagpumiglas sa pagkakaupo pero wala akong magawa. Para akong pinako kaya hindi ako makaalis sa aking pwesto. Hanggang sa unti-unti na siyang lumabo sa paningin ko.
Puting kisame ang sumalubong sa akin nang maidilat ko ang aking mga mata.
Panaginip.
Tangina. Sana nga panaginip na lang ang lahat. Hindi totoo.. Hindi totoong wala na si Atha. Hindi totoong nangyari 'yung gabi na 'yun! Hindi totoong iniwan na niya kami! Magpapagaling pa siya. Aalagaan ko pa siya. Magkasama kaming magtatapos at tutuparin pa ang mga pangarap namin. Hindi 'to totoo. Buhay pa si Atha! Panaginip lang 'to!
Naghihina akong bumangon habang masaganang tumutulo ang mga luha ko. Mabilis kong inilibot ang paningin sa apat na sulok ng kwarto ko at kitang-kita ang nagkalat na mga bote ng alak at mga balat ng pagkain. Pati ang iilan kong mga maruruming damit, sapatos at gamit ay nakakalat sa sahig.
Napapikit ako habang niyayakap ang sarili kong mga tuhod. Muling bumuhos ang mga luhang hindi ko alam kung kailan matatapos.
Anong araw na ba? Anong oras na ba? Hindi ko alam. Pakiramdam ko biglang huminto ang paggalaw ng mundo ko simula nang mangyari ang gabing 'yon.
Tangina! Ano ba'ng ginawa kong masama para parusahan ako ng ganito? Ang sakit-sakit! Bakit kay Atha pa? Bakit sa dinami-rami ng masasamang tao sa mundo, siya pa ang nakaranas ng ganoon? Bakit ang hirap tanggapin...
Ibinuhos ko na lahat ng emosyon ko at iniyak ang sakit na nararamdaman ko. Bahagya akong nag-angat ng ulo nang bumukas ang pinto. Tipid na ngumiti si Kuya Kenneth at maingat na dinala sa maliit na lamesa ang pagkaing bitbit niya.
Lumapit ito at umupo sa tabi ko. Wala siyang salita at bigla na lang akong niyakap. Hindi ko alam pero muling umagos ang mga luha ko at parang batang humagulgol kay kuya. Ibinaon ko ang mukha ko sa dibdib niya at hinigpitan ang yakap.
BINABASA MO ANG
5:45 AM (REVISED)
RomancePosible ka bang mahulog sa taong madalas mong makasabay sa pagsakay sa jeep?