***
'Di ka man bago sa paningin, palihim kang nasa yakap ko't lambing. Sa bawat pagtago, 'di mapigilan ang bigkas ng damdamin.
- Sila / SUDHindi naging madali ang mga sumunod na araw sa pagpapatuloy ng pag-iipon namin ng mga pirma. Marami talagang mga estudyante ang hindi pabor sa pagpasok ng mga outsiders dito sa campus. Inis na inis nga ako sa ilang estudyante na puro tanong pero sa huli, hindi naman pipirma. Tama si Atha, nakakaubos nga ng pasensya 'tong ginagawa namin.
Kung gugustuhin ko, pwede ko naman talagang hindi na problemahin pa ang bagay na 'to. Pero tuwing naiisip ko si Atha, kung gaano niya kagusto magtagumpay sa petition na 'to, kung gaano siya natatakot na ma-disappoint ang mga estudyanteng umaasa sa kanya, hindi ako nakakaramdam ng pagod. Lalo akong nagpupursigi na matulungan siya kahit na sa simpleng paraan lang.
Ilang beses na nga rin niya akong pinatigil sa pagtulong dahil nahihiya na raw siya sa akin. Hindi ko naman maiwasang hindi makaramdam ng inis tuwing sinasabi ni Atha na nahihiya siya akin. Nahihiya siya na para bang ibang tao ako para sa kanya. Naiinis din ako dahil lagi niyang sinasabi na papalitan o babawi raw siya sa akin na para bang naghahanap ako lagi ng kapalit sa mga ginagawa ko para sa kanya. Hindi niya ba nararamdaman na kahit nahihirapan ako, gustong-gusto ko naman ang ginagawa ko? Kahit ano pa 'to, basta makakatulong para sa kanya, walang kaso iyon. Sisiw.
Araw na ng Sabado ngayon pero mas lalong naging abala si Atha sa pag-aasikaso sa SC office. Pagkatapos ng magkaibang mga klase namin, nagkita lang kami saglit sa lobby bago siya tumuloy sa opisina nila. Humingi pa nga ito ng tawad sa akin dahil mukhang hindi na naman kami magkasabay kumain ng tanghalian. Pero ngumiti lang ako at sinabing walang problema iyon. Pinaalalahan ko rin siya na 'wag magpapalipas ng gutom at magpahinga rin naman kahit papaano.
Ipinaalala ko rin sa kanya na hanggang 6PM lang ang event na pupuntahan namin mamaya. Nakita ko naman kung paano ito nangamba dahil may mga klase pa kaming kailangan pasukan hanggang alas-singko ng hapon.
May isang oras akong bakante kaya inilabas ko ang papel at nagsimula na naman mangharang ng mga estudyante. May dalawang babaeng dumaan sa harap ko kaya bago pa sila tuluyang makalagpas, mabilis ko silang hinarang. Nagulat pa ang isa pero nginitian naman ako.
"Hello, pasensya na sa istorbo. Pero baka gusto ninyong mag-sign dito para sa petition sa darating na foundation day," nakangiti kong pahayag.
Nagtanong pa sila kung ano'ng petition daw ba iyon kaya ipinaliwanag ko naman sa kanilang mabuti. Nagkatinginan pa ang mga ito bago nakangiting kinuha sa akin ang ballpen at papel.
"Ipirma mo na lang ako, Eunice," pag-kausap ng isa sa kasama niya kaya saglit akong natahimik. Napatingin pa ako sa kanila at bumalik na lang diwa ko nang makitang inaabot na ng mga ito ang papel at ballpen.
Bahagyang kumunot ang mga noo nila dahil siguro sa biglaang pag-iiba ko ng kilos.
"Ayos ka lang, kuya?" tanong ng babaeng may pangalan na Eunice.
Saglit pa akong napatingin sa kanya bago tumango. Nginitian ko sila.
"Salamat sa pagpirma," tugon ko bago sila tuluyang umalis.
Bago pa saan mapunta ang isip ko, nagpatuloy na lang ako ulit sa pagpapapirma. Hindi na masama ang isang oras at kahit papaano ay nakadagdag naman ako kahit konti. Dumiretso na ako sa sunod kong klase nang makitang mag-ti-time na.
Mabilis lang lumipas ang oras at nakapag-tanghalian na rin ako. Kumain akong mag-isa rito sa paborito naming tambayan ni Atha. Nag-text na lang din ako sa kanya at ipinaalala na 'wag siyang magpapalipas ng gutom.
-
Nagmadali na kaming tumakbo ni Atha papunta sa sakayan ng jeep. Kakatapos lang ng huling klase namin para sa araw na 'to at kitang-kita ko na ang excitement at kaba sa hitsura ni Atha. Panay ang tingin nito sa cellphone at mukhang hinahabol ang oras.
BINABASA MO ANG
5:45 AM (REVISED)
RomancePosible ka bang mahulog sa taong madalas mong makasabay sa pagsakay sa jeep?