***
Naranasan mo na ba madapa at masugatan? Hawakan mo ako, hinding-hindi iiwan.
- Tabi / Paraluman ft. Kean CiprianoWala akong mahanap na eksaktong salita para ipaliwanag ang nararamdaman ko. Kahit tumitig pa ako buong araw sa harapan ng salamin at paulit-ulit na tanungin ang sarili ko, wala akong mahagilap na sagot.
Ano nga ba'ng nagustuhan ko kay Atha?
Tangina. Hindi ko alam.
Hindi ko nga rin alam kung kailan, saan at paano ba nagsimula.
Hindi kailanman sumagi sa isip ko na ganito ang magiging epekto ng presensya niya sa akin.
Sino'ng mag-aakala na ang babaeng nasukahan ko sa jeep noon ay magkakaroon ng malaking bahagi sa kwento ng buhay ko; Buhay ko na akala ko hindi na ulit maibabalik sa dating sigla. Pero dahil sa kanya, nakabangon ako at natutong maging masaya ulit.
Si Atha na kinaiinisan ko dahil sa kakulitan at kaingayan noon; Ang babaeng walang ibang ginawa kundi ngitian ako kahit puro pag-susungit at singhal ang ibigay ko sa kanya. Hindi ito sumuko na magparamdam at magbigay sa akin ng mga rason na napakarami pa pala talagang dahilan para magpatuloy sa buhay.
Hindi siya napagod hanggang sa maging maayos ulit ako. Siya ang nagmulat sa akin na hindi porke nasaktan ka nang lubusan, habambuhay mo nang mararanasan 'yon. Mali pala. Ano man ang sakit at paghihirap ang ibato sa atin ng mundo, lahat 'yon may katapusan. Kailangan mo lang maniwala at magtiwala.
Simula nang makilala ko si Atha, unti-unti na ring nagbago ang mga pananaw ko sa buhay. Ang dami niyang idinulot na magagandang bagay sa akin. At willing akong ibalik at doblehin ang lahat ng iyon sa kanya.
Habang lumilipas ang mga araw, lalo ring lumalalim ang kakaibang nararamdaman ko para sa kanya.
Kapag nandyan siya sa paligid, bumibilis palagi ang tibok ng puso ko. Kahit wala siyang gawin, hindi na nagiging normal ang reaksyon ng puso ko.
Nandito kami ngayon ni Atha sa paborito naming tambayan at kakatapos lang namin kumain ng tanghalian. Isang linggo na rin ang nakalipas at natapos na kami sa pagpapa-pirma ng petition at naipasa na rin ito nina Atha kahapon. Wala pang sagot ang campus dean kaya kahit hindi sabihin ni Atha, ramdam ko na hindi pa ito napapanatag.
Kasalukuyang abala ito ngayon at mukhang may isinusulat na naman sa notebook na lagi niyang bitbit. Napapangiti ito na para bang may magandang bagay na naalala habang nagsusulat. Bahagya naman akong napabuntong-hininga at nahuli na naman ang sariling nakangiti habang nakatingin sa kanya.
Mukhang napansin naman iyon ni Atha kaya bigla itong napaangat ng tingin. Nginitian niya ako.
"Bakit ganyan ka makatingin?" natatawa nitong puna bago binitiwan ang hawak na ballpen, "baka naman matunaw ako niyan ha," pang-aasar pa nito.
Natawa naman ako at diretsong tumingin sa mga mata niya.
"Akala ko dati nabibili ng pera lahat ng magagandang bagay dito sa mundo... hindi pala," nakangiti kong sabi at medyo inilapit ko ang sarili ko sa kanya, "libre pala 'yang mga ngiti mo."
Saglit na kumunot ang noo ni Atha at bigla na lang natawa. Pero kitang-kita ko rin naman ang pamumula ng mga pisngi niya. Sinuntok niya pa ako nang mahina sa braso.
"Ay, parang gusto kong maningil bigla," natatawa nitong sagot kaya hindi ko na rin napigilang matawa.
"Dapat kapag boyfriend mo na, hindi na kailangan singilin pa. Ang daya mo naman," panunukso ko.
Lalo naman akong natawa dahil sa naging reaksyon ni Atha. Napaubo na naman ito bigla at dali-dali ring umiwas ng tingin. Lalo ko tuloy siyang inasar. Agad itong sumimangot kaya bahagya kong tinusok-tusok ang kanyang noo na paborito kong gawin.
BINABASA MO ANG
5:45 AM (REVISED)
RomancePosible ka bang mahulog sa taong madalas mong makasabay sa pagsakay sa jeep?