Prologue

86.4K 3.3K 2.3K
                                    

Take that



"Mahuli may tae sa pwet!"


"Maniwala tanga!"


"Hindi maniwala panget! Period. No erase. Padlock. Tapon susi." sabay hagis niya kunwari ng kamay sa ere.


Hinihingal na huminto ako sa pagtakbo habang tanaw ang lumilipad na eroplano.


"Ano? Ano?" hamon sakin ng pinsan kong si Nash. "Wala na, tangay na ng airplane yung susi," asar niya sabay labas ng dila para mang-belat.


Sinamaan ko siya ng tingin. "Magiging driver naman ako ng eroplano balang-araw kaya makukuha ko pa yun tapos maa-unlock ko yang sinabi mo,"


Tinignan niya ko nang matagal bago siya bumulanghit ng tawa. Napahawak pa siya sa tiyan sa sobrang kakatawa. Halos hindi na rin siya makahinga habang tinuturo ako na parang isang malaking biro yung sinabi ko.


Kumuyom ang kamao ko sa inis at tumakbo papasok sa bahay.


"Uncle! Uncle!" nilapitan ko siya na kasalukuyang nagtatanggal ng mga dahon ng malunggay kasama si Lola.


"Oh? Oh? Ang pawis mo na naman Ellie!" sabi niya sabay kapa sa likod ko.


"Uncle! Paglaki ko po gusto kong maging piloto ah," seryosong sabi ko.


Bumaling siya kay Lola. "Nay, ba't ganto 'to? Akala ko ba maging cashier ang laging pangarap ng mga batang babae?" bulong niya.


Simpleng humalakhak si Lola. "Hayaan mo na at bata pa! Hindi pa niyan alam ang mga sinasabi niya,"


Tumango-tango si Uncle bago muling humarap sakin. "Oh sige sige. Magpalit ka na roon ng damit dali,"


Sa tuwing may mga bisita at tatanungin kaming magpipinsan kung ano ang gusto naming maging paglaki ay hindi nagbabago ang sagot ko. Kinukurot lang nila ang pisngi ko habang tumatawa at sinasabing magbabago pa naman daw ang isip ko.  Nakakailang pangarap pa naman daw ang isang tao bago tuluyang maging permenante ang isip. Pero iba ako. Alam kong yun lang ang gusto ko at wala nang iba. Noon pa lang ay iyon na talaga.



Nung grade four ako ay pinasagot ako ng classmate kong si Chelsea sa slambook niya. Siningkit niya ang mata habang binabasa ang mga sinulat ko.


"When I grow up I want to be a... pilot?" binalingan niya ko. "Bobo, flight attendant ata ibig mong sabihin,"


Kinunotan ko siya ng noo at umiling. "Hindi. Pilot talaga ang gusto ko,"


Lumukot ang mukha niya. "May babae bang ganon? Hindi ba pang-lalaki lang 'yun?"


Inirapan ko siya. "Meron no. Ang dami na nga eh." bumaling na ko sa mga gamit ko. "Ano ba yan mga hindi kasi nagre-research," sabi ko atsaka niligpit ang lapis sa pencil case.

Every Flight CountsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon