***
Umuwi lang tila bang lahat nagbago na. Nawalan na ng sigla ang iyong mga mata.
- Sana / I Belong To The ZooDahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko nang may maramdamang mahihinang tapik. Hinang-hina at giniginaw ang pakiramdam ko. Hindi ko alam kung gaano ba ako katagal nawalan ng malay rito sa malamig na kalsada.
Napadaing ako nang marahan akong inupo mula sa pagkakahiga ng taong nasa harapan ko. Hindi ko masyadong maaninag ang hitsura nito dahil nahihirapan na akong imulat nang maayos ang mga mata ko. Ramdam ko na ang epekto ng pagkaka bugbog sa'kin.
"T-tangina, tol. A-ano'ng nangyari sa'yo?" alalang-alala ang boses nito.
"Kuya K-Kenneth..." Niyakap ko ang ugok nang makilala ito. Para akong isang batang-api na bigla na lang nakahanap ng kakampi. Muling nag-init ang gilid ng mga mata ko.
Ilang minuto rin kami sa ganoong posisyon at ako na rin ang kusang nagyaya kay kuya na gusto ko ng umuwi. Pagod na pagod na ang buong sistema ko dahil sa mga nangyari ngayong araw. At hanggang ngayon, hindi pa rin tuluyang napo-proseso ng utak ko ang lahat-lahat.
Maingat akong itinayo ni kuya at inakay maglakad dahil nahihirapan na akong humakbang nang maayos. Pipikit-pikit na rin ang mga mata ko.
Wala pang ilang hakbang ay tumigil si kuya kaya napatigil din ako. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin nang marinig ang pagbukas ng pinto ng isang sasakyan. Dumilim ulit ang mukha ko nang makita ang mga kasama ni kuya.
Mukhang napansin ng ugok ang reaksyon ko kaya agad itong nagsalita.
"S-sinamahan ako nina Jeremy at Japs para sunduin ka rito. Tumawag sa kanila si Eunice at ibinalita ang nangyari sa'yo," mahinahon na pahayag nito.
Kahit nahihirapan ay tinanggal ko ang pagkakaabay ko sa kanya at matalim na tiningnan ulit sina Jeremy at Japs na nakatayo sa gilid ng sasakyan. Napaiwas sila ng tingin sa'kin.
"U-uuwi na lang akong mag-isa," mariin kong sagot at inayos ang sarili, "hindi ko kayang makasama sa iisang lugar ang mga traydor."
Hindi ko na sila hinintay pang makasagot at tumalikod na ako. Pinilit kong idiretso ang paglalakad pero hindi pa man tuluyang nakakalayo ay napatigil ako nang muling magsalita si kuya.
"Ganyan ka na ba talaga katigas, Ken?" seryoso ang boses nito.
Matalim pa rin ang mga tingin ko kahit nakatalikod sa kanila. Napakuyom lang ako ng kamao at muling inihakbang ang mga paa ko. Hindi ko pinansin si kuya.
"Alam ko ang buong kwento, Ken Kristoffer. Alam ko na ang mga nangyari," muli akong napatigil dahil nagsalita ulit ito.
Dahan-dahan naman akong napalingon pabalik at tumingin sa kanya. Blangko ang hitsura ko pero bahagyang napaangat ang gilid ng labi ko.
"Kung talagang alam mo, bakit may amor ka pang sumama sa kanila?" Inayos ko ang polo ko na natuyuan na ng dugo, "ginago nila ang kapatid mo, tol. Ginago nila ako. Gets mo ba? O baka naman iniba nila ang kwento sa'yo at pati ikaw ginagago na rin nang hindi mo alam."
Napamura si Japs kaya napunta ang atensyon ko sa kanya. Hinawakan siya ni Jeremy sa balikat. Napangisi ako — ngisi na punong-puno ng hinanakit.
"W-wala talaga kayong konsensya, no? Pati utol ko dinamay niyo sa mga kasinungalingan ---"
"Putangina, Ken!" ramdam ko ang inis sa malakas na boses ni kuya nang sumingit ito. Napatigil ako at napatingin sa kanya. Napasapo ito sa noo at kita sa mga mata niya na nahihirapan at nasasaktan din siya sa mga nangyayari.
BINABASA MO ANG
5:45 AM (REVISED)
RomancePosible ka bang mahulog sa taong madalas mong makasabay sa pagsakay sa jeep?