***
Aabutin mga bituin habang pasan kita. Buong mundo'y aangkinin, para sa'ting dalawa. Hinding-hindi ka bibitiw kahit sa'n magpunta. Pero ngayon, nasa'n na?
- Istorya / The Juans"Hayaan mo, simula ngayon sasamahan kitang gumawa ng mga bagong alaala, Ken. Hindi man natin mabura 'yung dati, at least susubok tayo ng panibago."
Nakatitig lang ako kay Atha habang nagsasalita ito. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ko siya biglang niyakap. Mukhang nabigla ito sa ginawa ko. Pero hindi niya naman ako pinag tulakan.
Nandito kami ngayon sa gitna ng kalsada. Pagbuhos lang ng malakas na ulan ang tanging maririnig. Pumikit lang ako habang nakayakap pa rin kay Atha. Naramdaman ko naman na unti-unti niya rin akong niyayakap pabalik.
"Huwag kang mag-alala. Hindi kita iiwan, Ken," rinig ko pang bulong nito.
At sa hindi ko malaman na dahilan ay bigla ko na lang naramdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Sumabay na sa lakas ng ulan ang lakas din ng kabog sa dibdib ko.
Humigpit ang pagkakahawak ko sa ballpen habang tahimik na pinapanood ang pagbuhos ng malakas na ulan mula sa bintana. Muli kong sinariwa ang unang beses na pinatibok ni Atha ang puso ko – ang araw na tuluyan niya akong sinagip sa pagkalunod noon; Ang araw na nahanap niya ang puso kong matagal naligaw ng landas.
Makulimlim ang paligid at mukhang nakikisama ang panahon sa nararamdaman ko.
Saglit akong napasulyap sa pwesto ni Atha na tahimik lang na nakikinig sa discussion. Halos mabali na ang hawak kong ballpen nang lalo ko itong higpitan. Nakatalikod sa'kin si Atha pero kahit ganun ay ramdam ko pa rin ang unti-unting pagkadurog ng puso ko.
Gustong-gusto ko na siyang lapitan para muling humingi ng tawad sa mga nasabi ko nung nakaraan. Ilang araw niya na akong iniiwasan. Tuwing lumalapit ako, parang hindi niya ako nakikita. Ayaw niya 'kong kausapin. Miski mga tawag at text ko ay hindi niya rin sinasagot. Hindi ko rin siya naaabutan sa sakayan ng jeep tuwing umaga.
Nakakatawang isipin na eto naman 'yung gusto ko, 'di ba? 'Yung ilayo ang sarili ko kay Atha. Eto na 'yun. Lumalayo na siya. Pero tangina! Ang sakit-sakit pala kapag siya na mismo ang gumagawa ng mga bagay para magkalayo kami.
Hindi ko pala kaya. Hindi na ako muling mabubuo kapag tuluyan siyang nawala.
"Pre, tinatawag ka ni sir." Nagising na lang ang diwa ko nang sikuhin ako ng katabi ko. Kunot-noo ko siyang tinapunan ng tingin.
Sumenyas ito na tumingin ako sa unahan kaya mabilis ko itong sinunod. Nakita ko ang nakakunot-noong mukha ng aming prof na mukhang kanina pa nakatigil sa harapan.
"Kanina ka pa tulala sa bintana, Mojica. Nandoon ba ako?" pilosopong pahayag nito.
Narinig ko ang mahihinang tawanan mula sa mga blockmates ko at nang mapatingin ako kay Atha, nagtama ang mga mata namin. Pero mabilis din itong umiwas ng tingin. Muling kumirot ang puso ko.
"S-sorry po," tanging sagot ko.
Napailing na lang ang prof bago muling itinuloy ang klase. Sinabihan pa ako nito na mamaya na lang daw ako tumulala pagkatapos ng discussion niya. Napayuko na lang ako.
Nang matapos ang klase ay mabilis kong isinukbit ang bag ko para malapitan si Atha. Kitang-kita ko kung paano ito nagmadaling lumabas kaya agad akong sumunod.
Malakas pa rin ang ulan at nadadala ng hangin ang mga patak nito sa direksyon ng hallway kaya medyo nababasa ako. Pero hindi ko iyon ininda. Luminga-linga ako at nakita si Atha na patakbong bumaba sa hagdan kasama ang ilan sa mga kaklase namin. Mabilis akong sumunod.
BINABASA MO ANG
5:45 AM (REVISED)
RomancePosible ka bang mahulog sa taong madalas mong makasabay sa pagsakay sa jeep?