Chapter 31

82 63 103
                                    


        Ang pamilyang De Fleune ay tutok na tutok pa rin sa pagkawala ng kuwintas. Kung papaano ito ninakaw at saang kamay na ito napunta sa ngayon.

       "Kung ganito naman ang nangyayari sa atin, ang espada ay dapat na nating protektahan. Hindi basta-basta ang problemang ito, mahirap ito kaya naman maging alerto tayo sa ating paligid lalong-lalo na sa mga ninanais na makuha ang nagp-prokteta sa ating kaharian." Ang sabi ni Haring Vesonto sa kaniyang mga kasama.

        "Kung humingi tayo ng tulong sa ibang kaharian? Siguro sapat na iyon upang masolusyonan ang ating problema sa ngayon." Ang sabi naman ni Reyna Caelia ngunit tutol ang Hari sa sinasabi niya.

        "Caelia, walang kinalaman ang ibang kaharian sa ating problema sa ngayon dahil sa kanilang sariling kaharian ay mayroon din silang pinagdadaanan na mga pagsubok kaya mas mabuti nang tayo ang humarap sa ganitong pangyayari." Ang paliwanag naman ni Haring Vesonto.

        "Ama, maaaring makatulong sila sa atin, mas madaling masosolusyonan ang problema kung magtutulong-tulong tayong lahat." Ang nais namang mangyari ng kaniyang anak na si Prinsesa Serenity.

        "Anak, alam kong gusto mong makatulong ngunit hindi madali ang iyong gustong mangyari." Ang sagot naman ni Haring Vesonto sa kaniyang anak.

        Si Reyna Caelia ay hindi na mapigilan ang kaniyang inis at galit sa kaniyang asawa. Hindi na rin niya kaya pang manahimik lalo na't ganito kabigat ang kanilang problema.

        "Walang mangyayari kung puro lang tayo nakadikit sa iisang plano!" Ang sigaw ni Reyna Caelia.

      Nagulat si Haring Vesonto, si Prinsesa Serenity ang ang guwardiya na kanilang kasama. Tumingin si Reyna Caelia sa kaniyang asawa at natawa.

        "Hindi lahat ng gusto mong mangyari ay nagagawa mo, Vesonto. Makapangyarihan ka nga ngunit kung wala kami, wala ring kuwenta ang pagiging makapangyarihan mo." Inis na sumbat ni Reyna Caelia sa kaniyang asawa.

       Bumuntong-hininga si Haring Vesonto at napahawak na lamang sa kaniyang ulo. Hindi niya kayang awayin ang kaniyang asawa dahil babae ito, may respeto siya rito at mahal na mahal niya ito.

        "Pasensya na... pasensya na kayo kung wala akong magawa sa ngayon." Ang sabi ni Haring Vesonto sa kanila.

Tumingin siya sa asawa niyang umiiyak at niyakap ito, hinalikan sa noo at pinunasan ang kaniyang luha.

        "Gagawa tayo ng paraan, hindi tayo titigil hangga't hindi maayos ang kalagayan ng ating kaharian at ang kuwintas, babalik iyon sa atin." Bulong niya sa asawa niya.

        "Huminahon kayo... kaya natin 'to..." Dagdag pa ni Haring Vesonto.

        Para sa kaniya, isa lamang itong pagsubok upang malaman kung gaano katatag ang kanilang pamumuno at ang kanilang pagmamahal sa kanilang bayan.

~••••••~

         Sa ngayon, walang magawa si Zelar kung hindi ang tumingin sa kawalan. Wala na siyang alam pang kaya niyang gawin at hindi niya rin alam kung bakit pa siya binuhay ni Grovioza, kung bakit gusto pa nilang maghiganti at kung bakit siya rin ay nahawa na sa kanila, sa kanilang kasamaan.

       Naisip ni Zelar na maghalughog sa kuwarto ni Grovioza. Alam niyang masikretong tao si Grovioza at kahit na kakampi niya ito, alam niyang siya ay may iba pang pansariling sikreto, isang traydor.

         Nanalangin si Zelar na sana hindi siya maabutan ni Grovioza sa kuwarto nito. Gusto pa niyang malaman ang mga ginagawa ni Grovioza sa kaniyang buhay at iba pang pinagkakaabalahan nito.

