Chapter 20

1.2K 74 76
                                    



***

Sumpa ko walang hanggan, maglaho man ang buwan. Pangako sa'yo. Pangako sa'yo. Ikaw at ako pa rin hanggang dulo.
- Iyong iyong iyo / Spongecola


Hinayaan na ako ni Atha na mas makilala pa ang sarili niya at buong tiwala nitong ikinuwento sa akin ang lahat-lahat tungkol sa kanya at sa pamilya niya. At sa mga kwento na iyon, doon ko napatunayan na hindi ko pa pala talaga lubos na kilala ang isang Athaliah Omero.

Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman sa mga nalaman ko. Halo-halo ang emosyon ko habang nakikinig sa kanya. May umusbong na awa sa puso ko ngunit mas nangingibabaw ang paghanga ko dahil mas napatunayan ko kung gaano siya katapang bilang tao. Sobra niya akong napabilib.

Nagulat ako nang malaman na nakakulong pala ang ama ni Atha mahigit isang taon na. Kitang-kita ko kung gaano kalungkot ang mga mata nito habang nagkukwento sa akin

Construction worker dati ang tatay niya at kahit alam nilang may mga kasamahan ito sa trabaho na gumagamit ng mga bawal na gamot, pinili pa rin daw ng tatay nila na magtiis kahit may pangamba na baka dumating ang araw na madamay ito sa mga illegal na ginagawa ng mga kasamahan niya.

At talaga namang mapaglaro ang tadhana, dahil nadamay nga ang kanilang tatay sa naganap na buy-bust operation dun sa site kung saan ito nagtatrabaho. Kasama ito sa mga nahuli at dahil malaking halaga ang hinihingi sa piyansa, hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ito mailabas.

Sinabi rin daw kasi ng kanilang ama na huwag na muna siyang unahin dahil mas importante raw ang pagbili ng mga gamot na pang-maintenance ng asawa nito na may sakit sa puso. At dahil na rin sa pagiging anemic ni Atha, dumadagdag din sa gastos ang pagbili niya ng mga gamot sa sarili.

Panganay si Atha sa apat na magkakapatid at bilang ate, siya na rin ang naging katulong ng mama niya sa pagtaguyod sa araw-araw. At kapag wala naman daw pasok sa school, tumutulong din sa tindahan ang mga nakababata niyang kapatid.

Ikinuwento niya rin sa akin na tinatabi niya ang kanyang monthly allowance na nakukuha mula sa pagiging member ng school org para makaipon sa pampiyansa sa tatay nila. Pero dahil napapadalas ngayon ang pag pabalik-balik nila sa hospital para sa check up ng kanilang ina, napilitan siya na gamitin ang pera.

Tangina. Nababa-blangko ang isipan ko. Hindi ko maisip na ang Atha na kasama ko araw-araw; Si Atha na nakilala kong malakas at masayahin, kabaligtaran pala ang nararamdaman kapag hindi na kaharap ng maraming tao.

Kumikirot ang puso ko kapag naaalala ko kung paano niya ako ngitian habang nagkukuwento. Sinabi ko nga sa kanya na hindi na niya kailangan pang magpanggap na malakas sa harap ko dahil alam kong mabigat ang nararamdaman niya, pero hindi niya ako pinansin at nanatili ang kanyang mga ngiti.

Hindi ko tuloy maiwasang itanong sa sarili ko kung paano niya ba nagagawang ngumiti kahit na gano'n ang pinagdadaanan nito sa buhay. Paano niya nagagawang pasayahin at palakasin ang loob ng mga tao sa paligid niya gayong siya pala ang mas nangangailangan ng ganoong suporta?

Paano niya nagagawang unahin pa ang kapakanan ng iba kahit na araw-araw may dala-dala siyang bigat sa puso?

Napakabuti ni Atha at napakatapang niyang tao.

Lalo niya akong pinahanga at mas lalo ko siyang minahal. At kahit hindi pa talaga malinaw ang tunay na estado sa pagitan naming dalawa, hindi na ako mag-aaksya pa ng oras at panahon para iparamdam at ipakita sa kanya na hindi na niya kailangan harapin ang mga laban sa buhay nang mag-isa. Nandito na ako at ipinangako ko sa kanya na palagi ko siyang sasamahan.



"Mga tol, break muna. Mukhang wala sa wisyo 'yung isa diyan, oh. Late na nga dumating, tulala pa ang hinayupak," boses ni Japs ang narinig ko pero hindi ko masyadong maintindihan kung ano ang sinabi niya. Kakatapos lang namin pasadahan ang kanta na tutugtugin namin sa contest.

5:45 AM (REVISED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon