***
Maligaw man at mawala, at umikot man sa kawalan. Sa bawat kailan, sino't saan, ikaw lamang ang kasagutan. Bawat kanan at kaliwa, kung timog man o hilaga. Ang bawat daan ko ay patungo, ay pabalik sa'yo.
- Bawat Daan / Ebe DancelTumakbo agad ako nang makita si Tita Lordes na naghihintay sa labas ng kwarto ni Atha. Napatayo ito at agad akong sinalubong. Bakas sa hitsura niya ang labis na pangamba kaya kahit hinihingal pa ay mabilis na akong nangumusta.
"T-tita, ano po'ng nangyari? Nasaan po si Atha?" Nilabanan ko ang bumabalot na takot sa puso ko. Pinanatili ko ang sarili ko na maging kalmado dahil ayoko ring makadagdag pa sa pagkataranta ni Tita Lordes.
Humawak ito sa mga kamay ko at ramdam ko ang panlalamig doon. Mariin akong napalunok at sinubukan itong pakalmahin. Muli ko siyang tinanong kung ano ba'ng nangyari.
"Nasa tindahan lang kami kanina nang makita ko si Atha na parang nahihirapan huminga..." Napatigil saglit si tita at humigpit ang pagkakahawak sa akin, "... at bago ko pa siya malapitan, anak, bigla na lang siyang bumagsak at nawalan ng malay. A-ang putla-putla ni Atha."
Para akong binuhusan ng malamig na tubig mula sa mga narinig. Ang takot na pilit kong nilalabanan ay unti-unti nang namayani sa buong sistema ko. Ang bilis-bilis ng tibok ng puso ko at parang kinakapos ako ng hininga.
"A-ano raw po ang lagay ni Atha? Nasaan ho siya? Pwede ko ho ba siyang makita?" sunud-sunod na tanong ko at pinanatili pa rin ang pagiging kalmado. Hindi ako makakatulong kung magpapatalo ako sa takot. Hindi ko binitiwan ang kamay ni tita. Sunud-sunod ang naging paglunok ko.
"Wala pa rin siyang malay, Ken. Nasa loob siya at nagpapahinga. A-ang sabi ng doktor, hindi raw normal ang pagtibok ng puso ni Atha. Arrhythmia – 'yun daw ang kondisyon niya. Hindi ko masyadong maintindihan, anak. Pero ang tanging natatandaan ko lang ay 'yung sinabi niya na dapat daw maagapan ito dahil mahina na raw ang puso ni Atha. Na kapag napabayaan, maaaring mauwi sa malalang komplikasyon."
Bumagsak ang mga balikat ko sa balitang sinabi ni Tita Lordes. Malinaw ko ring nakita kung paano masaganang tumulo ang mga luha nito. Dahan-dahan itong napaupo kaya't umalalay ako.
"Hindi ko a-alam na may ganito na palang kondisyon ang anak ko... B-bakit hindi ko man lang napansin?"
Pareho na kaming nakaupo ni tita at nanatiling magkakapit ng kamay. Tangina. Biglang nablangko ang isip ko at hindi ko na rin namalayan na bumagsak na pala ang mga luha ko. Napayuko ako.
Tangina! Bakit naman ganito? Kung kailan maayos na ang lahat saka biglang may darating na panibagong pagsubok? Pinaglalaruan ba talaga ako ng tadhana?
Bakit kay Atha pa? Bakit si Atha pa na napakabuti ng kalooban? Walang ibang hinangad si Atha kundi mapabuti ang mga taong nakapaligid sa kanya. Bakit kailangan pa niyang magkasakit? Bakit puso niya pa ang kailangang manghina? Hindi naman yata patas ang mundo.
Hindi dapat ako matakot dahil alam kong gagaling siya. Alam kong magiging maayos din ang lahat. Pero putangina natatakot ako.
Nanghihina akong nag-angat ng tingin.
"T-tita, bakit ganun? Bakit si Atha pa? Bakit siya pa ang kailangan makaranas ng ganito? Napakabuti niya pong tao. H-hindi dapat siya pinapahirapan ng ganito," sambit ko at naramdaman ko na lang ang kamay ni tita sa aking likod.
"Hindi ko rin alam, anak," mahinahon ngunit basag ang boses nito. "H-hindi ko alam kung bakit sa dinami-rami ng pwedeng mamana ni Athaliah sa akin, ito pang pagiging mahina ng puso ko. Hindi ko alam kung bakit pati siya kailangan makaranas ng ganito. Pero naniniwala ako na lahat ay may dahilan. Tatagan lang natin ang ating mga loob, anak. May tiwala ako sa Diyos na hinding-hindi niya pababayaan si Athaliah. Manalig lang tayo."
BINABASA MO ANG
5:45 AM (REVISED)
RomancePosible ka bang mahulog sa taong madalas mong makasabay sa pagsakay sa jeep?