        Nang pumasok siya sa loob ng kuwarto ni Grovioza, madilim at hindi maintindihan kung bakit sobrang ayos ng kaniyang mga kagamitan. Wala namang nahanap o nakita si Zelar na kakaiba sa kuwarto, at sa totoo lamang, ngayon lang siya nakapasok sa kuwarto ni Grovioza.

        Ngunit nang mas inikot pa niya ang kaniyang mga mata may nakita siyang libro na nakapatong sa kama ni Grovioza. Nagtaka siya sapagkat nakikita na niya ito noon ngunit hindi ito pinapahawak ni Grovioza sa kaniya.

         Agad niya itong nilapitan, umupo siya sa kama ni Grovioza at dahan-dahan itong binuksan. Isa itong diary, na ang nilalalaman ay ang mga sikreto ni Grovioza.

         Mababasa niya roon ang mga importanteng dapat na gawin ukol sa kanilang plano at ang mga dapat nilang gawin bago at pagkatapos mangyari ng kanilang plano.

         Simple lang naman doon ang mga nababasa ni Zelar ngunit may nabasa siyang hindi niya pwedeng ipagwalang-bahala. Muli niya itong binasa.

        "Pagkatapos kong magawa ang aking mga plano, lahat ay babalik na sa kani-kanilang dating buhay. Mananahimik na at walang makakaalam kung sino ang may sala." Mahinang basa ni Zelar sa nakasulat sa libro.

        Hindi niya alam kung ano ba talaga ang ibig sabihin nito sapagkat maraming pwedeng paliwanag dito ngunit para sa kaniya, hindi ito simpleng sulat lamang. May nakatagong sikreto rito.

~••••••~

         Pagkatapos kumain ni Loreen ng kaniyang tanghalian, agad siyang umakyat sa kuwarto nila ni Remie. Nakita niya si Remie roon na nagd-drawing ngunit hindi niya ito pinakialaman.

         Agad siyang pumunta sa kaniyang lamesa kung nasaan ang kaniyang laptop, gustong-gusto na talaga niya buksan ang kaniyang laptop ngunit nagsalita si Remie.

         "Ako nae-excite kapag nakikita kong bubuksan mo na laptop mo e." Ang sabi ni Remie kay Loreen.

         "Ako rin e, excited na akong makapagsulat ulit. Ilang linggo rin akong walang sulat." Ang sabi ni Loreen kay Remie.

        "Oo nga, 'buti na lang naayos na laptop mo. Kung hindi baka 'di mo na alam kung paano magsulat." Biro ni Remie kay Loreen.

         "Tsaka 'buti na lang maayos na ang internet. Mahirap kasi kapag magsusulat tapos mahina ang internet." Ang sabi naman ni Loreen, dahan-dahan na niyang binubuksan ang kaniyang laptop.

         Inaantay niyang magbukas ito ng maayos at maya-maya ito ay nakabukas na.

        "Nagugutom na naman ako. Ano kaya pwedeng makain sa baba?" Tanong ni Remie sabay labas ng kuwarto.

         Nang buksan ni Loreen ang kaniyang account sa wattpad, nagulat na lamang siya sa sobrang daming notification. Umabot ito ng libo-libo kaya naman natuwa na rin siya dahil kahit papaano ay mayroon pa rin pa lang sumusuporta sa kaniya.

        Tiningnan niya isa-isa ang mga akdang natapos niya at dumadami na ang mambabasang nagugustuhan ang mga ito.

Nang maalala niya ang kaniyang sinusulat na akda sa draft niya, agad niya itong hinahanap at nagulat na lamang siya sa bumugad dito.

         Ilang kabanata na ang nakasulat dito at nang tingnan niya ang pinakahuling kabanata, nagulat na lamang siya dahil hindi naman niya ito sinulat. Nang itigil niya ang kaniyang pagsusulat, siya ay nasa ikalimang kabanata pa lamang.

        At isa pa... nakita niya rin ang pangalan niya roon at ni Remie, kaya naman nahilo na lamang ito sa sobrang pagtataka.

Adventures in Efarial ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon